Sala sa init, sala sa lamig ang mahaba-habang coverage sa buhay ng megastar na si Sharon Cuneta sa online show ng showbiz veteran na si Cristy Fermin.
Dumating ang araw na umalma si Sharon at ang mister niyang si dating Senador Francis "Kiko" Pangilinan.
Idinemanda nila ng cyberlibel si Cristy.
Read: Sharon Cuneta, Kiko Pangilinan sue Cristy Fermin
Ang cyberlibel ay ang akto ng paninirang-puri na ginagawa sa internet, website, social media, at video platforms.
Kakaiba ito sa tradisyonal na libel na, sa paningin ng batas, ginagawa sa print media at TV at radio broadcasts.
May popular na YouTube channel si Cristy kung saan naghahatid siya ng showbiz-oriented news. Ito ay ang Showbiz Now Na! (SNN), na mayroon nang 716 videos at mahigit sa 446,000 subscribers habang isinusulat ang artikulong ito.
Madalas ang upload ng episodes sa channel na ito. Simple lang din ang format: Nakaupo sa harap ng isang camera si Cristy bilang main host, kasa-kasama ang dalawa niyang co-hosts. Sila ay nagbibigay ng kani-kaniyang opinyon tungkol sa samu't-saring topics na may kinalaman sa showbiz.
Ang dalawang co-hosts ni Cristy sa SNN ay sina Romel Chika at Wendell Alvarez.
Binalikan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang video uploads ng SNN para panoorin ang mga naitampok dito tungkol kina Sharon Cuneta, Kiko Pangilinan, at apat nilang anak.
Sa bilang ng PEP, sa topic ng Sharon-Kiko Family, mayroon itong 23 videos sa taong 2023 at 14 videos ngayong 2024.
Kadalasan ay tumatabo ng lampas 200,000 views ang episodes na tampok ang relasyon ng mag-inang Sharon at KC.
Umabot ng lampas 500,000 views naman ang episode na tinalakay ang sentimyento ni Sharon tungkol sa kanyang buhay-pamilya.
JUNE 27, 2023
Sa taong 2023, ang unang episode na tampok si Sharon ay tungkol sa relasyon niya kay KC Concepcion.
Si KC ay anak ni Sharon sa ex-husband na si Gabby Concepcion.
May titulong “SHOWTIME, ISINABONG NG GMA SA SHOW NG TAPE! TVJ, HANDA SA MGA KALABAN!” ang episode na lumabas noong June 27, 2023.
Pinuri ni Cristy ang pagsuporta ng Megastar sa panganay na anak upang makilala ang amang si Gabby Concepcion.
“Sobra talaga akong sumasaludo kay Sharon Cuneta, bilang siya pa mismo ay nagbigay ng pamasahe ni KC na noon po ay nag-aaral sa Paris para hanapin ang kanyang ama sa San Francisco,” sabi ng showbiz commentator.
Taong 2008 nangyari ang pagkikita ng mag-ama. Sa U.S. naninirahan noon si Gabby, na taong 1995 ay umalis ng Pilipinas matapos ang kinasangkutang Manila Film Festival 1994 scam-scandal.
Read: Manila Film Festival 1994: The Scandal that Rocked Showbiz
“Si Sharon pa ang namasahe. Hindi ba’t pagkaganda-ganda ng puso ng taong ito?” saad ni Cristy.
Pagpapatuloy niya, “Sana lahat ng puso tulad ni Sharon Cuneta na binigyan talaga ng pagpapahalaga ang kapareha niya sa pagkakaroon ng mga anak.
"Hindi mo naman magiging anak na mag-isa ka lang."

AUGUST 26, 2023
Sa sumunod na episode ay mas tinalakay sa show ni Cristy ang dating relasyon nina Sharon at Gabby.
Lumabas ito na may titulong “SHARON, KINIKILIG NA KAY EX! TVJ, WAITING NA LANG! NURSE SI ZOMBIE TUGUE!”, na siyang August 26, 2023 episode.
Tinalakay rito ang detalye ng Dear Heart concert ng dating mag-asawa noong October 27, 2023 sa Mall of Asia Arena.
Hula ni Cristy at ng kanyang co-hosts, magiging sold-out ang event.
“Baka tumayo na lang ang iba dahil punung-puno po ang MoA Arena,” sabi ni Cristy.
Ulat pa niya, "Hindi raw nagkikita nang personal. Pictorial, rehearsal, sa lahat ng bagay, hindi raw sila nagkikita. At dun na lamang sa mismong entablado ng Dear Heart sila magtatagpo."
Makakadagdag daw ito ng excitement sa fans ng dating magka-loveteam.
“Si Sharon, alam ko kikiligin,” dagdag ni Cristy.
Sinabi ito ni Cristy bago ang September-15 presscon ng Dear Heart, kung saan sinabi ni Sharon na hindi siya sigurado kung dadalo si KC sa concert.
Pero dumating si KC sa Dear Heart concert ng October 27.
Pagkatapos nito ay nag-post si Sharon sa Instagram ng pagtatagpo nila ni KC sa final rehearsal niya kasama si Gabby noong October 26, isang gabi bago ng mismong concert.
Ayon kay Sharon, doon lang uli sila nagkita ni KC mula nang huli silang nagkasama Enero ng 2023.
Dear Heart din ang pangalan ng pelikulang naglunsad sa Sharon-Gabby loveteam taong 1981.
Tatlong beses nagpakasal sina Sharon at Gabby noong 1984, base sa ulat ng YES! Magazine. Naghiwalay sila noong 1987, at na-annul ang kanilang kasal noong 1993.

