Aminadong dumaan sa maraming pagsubok ang mag-asawang Melai Cantiveros at Jason Francisco, pero napanatili nilang matatag ang kanilang pagsasama.
Read: Melai Cantiveros involves kids in deciding about having Baby No. 3
Ang sikreto ayon kay Melai: "Ako naman, sa relasyon namin, very cliché kung sasabihin mo si God, pero totoo talaga na si God ang center.
"Si Jason, hindi mo nakikita na nagdarasal, pero sobra niyang sinasabi sa akin ito, 'Alam mo, natutuwa ako pag nagsisimba kayo ng mga bata.'
"Dun naano ang heart ko na ganun pala siya. Ibig sabihin, tinitingnan niya kaming April girls, yung faith namin kay God."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Melai sa Oplan Balik Ngiti ng Polident, na ginanap sa Trinoma Mall, sa Quezon City, noong April 12, 2024.
Dito ay ibinahagi rin ni Melai kung paano nila hina-handle ni Jason ang misunderstandings nila.
May mga pagkakataon daw talaga na nagka-clash sila.
Lahad ni Melai: "Cause ng away? Minsan ugali namin.
"Aminin ninyo, sa karelasyon ninyo, kayo ang pinaka-the best enemy ng karelasyon ninyo.
"Alam niyo ang kahinaan ng asawa ninyo. 'Ah, ito ang sasabihin mo sa akin, hindi ako papayag. Itong babanggitin, ikamamatay mo ito.'
"Yung asawa mo, galit na galit. Hindi magagalit ang asawa mo sa iba, sa iyo lang siya ganun.
"Alam ninyo ang kahinaan ng isa't isa."
Ang mahalaga ay naaayos daw nila ito.
Saad ng Kapamilya comedienne-TV host, "Understanding is the key. Ibigay ninyo ang respect.
"Pag mag-asawa kayo, puwede kayong magkaumayan sa isa't isa.
"Sino ba ang hindi mauumay? Sino ba hindi mauumay sa mukha namin minsan?
"Respeto lang, magpalamig muna tapos okay na."
Idiniin din ni Melai na hindi dapat mag-assume ang ibang tao na kapag nag-aaway ang mag-asawa ay hiwalay na ang mga ito.
"Alam mo, normal lang talaga sa mag-asawa ang mag-away. Huwag tayong magsalita sa mga mag-asawang nag-aaway na hiwalay na sila.
"Pag may annulment na, dun tayo magsabi na hiwalay na talaga or may divorce paper.
"Sa mag-asawa, normal ang mag-away. Walang mag-asawa na hindi nag-aaway.
"Okay lang mag-away kasi dun mo mate-test ang inyong relationship, kung talagang pipiliin ninyo ang isa't isa kaysa sa away ninyo."
MELAI CANTIVEROS ON VALUE OF PRAYERS
Kilala si Melai na masayahing tao. Paano niya hina-handle ang mga problema kapag mabigat na ito at nakakaapekto na sa kanya?
Sagot ng Magandang Buhay co-host, "Prayer talaga. Kung napapansin niyo sa stories ko, nagma-mass ako every day pag wala akong trabaho.
"Mass is the highest form of prayer. Pag nagpe-pray ako, bumabalik yung heart ko at peace talaga with God.
"Kung anumang problemang dumating, okay lang yan, may God naman.
"Ako naman, ang itinuturing ko talagang problema is health, wala nang iba.
"Finances man yan, o anuman yang away-away, magbabati din kayo.
"At the end of the day, prayer talaga is the key."
Read: WHAT PEP KNOWS: Kathryn Bernardo wooed by Alden Richards, Jericho Rosales, Donny Pangilinan?
MELAI CANTIVEROS AND JASON FRANCISCO KIDS
Marami ang natutuwa sa pagiging bibo ng mga anak nina Melai at Jason— sina Mela, 9, at Stella, 7.
Dahil sa likas na pagiging maboka at kuwela ng mga ito, may mga nag-aabang kung papayagan ng mag-asawa na pasukin nina Mela at Stella ang showbiz.
"Ako, walang problema," sabi ni Melai.
"Pero si Jason ang sabi niya, 'Huwag natin pilitin sila ngayon.'
"Kung may mga endorsements, why not? It's a privilege.
"Pero yung pag-aartista, hayaan natin na ang utak nila marunong nang magdesisyon para sila ang magdesisyon.
"Kung kami daw kasi ang magdesisyon, baka at the end of the day, ayaw na nila, ma-frustrate sila dahil sa kakadesisyon namin.
"Kung sila ang may gusto, kahit mahirapan sila, mapagtatagumpayan nila dahil sila ang may gusto.
"Si Mela, laging sinasabi, 'I want to sing and dance.' Sabi ko, 'Mag-sing and dance ka na lang, Beh, manood ka ng YouTube. Mag-sing and dance ka diyan.'
"Nagpapasalamat kami sa ASAP kasi nai-invite kaming sumayaw at kumanta."
Read: Small Laude, Melai Cantiveros, Dani Barretto reveal shopping spending limit
MELAI CANTIVEROS ON PBB
Si Melai ay grand winner sa 2009 edition ng Pinoy Big Brother, ang reality franchise show ng Kapamilya Network at ngayon ay isa siya sa hosts nito.
Co-hosts ni Melai sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, at Enchong Dee.
Ani Melai, "Abangan ninyo talaga ang PBB, grabe ang pasabog nito.
"Excited kaming mga hosts. Mayroon kaming mga alam na, pero hindi pa sinasabi sa amin.
"Tsismosa raw kami, pero napakaganda ng mangyayari sa PBB."
Bilang PBB grand winner, ano ang katangiang dapat taglayin ng mga bagong aspiring housemates?
"Ang masasabi ko lang diyan, life is so short talaga. Importante na mag-enjoy ka sa ginagawa mo.
"Yung pag-audition mo ba, gusto mo ba talaga yun o baka naman char-char dahil inutusan ka lang ng mama mo?
"Kailangan mo talagang gustuhin ang ginagawa mo o yung sinasabi sa iyo.
"Kung di mo talaga gusto yun, di mo pagtatagumpayan yun.
"Pag gusto mo, mag-e-enjoy ka. Makikita ng mga tao na authetic kang masaya, makikita ng mga tao na inspirasyon ka na kahit ganito ang buhay mo, masaya pa rin siya.
"Yun naman ang importante ng pag-i-stay natin sa mundo, maging masaya tayo basta walang inaapakang tao sa mundo."
