Sinampahan ni Bea Alonzo ng reklamong cyber libel ang showbiz personalities na sina Cristy Fermin at Ogie Diaz.
Si Cristy ay host ng online show na Showbiz Now Na, habang si Ogie ay may sarili ring online show na Ogie Diaz Showbiz Update.
Eksaktong 2:34 p.m. nang dumating si Bea sa Quezon City Hall ngayong Huwebes, May 2, 2024.
Kasama niya ang kanyang manager na si Shirley Kuan at legal counsel na si Atty. Jose Manolo Garcia, founding at senior partner ng Garcia Elauria Ruanto & Associates law office.
Read: Cedric Lee, Deniece Cornejo guilty in serious illegal detention case
BEA ALONZO SWORN AFFIDAVIT VS. CRISTY FERMIN, OGIE DIAZ
Dumiretso si Bea sa tanggapan ni Prosecutor Anna Fe Abad sa Quezon City Prosecutor's Office.
Dito ay nilagdaan at pinanumpaan ni Bea ang kanyang salaysay laban kina Cristy at Ogie.
Kalmado si Bea habang sinasagot ang mga katanungan ng fiscal.
Sinabi ni Bea na naiintindihan niya ang laman ng kanyang sinumpaang salaysay.
Kinumpirma rin ng aktres na "true" at "correct" ang impormasyong inilahad niya base sa kanyang personal na kaalaman.
Hindi nagbigay ng panayam sa media si Bea.
CRISTY FERMIN AND OGIE DIAZ'S "DEFAMATORY STATEMENTS"
Tanging ang abogado niya ang nagsalita nang mainterbyu ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at 24 Oras ng GMA-7.
Hindi pinangalanan ni Atty. Garcia ang respondents, pero nakasaad sa isinumiteng sworn affidavit ni Bea na sangkot sa reklamo sina Cristy, Ogie, at lima pang indibidwal.
"We believe these respondents saw this coming. They know who they are," saad ng abogado.
Idiniin ni Atty. Garcia na karapatan ni Bea na ipagtanggol ang sarili sa mga mapanirang pahayag na binitiwan ng respondents laban sa aktres.
"For the record, this is the very first time that Bea is doing this.
"She has been in the industry for more than 20 years.
"She was greatly devastated by all these defamatory statements thrown against her.
"As a taxpayer, she asserted her right to proceed with this filing of criminal cases against the individuals making these damaging statements against her."
Ayaw nang idetalye ng abogado kung anu-ano ang tinutukoy ng kampo ni Bea na paninirang binitiwan nina Cristy at Ogie sa hiwalay nilang online shows.
Pero diin niya, ni minsan daw ay hindi kinontak ng respondents ang kampo ni Bea para hingin ang panig nito sa mga isyu patungkol sa aktres.
"As far as I'm concerned, wala po, despite them knowing the truth about all these statements subject of the complaints that we filed," pahayag ni Atty. Garcia.
Ano ang hiling ni Bea sa hinain niyang cyber libel complaint?
Sagot ni Atty. Garcia: "Since these are criminal cases, one of the reliefs being sought is damages po.
"Yes, andun naman po lahat yun."
Sa huli, nanawagan ang abogado sa social media users na maging maingat sa pamamahayag sa digital world.
"We will just be urging the social media users, in particular the bloggers, to understand the legal consequences in engaging in such behavior.
"Because lahat ng personal attacks, defamatory statements, they are not only morally reprehensible, but also legally actionable."
Sinusubukan ng PEP.ph hingin ang panig nina Cristy at Ogie hinggil sa reklamong cyber libel na sinampa ng A-list actress laban sa kanila.
Agad namin itong ilalathala sa oras na matanggap namin ang sagot ng mga nabanggit na personalidad.
Read: Bea Alonzo-Dominic Roque love story: From friends to lovers