AUGUST 28, 2023
Sa araw na ito ay ipinagpatuloy ni Cristy ang diskusyon sa concert nina Sharon at Gabby.
Sa episode na may titulong “VICE GANDA, TUNAY NA PASAWAY! KC, UNANG KILIG SA SHARON-GABBY CONCERT! ANDREA, WALANG KADALA-DALA!” noong August 28, 2023, sinabi ng hosts na si KC pa ang kilig na kilig sa magaganap na pagtatagpo nina Sharon at Gabby.
Kuwento ni Romel, hiling daw ni KC na ang naturang concert ang maging simula ng magandang ugnayan ng kanyang mga naghiwalay na magulang.
Sabi naman ni Cristy, “Ito daw ang wini-wish niya noon pa man, na sana ang mga magulang niya, nag-uusap, mayroong mga pagkakataon na may komunikasyon. Gusto niya talagang mangyari ito.”
Hindi nabanggit sa show kung direktang nakausap ni Cristy si KC o kung sino ang source ng napag-usapan nilang impormasyon.

SEPTEMBER 1, 2023
Makalipas ang ilang araw ay nag-iba ang ihip ng hangin. Negative na ang isyu na tinatampukan nina Sharon at KC.
Sa episode na “KC, AYAW NA SA DRAMA! MEGA, MAY FAVORITISM! MOIRA AT JASON, NAGKIKITA NA! VICE, PROBLEMADO!” ng September 1, 2023, nagsabi sina Cristy na may hidwaan sa pamilya nina Sharon at Kiko.
Kaugnay ito ng balitang in-unfollow ni KC sa Instagram ang stepfather na si Kiko Pangilinan at kapatid sa ama na si Frankie Pangilinan.
Bago i-record nina Cristy ang SNN episode na ito ay nakapanayam na ni Cristy si KC sa August 29 episode ng kanyang Cristy FerMinute show sa One PH. Dito ay tinanong ni Cristy si KC kung ano ang pinanggagalingan ng kanilang isyu.
Kinumpirma ni KC na in-unfollow niya ang kanyang stepfather.
Lahad ni Cristy, “Sa kalagitnaan po ng kanyang [KC] pagsagot sa aming tanong kung ano ang pinag-ugatan ng issue ng unfollow, nakita na po namin yung paglamlam ng kanyang mga mata, ang paglabas ng kanyang emosyon. Alam po naming may malalim na dahilan.”
Sagot ni KC sa tanong ay gusto nito ng “peace of mind.”
Paliwanag ni Cristy, dito niya na-pickup na mayroon ngang malalim na pinagdaraanan ang kapanayam.
“Dun mo masasalo ang kuwento, di ba?” dugtong ni Romel.
Tinalakay rin nina Cristy ang sabi-sabing gumanti umano si Sharon kay KC sa pamamagitan ng isang Instagram post na naka-address kay Frankie.
Sa post ni Sharon sa Instagram, pinuri nito ang panganay na anak kay Kiko dahil hindi raw siya nito binigyan ng sakit ng ulo.
“Dear Lord, I cannot thank him enough for 23 years of nothing but good things and times with you. No horror stories, no disrespect, no bad or sad anything,” ayon sa post ni Sharon.

Komento ng SNN co-host na si Romel, “Grabe lang ang mga papuri kay Kakie [Frankie], na hindi niya lang inisip na may anak na iba na puwedeng masaktan.”
Hindi rin sang-ayon si Cristy sa tingin niyang pagpabor ni Sharon kay Frankie.
Punto ni Cristy, itinuturo ng mga guro sa mga magulang sa bawat PTA meeting na dapat pantay-pantay kung purihin ang mga anak.
“Halimbawa, apat ang anak mo o tatlo. Dapat purihin mo ito nang hindi naririnig nung dalawa o tatlo…. Kasi doon magsisimula ang inggitan.”
Read: Sharon Cuneta dedicates meaningful post "for one of my four children"
SEPTEMBER 2, 2023
Makalipas ang dalawang araw, may mainit na talakayan uli sangkot ang mag-inang Sharon at KC.
Nasa episode ito na “SHARON AT KC, SAYANG NA RELASYON! SORRY NA LANG SILA KAY BLYTHE! KATAWA-TAWA NA ANG TAPE, INC.” ng September 2, 2023.
Binanggit ni Cristy at ng co-hosts na tila may kinalaman si Gabby sa hidwaan.
Saad din ni Cristy na sana ay huwag sukuan nina Sharon at KC ang isa't isa.
Komento ng SNN co-host na si Wendell, “Sa tingin ko, si KC hindi susuko yan. Si Sharon siguro. Kasi si Sharon, may iba nang pamilya.”
Sa espekulasyon nila, may kinalaman si Kiko sa unfollow issue. “I’m sure din, meron,” sabi ni Cristy.
Pagsusog pa niya, baka raw magalit si Sharon kapag ipinunto nilang may kinalaman ang asawa ng Megastar.
“Kailan ba siya hindi nagagalit sa mga taong kumukontra sa asawa niya? Yun ang tanong ko.
"Di ba, kahit naman nung eleksyon, pag kumontra ka dun sa asawa niya, nagtatanim siya agad ng sama ng loob?”
Pagsuma pa ni Cristy, “Oo, asawa niya ang dating senador, pero anak niya si KC.”
Sabat ni Romel, “Siguro nararamdaman na ni KC, 'Kakampi ko pa ba si Mama ko? Makikinig pa kaya siya sa akin?'”
Sundot naman ni Cristy, “Sabi nga, habang marami ang nagbubulong, tinatalo ang iisa lang.”
Pagdiin pa ng veteran columnist, may bumubulong daw kay Sharon para awayin ang anak kay Gabby.
Aniya sa co-host, “Palagay mo, sino ang nagpapaaway kay Sharon at KC?”
Siguradong sagot ni Wendell, “Siyempre, wala nang iba—yung sa kabilang pamilya.”
May mainit din silang komento sa hitsura ng magkakapatid. Halaw raw ang kanilang sinasabi sa mga nababasa nilang komento ng netizens.
Saad ni Cristy, “Meron pa nga, yung ano, e, nabasa mo yun, 'Mahiya ka naman Kakie, manalamin ka naman para makita mo naman hitsura niyo ng ate mo.'”
Pagsang-ayon ni Wendell, “Pag ikumpara mo ang dalawa, KC at Kakie, mas lamang si KC!”
Waring pagsalo ni Cristy, “Hindi naman dapat kumparahin dahil magkaibang dugo. Magkapatid man silang dalawa, magkaibang ama."
Ngunit sabay-sundot niya, "Dahil kapag yan ang pag-usapan natin, kawawa naman si Kakie.”

