Nagbalik-tanaw si Christo Cruz, dating miyembro ng popular na dance group na Streetboys, sa mga pinagdaanan nila noong nagsisimula pa lamang silang sumayaw.
Aniya, “Talagang wala din talaga, e.
“Actually, pamasahe talagang pinapangutang pa namin.
At natawa siya.
Dagdag niya, “Tapos, that time magkano lang ang talent fee namin?
“Unang-unang sayaw ko sa TV ano, natatandaan kong talent fee ko is one hundred eighty pesos! Parang ganun, tandang-tanda ko yun.”
Sa puntong ito ay sumingit naman si Marco McKinley, dating miyembro naman ng sikat ring male dance group noong dekada ‘90, ang Universal Motion Dancers o UMD, na katabi ni Cristo sa panel interview para sa kanilang reunion dance concert na The Sign ’90s Supershow: A Benefit Concert.

“Ang laki naman ng sa inyo,” bulalas ni Marco.
“Sa inyo ba magkano?” balik-tanong ni Chris.
Sagot ni Marco, “Ninety. Kailangan mag-guest kami ng Eat Bulaga!, Student Canteen, That’s Entertainment, kailangan makatatlo kaming guesting sa isang araw.”
“Eighties nga pala kayo,” ang tumatawang balik ni Chris kay Marco.
Pagpapatuloy pa ni Chris, “Sobrang hirap din po talaga ng pinagdaanan namin before, yung mga batang ‘90s bago kami nakarating sa ganitong…
“Masasabi ko lang, kaya kami naging matibay, pinursige namin talaga yung pagsasayaw. Mahal namin, passion namin, para dun sa mga kabataan ngayon na may gustong marating.
“Streetboys, UMD, lahat ng nakilala nung nineties… tibayan natin loob natin and siyempre yung pagmamahal sa kung anong ginagawa natin, passion natin, pero siyempre kung nag-aaral tayo hindi natin pababayaan.
“Balansehin po natin, iyon po,” saad pa ni Chris.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Chris, Marco at iba pang miyembro ng sari-saring ‘90s dance group sa mediacon ng reunion concert nila nitong April 9 sa activity center ng Farmer’s sa Cubao, Quezon City.
Via Zoom, nakasama rin sa mediacon si Spencer Reyes na based na sa United Kingdom at nagtatrabaho bilang isang bus driver.
Tinanong namin si Spencer kung ano ang naramdaman niya na may produksyon na binigyan ng pansin silang mga dancers at ipinag-produce ng isang dance concert.
Lahad ni Spencer, “Kinilabutan ako na… iba yung feeling! Parang meron akong butterflies inside my… nanginginig ako.”
Kasalukuyang nasa Pilipinas ngayon si Spencer para sa kanilang dance concert.
“Talagang pinaplanuhan ko talaga.”
Tinanong rin namin si Spencer kung may pagkakataong puwede nang makumpleto silang Streetboys sa kanilang dance concert o kung sa iba pang show in the future.
“Maybe, why not, di ba? Malay mo. Hindi natin alam kung when, hindi natin alam kung how, but definitely it will happen.”
Isang tila pagbubukas raw ng pinto sa ganitong pagkakataon ang The Sign 90’s Supershow kung saan karamihan, hindi man lahat, ng orihinal na miyembro ng Streetboys, ay muling mapapanood humataw sumayaw.
“So after this, you’ll never know, you’ll never know,” saad ni Spencer.
Mula sa WildCat Queens Productions and Management Inc., ang The Sign 90’s Supershow ay maituturing na isang pambihirang pagsasama-sama ng mga sikat na dance groups noong 1990s at muling pagpapakita ng mga pinasikat nilang ‘90s dance moves.
Mangyayari ito sa Abril 19, 2024 (Biyernes), 6:00 pm, sa Aliw Theater sa CCP Complex, Pasay City.
Bukod kina Spencer at Christo, mapapanood din dito sina Maynard Marcellano, Danilo Barrios, Nicko Manalo, Joey Andres, at Michael Sesmundo ng Streetboys kasama ang Streetboys Juniors na sina Fritz, Gian, Paulo, at Neil.
Nasa show rin ang Manoeuvres nina Joshua Zamora, Rene Sagaran, Jonjon Supan, Red at Jhon Cruz.
Hindi naman mabibigo ang mga tagahanga ng Universal Motion Dancers dahil bukod kay Marco ay darating rin si Norman Santos.
Mapapanood din ang iconic Kids At Work sa pangunguna ni Jayjay Del Rosario, ang Power X People sa pangunguna naman ni Isaac Generoso.
May performances sa concert ang Bigmen, Abztract, Dyna Turbo, Teensquad, Katz22, Black & White, Mastermind, Blain, Wildcat Queens, at marami pang iba.
Sa direksyon ni Kiko Cabarloc at over-all director na si Arnel Caranto ang mga sponsors ng show ay ang Wolfgangs, The Red Crab, 1322 Bar and Lounge, Wild Seafood atbp., Erjohn Almark Transit Corp., Wildcat Queens Travel and Tours Ltd., Mak Media, SG Vibes, Farmer’s Plaza, Tickelo, Wildcat Queens Recording Studio at ang Wild Knights Band.
Available ang tickets sa https://www.tickelo.com/the-sign-90s-supershow
Para naman sa inquiries at sponsorships, maaaring tumawag sa 09660696014 o mag-message sa kanilang official Facebook page: https://www.facebook.com/WCQProductionsandManagementInc