SEPTEMBER 5, 2023
Makalipas ng tatlong araw ay sina Sharon, KC, at Kakie pa rin ang topic.
Sa episode na “"IT'S SHOWTIME", SUSPENDIDO! KC AT KAKIE, MAY SIBLING RIVALRY! KRIS AT VG MARC, THE END NA” noong September 5, 2023, halos inulit lamang nila ang diskusyon mula sa last episode.
Ang idinagdag nila ay ang inggitan daw sa magkapatid na KC at Frankie kaya merong hidwaan.
“Sibling rivalry ang tawag diyan,” sabi ni Cristy. “Lalo pa at si KC Concepcion ay panganay na anak nina Gabby at Sharon, at si Kakie naman ay panganay na anak ng kanyang ama at ni Sharon Cuneta.”
Lumaki si KC sa poder nina Sharon at Kiko, at bukas sa publiko na itinuring ni KC na ama si Kiko.
Noong 2018, inilarawan ni KC si Kiko bilang istriktong ama noong kabataan niya, pero naging "warm dad and close friend" daw ito paglaki niya.
Read: KC Concepcion writes touching messages to her two dads

SEPTEMBER 7, 2023
Makalipas ng dalawang araw ay ang Dear Heart concert nina Sharon at Gabby ang topic.
Sa episode na “CHAIR LALA SOTTO, NAG-INHIBIT NA, SINISISI PA! KC, KASALI SA "DEAR HEART" CONCERT” ng September 7, 2023, sinabi ng hosts na may partisipasyon si KC sa concert.
Pinabulaanan nilang naapektuhan ng mga kontrobersiya ang bentahan ng tickets. Ayon sa kanila, 80 percent na raw ang ticket sales para sa October concert.
Dagdag pa nila, una pa raw naubos ang tickets na malapit sa stage.
SEPTEMBER 9, 2023
Makalipas ang dalawang araw, tinalakay muli ni Cristy at co-hosts ang pag-unfollow ni KC sa stepfather na si Kiko at kapatid na si Kakie.
Sa episode na “VICE, WALANG ANXIETY! KC, NAGPAKATOTOO LANG! KRIS AT VG MARC, NAKAKASAWA NA” ng September 9, 2023, halos inulit lang nila ang diskusyon mula sa nagdaang episodes.
Ang bago lamang ay may source na raw si Cristy na nagsabing "malalim" ang dahilan ng isyu.
“Kung hindi malalim, sa kagandahan ng puso ni KC, gagawin niya ba yan?” susog ni Cristy.

SEPTEMBER 11, 2023
Makalipas ang dalawang araw ay si KC pa rin ang isa sa topics ng online show ni Cristy.
Sa episode na “MGA LUMANG CAMERA, BIG NO KAY WILLIE! KAPAG INGGIT KAY KC, PIKIT! VERDICT NG MTRCB KAY WALLY” ng September 11, 2023, pinuri nila si KC dahil kainggit-inggit daw ito.
“Maiinggit ka talaga kay KC,” kuwento ni Romel. “Isipin mo, hindi nagpepelikula pero kung saan-saang lupalop nakakarating.”
Hindi lang yun, sabi ni Cristy, maligaya raw si KC kaya’t walang reaksiyon kahit pinupukol ng unfollow issue.
“Maligaya siya, yun ang totoo nating mailalarawan. Kaya balewala sa kanya kung ano man ang mga nababasa ng ibang tao, na sinasabing, 'Oy, sabi ni ganito, sabi ni ganyan... Sabi ng mommy mo, ganito ganyan.'
"Balewala sa kanya kasi happy siya,” pagdepensa ni Cristy kay KC.
SEPTEMBER 13, 2023
Makalipas ang dalawang araw, ang Dear Heart concert muli ang topic.
Sa episode na “MAY AYUDA SI VICE SA STAFF NG SHOWTIME! ALDUB, UMARIBA NA NAMAN” ng September 13, pinabulaanan ng hosts ang sabi-sabing mabagal na benta ng concert tickets.
“Aapaw ang MOA Arena,” saad ni Cristy, na naniniwalang marami ang manonood ng concert ng ex-couple na sina Sharon at Gabby.
Pinag-usapan din nila ang partisipasyon ni KC sa concert.
“Itong concert na ito ang bubuo kay KC Concepcion,” banggit ni Romel.
“Totoo,” pagsang-ayon ni Cristy.

SEPTEMBER 15, 2023
Pagkalipas ng dalawang araw, tampok uli sa online show si Sharon.
Base sa episode na “TONI AT ALEX, ANYARE, NASAAN NA? KC, UNBOTHERED, CHILLAX LANG! VICE AT ION, LUMALIM NA ANG PROBLEMA” ng September 15, 2023, mga puna ang inabot ng Megastar.
Pinuna ng hosts ang sunud-sunod na posts ni Sharon sa social media.
Ayon daw sa netizens na nakabasa, patutsada kay KC ang posts ni Sharon.
Sabi ni Romel, “Kaya nga ang payo, karamihan ang komento ng mga netizen, e, sana tigilan na niya, unang-una, ang pagsagot sa kanyang mga posts. Kung sasagutin niya man sana, e, yung Sharon.”
Susog ni Cristy, “Kung ano yung nakilala nating Sharon nung kanyang kasagsagan."
Banat pa ng main host ng SNN, “Kasi ang term na ginagamit nila ‘toxic.’ Toxic na masyado, super OA.”
Read: Sharon Cuneta furious after basher called her "toxic"
SEPTEMBER 17, 2023
Matapos ng dalawang araw ay nag-update naman si Cristy at co-hosts tungkol sa relasyong Sharon-KC.
Sa episode na “KATAPUSAN NA BA NI VICE GANDA? SHARON & GABBY, KILIG PA MORE” ng September 17, 2023, ibinalita nilang nagkausap na ang mag-ina.
“Ito po ang hinihiling natin, na sana magkaroon na sana ng komunikasyon sina Sharon at KC,” saad ni Cristy.
Ito ay matapos i-post ni Sharon sa kanyang Instagram ang pelikula ng anak na Asian Persuasion.
Read: Sharon Cuneta to daughter KC Concepcion: "Only those who truly love you will tell you what is true."
Ang naturang pelikula ay nag-premiere noong November 2023 sa Amerika.
Sweet ang reply ni KC sa post na ito ni Sharon: “Like I always tell you mama, tho I’m not perfect, everything I do is for you.”
Maganda rin ang reply ni Sharon sa anak sa comment section: “Still praying we get to talk. After all your work na anak. God is good.
"Nothing would make me happier than having my whole family with me, and don’t ever forget you are part of ours too.”
Natuwa raw sina Cristy at ang dalawang co-hosts sa positibong sagutan ng mag-ina sa social media.
"Mula po sa napakadilim na gabi, sumikat na po ang araw at ito nagkabati na ang mag-ina," pag-uulat ni Cristy.

Read: KC Concepcion wishes to be "best friends again" with mom Sharon Cuneta
SEPTEMBER 21, 2023
Pero makalipas ng apat na araw ay may tirada ulit si Cristy kay Sharon.
Sa episode na “PALUSOT NI SHARON, BUKING! VICE GANDA, MAGPAKUMBABA NA LANG SANA” noong September 21, 2023, tinalakay ng hosts ang pahayag ni Sharon na mana raw si Frankie sa kanya kaya mas close siya rito kesa kay KC na mana kay Gabby.
Sinabi ni Sharon ito sa September-15 presscon ng Dear Heart concert.
Read: Sharon Cuneta, may paborito ba sa mga anak?
Hindi raw maganda ang pagkukumpara ni Sharon sa mga anak.
Sabi ni Cristy, “So, nandun yung pagkukumpara na, 'E, sa akin nagmana si Kakie, e, si Gabby, pinagmanahan ni KC.'"
Puna ni Cristy sa Megastar, “Sana naisip niya na wag na lang sana akong magkumpara kung sino ang pinagmanahan ng mga anak ko.”

SEPTEMBER 23, 2023
Pagkalipas ng dalawang araw ay nasama na si Kiko sa huntahan.
Sa episode na “MAG-AAMA NI SHARON, IIWAS NA LANG SA KAHIHIYAN! CHAIR LALA SOTTO, EDUKADA” ng September 23, 2023, inanunsiyo ng hosts na hindi raw manonood ng Dear Heart concert si Kiko at ang mga anak nito kay Sharon.
Ayon kay Cristy, tama lang na huwag silang manood dahil madi-distract lamang ang audience. Baka raw kasi sa kanila tumingin para makita ang kanilang reaksiyon.
“Bakit pa niya gugustuhing marinig ang pagtitilian? Ang malalakas na palakpakan? Ang dumagundong na MoA Arena dahil sa pagtatagpo ng kanilang idolo?” sabi ni Cristy.
Pagpapatuloy niya, “Palagay ko hindi niya sasaktan ang kanyang sarili. Kung siya ang lalapit sa apoy, siya ay masusunog.
"Kaya kung ako kay dating Senador Kiko, mag-stay na lang ako sa bahay, o kaya pumunta na lang silang mag-aama sa ibang lugar na hindi konektado sa konsiyerto ng kaniyang misis.”

SEPTEMBER 25, 2023
Sa sumunod na episode ng SNN, pinag-usapan uli si Sharon.
Pinamagatang “WILLIE, GINAGAMIT ANG MAHIHIRAP PARA YUMAMAN! MEGASTAR, NASABIK KAY GABBY, BUKING” at lumabas noong September 25, 2023, sinabi ng hosts na kinilig daw si Sharon.
Ito ay nang makita raw ng Megastar ang dating asawa sa naganap na presscon ilang araw lang ang lumipas.
Sabi ni Romel, nagpapayat pa raw si Sharon para sa pagkikita nila ni Gabby.
“Talaga kayang nasa subconscious ni Sharon yun?” tanong ni Cristy.
Sagot ni Romel, iniisip niya lang yun. Pag-amin nito, "Bilang tagahanga, siyempre exagg na ako."

SEPTEMBER 27, 2023
Sa sumunod ding episode, matapos ng dalawang araw, tinalakay nina Cristy ang isa pang intriga na sangkot ang mag-inang Sharon at KC.
Sa episode na “HINDI SINOLO NI KC ANG MANA KAY MAMITA! BUTI PA ANG MGA ANAK NI GABBY, PROUD KAY KC” ng September 27, 2023, pinag-usapan ng SNN hosts ang tsismis na isang dahilan ng hidwaan ng mag-ina ay ang hatian ng mana.
May sabi-sabi raw na sinolo ni KC ang lahat ng mamahaling gamit na pamana ng kanyang lolang si Mommy Elaine Cuneta.
Marami raw ang naniniwalang ito ang dahilan kaya hindi na malapit ang mag-ina.
Kuwento ni Cristy, “Ayon po sa kuwento, dahil si KC po ang nakasama ni Mommy Elaine sa mahabang panahon nung nagkasakit siya, napunta kay KC yung mga mamahalin, mga branded, na kagamitan ng lola niya.”
November 2014 pumanaw si Elaine, ang ina ni Sharon.
Pinabulaanan ni Cristy ang alegasyon kay KC. Sa pagkakaalam daw niya, naghati sina KC at Sharon sa pamana.
“Nun daw pong may mga iniwan na pamana si Mommy Elaine kay KC, binahaginan niya si Sharon Cuneta. Parang naghati, hindi niya sinolo,” pagtatanggol ni Cristy kay KC.
Sabad ni Romel, “Pero sabi na nga ni Sharon, nanggaling na rin sa kanya, mas maraming napunta kay KC.”
Pagpapatuloy ni Cristy, mayroon siyang first-hand info mula kay Sharon din tungkol naman sa hospital confinement ni Elaine.
Sinabi raw ni Sharon na nakihati si KC kay Sharon sa hospital bill nang pumanaw si Elaine.
“Ito po ay nanggaling sa puso ni Sharon, at ito po ay naikuwento niya sa amin nung pumanaw po si Mommy Elaine.
"Tinanong niya si KC. 'Alam ko gusto mo ng partisipasyon sa pagpanaw ni Mommy,'" kuwento ni Cristy.
Sagot daw ni KC, "50 percent" ang gusto nitong hatian nila ni Sharon sa hospital bill.

OCTOBER 3, 2023
Sa October 3, 2023 episode naman ay pinuri ni Cristy ang relasyon ni KC sa amang si Gabby.
Sa episode na “'SHOWTIME,' TULOY LANG ANG LIGAYA! GABBY, TAGAKALMA NI KC!” ay sinabi ng SNN hosts na pinapayuhan ni Gabby ang anak kung paano i-handle ang intriga sa kanilang pamilya.
“Ang payo daw po ni Gabby sa kanilang anak ay, ‘Relax ka lang anak, bawal ang stress,’” kuwento ni Cristy.
Dagdag ni Wendell, “Parang si Gabby nga, ang nangyari sa Sharon-KC intrigue, pinapakalma niya.”
OCTOBER 15, 2023
Noong October 15, 2023, sa “BONDING NINA GABBY, SHARON AT KC, MALAPIT NA! ALDEN, NAGPAKATOTOO LANG?” episode, pinulaan ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang pagsagot ni Sharon sa isang basher.
"Wala kayong halaga sa amin," pahayag ng Megastar. "Wala naman kayong karapatan o ginawa kundi manira."
Komento ito ni Sharon sa Instagram page niya ilang araw bago ng October-15 episode ng show ni Cristy.
Pagpuna ni Cristy, tila hindi na naman daw nakontrol ni Sharon ang sarili. “Hindi dapat sila nagsasalita ng, ‘Hindi namin kayo kailangan!’”
Pagsang-ayon ni Wendell, “Hayaan na lang niya ang mga basher.”
Sinabi pa ni Cristy, “Natural tutudlain kasi nga mga public figure kayo, e, dahil kasi pinasok niyo itong buhay na ito. Alam niyo na nakabukas ang pintuan para kayo ay purihin at pansinin.”
Saad pa ng tatlong hosts, hindi raw mapapansin si Sharon kung hindi ito nagpo-post ng hinaing sa social media.
Sa Megastar daw mismo nanggaling ang pagkukumpara sa kanyang mga anak.
Paliwanag ni Romel, “Sa mga post niya kasi yun, e, kung wala naman siyang mga post na ganun, walang magkakaroon na idea ang mga tao. Kasi laging pansin niya si Kakie, ganyan, si Miel. Pero si KC, na-left behind.”
Sinang-ayunan ito ni Cristy, “Siyempre, ang iisipin po ng ating mga kapwa Pilipino ay pinaparinggan na naman si KC nito.”

Read: Sharon Cuneta heartsick over KC Concepcion; irked by comment about comparing her kids
OCTOBER 21, 2023
Makalipas ang limang araw, ang magandang relasyon nina KC at Gabby naman ang topic sa show ni Cristy.
Sa episode na “GABBY, BAWING-BAWI NA KAY KC! KATHRYN, TAHIMIK LANG, PERO … WALANG LIBRE PARA KAY NEWSCASTER!” ng October 21, 2023, pinuri ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang bonding ng mag-ama.
Sabi ni Cristy, “Ang sarap pakinggan nung pagbabawian ng mag-ama.
"Nawala yung mahabang panahon, pero eto sila, o, ginagawa ang lahat-lahat para mabawi ang lost time."
OCTOBER 29, 2023
Makalipas ang walong araw, may maiksing segment sa show ni Cristy tungkol sa nangyari sa Dear Heart concert.
October 27, 2023 naganap ang reunion concert nina Sharon at Gabby sa Mall of Asia Arena.
Sa episode na “SHARON, HUMAGULGOL SA CONCERT! PIA AT ABIGAIL, PAREHONG HINDI LEGAL NA MISIS NG MASTER RAPPER” ng October 29, 2023, ibinahagi ng Cristy FerMinute host na kinilig daw ang audience nang magsama-sama sa stage sina Sharon, Gabby, at KC.
Dagdag pa niya, di raw napigilan ni Sharon ang maiyak nang kantahin at i-dedicate ni KC ang “Ikaw” sa ina.

OCTOBER 31, 2023
Kasama pa rin ang Dear Heart sa topics ni Cristy sa episode na “GABBY, PA-CUTE KAY SHARON! AKTRES NA RETOKADA, MALDITA! AKTOR, HAWAK SA LEEG NG BIYENAN TO BE!” ng October 31, 2023.
Pinag-usapan ni Cristy at co-hosts ang pag-iyak ni Sharon nang awitan siya ng anak.
Maaaring may “guilt” daw si Sharon kaya napahagulgol.
Sa pananalita ni Cristy: “May nag-text nga sa akin, e, ang tindi raw ng pag-iyak ni Sharon. Chillax na chilllax lang si KC.
"Alam mo si Sharon, alam niya kasi na meron din siyang nagawang nakapanakit sa anak niya, sa kanyang firstborn.
"Ganun naman, di ba? Kung sino raw ang umiiyak nang malakas, yun ang may guilt."
Read: Sharon Cuneta apologizes to daughter KC Concepcion for not giving her a "complete family"
Matapos nito ay tila inintriga muli ng SNN hosts ang pamilya ni Sharon.
Tanong ni Cristy kay Wendell, ano kaya ang naramdaman ng mga anak ni Kiko sa eksenang ito?
Dahil meron raw mga hindi natuwa sa reunion nina Gabby, Sharon, at anak na si KC.
Ipinasok nina Cristy na baka raw nalungkot si Kiko at mga anak nito sa pangyayari.
“Di po rin po natin maiaalis sa isip ng ating mga kababayan at ating mga Sharonians ang isipan na siguro nagsisiklab ang kalooban ni Kakie," ani Cristy.
Susog ni Wendell, “Si Kakie, ma-hanash pa naman yan, matalak pa naman yan.”
Komento rin ni Wendell, sana raw nanood si Kiko. “Dapat sport siya na tao. Kasi artista si Sharon. Bago pa man sila nagpakasal, si Sharon may Gabby Concepcion na."
Hindi sang-ayon dito sina Cristy at Romel. Mabuti raw na hindi nanood sina Kiko, Frankie, at Miel.
“Kahit ano pang bali-baliktad ang gawin mo, siguradong masasaktan,” komento ni Cristy.

NOVEMBER 2, 2023
Makalipas ang ilang araw, si KC naman ang topic sa episode na “VICE GANDA, MADATUNG, SOPLAK SA PAL! KC, DEADMA LANG SA FAKE NEWS! AKTRES, PURO ROBOT ANG MGA ANAK!” ng November 2, 2023.
Nagbigay ang hosts ng reaksiyon sa fake news daw na nagpakasal na si KC sa kasintahan nito sa Switzerland.
Fake news din daw ang issue na buntis na si KC at ito ay nagparetoke.
“Dapat talaga mag-iingat tayo dahil ang daming fake news na kumakalat ngayon,” sambit ni Cristy.
Read: KC Concepcion on pregnancy question: “Tigilan niyo yan ha, paulit-ulit.”
DECEMBER 26, 2023
Higit isang buwan ang nakalipas nang pag-usapan muli si Sharon sa Showbiz Now Na! (SNN).
Ang titulo ng episode noong December 26 ay “SHARON, PAGOD NA KAY KIKO? DANIEL, DESPERADO NA! BLIND ITEM: KOMEDYANTE, MABISYO PA RIN!”
Nagbigay sina Cristy, Romel, at Wendell ng reaksiyon sa ilang pahayag ng Megastar tungkol sa kanyang buhay.
Isa rito ay ang panayam ni Sharon sa Fast Talk With Boy Abunda ng December 19, 2023.
May binitiwang doong salita si Sharon na baka dapat daw ay hindi na siya nagpakasal muli.
Pagmumuni-muni ito ni Sharon matapos maranasang makasama sina Gabby at KC sa Dear Heart concert.
“That family should have remained a family. I did not imagine that that family would break up," saad ni Sharon.
Ngunit bawi rin ni Sharon, "But then I wouldn’t have Kakie, Miel, and Miguel, but that’s another thing.
"Maybe I should have stayed alone because parang nagdamay ako ng apat na kaluluwang inosente—KC, Frankie, Miel, and Miguel."
Binigyang-kahulugan ito nina Cristy at co-hosts, na makikita sa titulo nilang "SHARON, PAGOD NA KAY KIKO?"
Binigyang-kahulugan din ng tatlo ang pag-post ni Sharon sa Instagram ng poster ng Pasan Ko Ang Daigdig, na may caption na “Pasensya na po sa inyong lahat at emong-emo ako ngayon. Ito kasi ang feeling ko matagal na (yang nasa poster!).”
Ang Pasan Ko Ang Daigdig ay isa sa iconic films ni Sharon, kasama sina Loretta Marquez at Tonton Gutierrez, na idinirehe ng ngayo'y National Artist Lino Brocka. Ipinalabas ito noong 1987.

Pang-iintriga ni Cristy, baka raw nakukumpara ngayon ni Sharon ang buhay kay Gabby at buhay kay Kiko.
Baka raw hindi maligaya ang aktres sa kasalukuyang sitwasyon?
Sinundan niya ito ng patutsada kay Sharon: “Meron pa rin siyang hinahanap at meron pa ring kulang, at mahirap yun na mabili kahit saan.
"Hindi po itinitinda ang peace of mind at happiness, ika nga, sa anumang pamilihan.
"Lalong hindi nabibili ng pera yan."

JANUARY 5, 2024
Sa simula ng 2024 ay may episode agad ang show ni Cristy tungkol sa Megastar.
Ito ay ang “DIARY NINA SHARON AT KRIS, SOCIAL MEDIA! DENNIS, KAILANGAN PA BANG MAMATAY? AKTOR, SABIT ULI!” ng January 5, 2024.
Pinuna nina Cristy at co-hosts ang ginagawang pagpu-post sa social media nina Sharon at Kris Aquino ng kanilang saloobin.
Nagsasawa na raw tuloy ang publiko sa dalawang celebrity.
“Tayo po, gusto nating sumilip. Pero pagkabinibigay na ang lahat, nananawa tayo.
"Masarap lang po sumilip, pero kapag binukas na ang lahat, wala na,” pahayag ni Cristy.
Pinuna rin ni Cristy si Sharon sa aniya'y pakontrobersiyal nitong posts.
Diretsahang banat ni Cristy kay Sharon: “Yung mga sinusubo niyo sa publiko, lalo na ikaw, Sharon Cuneta, sa edad mo ngayon, dapat ay hindi mo na ito ginagawa.
"Anong sabi, anong sigaw, ng mga bashers? Maging mature ka na at irespeto mo naman sana ang asawa mo.
“Ang sagot mo, hindi naman si Kiko ang pinaparinggan mo dahil ayon sa ating mga sources, meron daw malapit na tao sa kanya na meron yatang pinasukan na negosasyon na hindi niya alam.
"E, bakit hindi yun ang diniretso mo? Hindi ba, dapat may disclaimer ka: this is not for my husband.”
Sa diskusyon pa nina Cristy, baka raw naaawa sa sarili si Sharon at di pa kuntento kahit ito ay bilyonaryo na.
“You are Megastar, now you are a Negastar,” pasok naman ni Wendell.

Read: Sharon Cuneta reveals breakup, reconciliation with husband Kiko Pangilinan
JANUARY 17, 2024
Matapos ng dalawang linggo, may diskusyon muli tungkol sa Megastar.
Ang SNN episode ay pinamagatang “SINO'NG MAGBABAYAD SA BAHAY NI SARAH? SHARON, PROBLEMADO TALAGA! AKTOR, SUMPUNGIN!” at lumabas noong January 17, 2024.
Pinag-usapan ng hosts ang pagdi-delete umano ng Bituing Walang Ningning star ng mga litrato ni Gabby sa kanyang Instagram.
Ang malinaw ay binura na ni Sharon ang posts nitong naging tampulan ng espekulasyon.
Diskusyon nina Cristy at dalawang co-hosts, baka raw "naguluhan" si Sharon matapos makasama muli sa entablado ang dating asawa.
Maintriga ang sabi ni Cristy, “Yun ang common na katuwiran ng marami at opinyon, na naguluhan daw si Sharon nung muli silang magkita [matapos] nang mahabang panahon ng ama ng kanyang anak.”
Na dinagdagan ni Romel, “Alam ko nababasa rin yan ni Sharon, na parang… nanumbalik ang lahat.”
Na sinusugan pa ni Cristy, “Siya rin naman ang nagsabi beforehand na, 'Sana hindi ako nag-asawa. Sana pinagbigyan ko si Gabby ng ilan pang chances, baka naisalba pa ang aming relasyon.'"
Matapos ay nagtanong si Cristy, "Kaya kayang panindigan ni Sharon ang pagbabagong ito sa kanyang social media?"
“Tingin ko, hindi,” sagot ni Wendell.

Read: Is Gabby Concepcion not happy with Sharon Cuneta’s IG post about him?
JANUARY 21, 2024
Makalipas ang apat na araw, ibinalita sa show ni Cristy na wala nang kasunod ang Dear Heart concert.
Lumabas ito sa episode na “DANIEL, SUPER INSECURE KAY ALDEN! AYAW NA NI GABBY SA MADRAMA! KAYOD-KALABAW ANG SINGER!” ng January 21, 2024.
Sinabi ritong walang magiging Valentine edition ang naganap na Sharon-Gabby concert.
Espekulasyon ng hosts, marami raw kasing "demand" si Gabby kaya wala nang sequel ang Dear Heart.
Kuwento pa ng hosts, katulad lang ang pangyayaring ito sa kanilang concert sa hindi matuluy-tuloy na reunion movie nina Gabby at Sharon.
Saad ni Wendell, “Alam naman natin si Gabby, kilala naman natin yun. Si Gabby, matalino pagdating sa mga ganyan.
"Negosyo ito. Alam mo naman pagkaganyan, concert, nagbebenta ng ticket, di ba?
"Kaya sabi ni Gabby, 'Pag ginamit niyo ako, babayaran niyo ako ng ganito.'”
Tingin ni Cristy ay mahigit pa roon ang problema. Ayaw daw talaga ni Gabby makatrabaho si Sharon sa pelikula.
Komento ni Cristy, “Dati-dati pa, hindi ba, dapat magsasama na sa pelikula. Hindi matuluy-tuloy.
"Udlot daw nang udlot kasi nagpapataas ng presyo si Gabby Concepcion. Alam mo yun, presyong ayaw, di ba?”
Pagpapatuloy nila, baka raw ito ang dahilan kaya binura ni Sharon ang pictures ng dating asawa sa kanyang Instagram.

FEBRUARY 2, 2024.
Sa simula ng sumunod na buwan ay topic agad si Sharon ng SNN.
Ang episode ay “KATH, MAY PATUTSADA KAY DJ! SARAH, NANG-IINIS! SHARON, MARAMI NANG SAKIT! CARD NG BF, WALANG LAMAN!” noong February 2, 2024.
Pinag-usapan ni Cristy at dalawang co-hosts ang Facebook post ng Megastar tungkol sa kanyang pabalik-balik na ubo, torn ligament sa tuhod, pinched nerve sa likod, at scoliosis.
Espekulasyon ni Cristy, baka konektado sa stress ang mga nararamdaman ng Megastar.
“Dapat talaga, lalo na ang mga artista, wag masyadong nagpapaka-stress. Yan ang ugat ng halos lahat ng sakit sa mundo," ani Cristy.
Hindi naman daw sila nag-aalala para kay Sharon dahil mayroon itong panggastos.
Ngunit di pa rin nagpaawat si Cristy: “Pero dito natin makikita, meron ka mang bilyon, hindi mo mabibili ang kaligayahan, ang peace of mind, at kahit ano mang gusto mo.”
Read: Sharon Cuneta gives update about her health: “I still haven’t stopped limping.”
FEBRUARY 22, 2024
Naging topic muli si Sharon bago matapos ang Pebrero.
Ang episode ay “AI-AI, SAMPAL KAY SHARON! RICHARD G., SAKA NA ANG ANNULMENT! SI MARIAN RIVERA ANG REYNA NG SIYETE!” na lumabas noong February 22, 2024.
Pinuna ni Cristy at co-hosts ang Instagram post ni Sharon na may mga salitang "Silence is better than unnecessary drama."
Huntahan ng tatlo, si Gabby raw ang pinapatungkulan ni Sharon.
Dahil raw ito sa hindi natuloy na Valentine’s Day concert, matapos umanong mag-demand ang aktor ng napakataas na talent fee.
Sa halip ay si Ai-Ai delas Alas na ang kasama ni Gabby sa concert nito sa buwan ng puso.
Espekulasyon nila, baka may nangyari behind the scenes kaya’t nag-"presyong ayaw” si Gabby.
“Kaya siguro nagpresyo si Gabby, na ganyan na triple-triple na presyo, para hindi na siya magkakagulo doon sa relasyon nila,” opinyon ni Wendell.
Sa panayam ng PEP kay Sharon ng March 12, 2024, kinumpirma ni Sharon na mayroon silang di pagkakaunawaan ni Gabby.
Ipinaliwanag ni Sharon na "kasado" na sana ang follow-up concert nila, pero nagpahiwatig siyang hindi natuloy ang negosasyon dahil nagkaproblema.
Hindi niya diretsahang sinabi kung sino at ano ang naging problema, basta hindi raw siya ang may kasalanan.

Read: Sharon Cuneta confirms misunderstanding with Gabby Concepcion after Dear Heart concert
MARCH 5, 2024
Sa sumunod na buwan ay sina Kris at Sharon muli ang topic sa online show ni Cristy.
Ang episode na “SHARON AT KRIS, MILYONARYO, PERO… ALDEN, GINAMIT PA BAGO NAGSARA ANG TP!” ay lumabas March 5, 2024.
Sinabi nina Cristy rito na marami ang nag-aalala kina Sharon at Kris dahil sa kaniya-kaniyang health condition.
Huntahan nina Cristy, Romel, at Wendell, marahil ay nagkaroon daw ng realization si Sharon na mahirap ang magkasakit.
“Balewala ang pera, kailangan talaga, healthy ka,” sundot ni Romel.
MARCH 21, 2024.
Kasama uli si Kiko sa sumunod na usapan nina Cristy at co-hosts nito.
Ang episode ay mga titulong “SHARON, PINUGUTAN NG ULO SI KIKO! "EAT BULAGA," MAY NERBIYOS PA BA? SINGER, NAKAKAAWA KAY MISTER!” noong March 21, 2024.
Pinag-usapan nina Cristy, Wendell, at Romel ang anila'y nakakaintrigang post ni Sharon noong Pasko.
Ito ay ang litratong pinost ng Megastar na kasama ang mga anak. Nasa likod niya si Kiko ngunit putol ang ulo nito.
Sa panayam kay Sharon sa isang March-14 presscon, kunsaan kabilang ang PEP, ipinaliwanag ng Megastar kung bakit niya nilagay ang ganoong litrato sa social media.
Inamin niyang nag-aaway sila ni Kiko noon kaya niya iyon nagawa.
“You know, we have problems, that’s another thing. How stupid was I, di ba?” sagot ni Sharon nang tanungin ng Philstar.com entertainment editor tungkol sa isyu.
Read: Sharon Cuneta apologizes for Kiko Pangilinan's "pugot ulo" photo
Natuwa sina Cristy at co-hosts sa pag-amin ni Sharon ng pagkakamali niya sa pag-post ng litrato ng mister na putol ang ulo.
“Marunong siyang tumanggap, pag mali siya, mali,” sabi ni Romel.
“Yun ang magandang katangian ni Sharon Cuneta,” pagsang-ayon ni Cristy.
Tinalakay rin ng tatlo ang pag-file ni Kiko ng cyberlibel case laban sa isang blogger.
“Karapatan naman niya yun,” sabi ni Cristy.

MARCH 31, 2024
Papuri naman kay KC ang pinag-usapan sa episode na “KONTRATA NI WILLIE SA TV5, PLANTSADO NA! KC, MAINGAT SA PERA, NAKAIPON!” ng March 31, 2024.
Ibinalita ni Cristy at co-hosts na nagpapagawa raw ng resort sa Palawan ang anak ng Megastar.
Natutuwa raw sila na marunong humawak ng pera ang singer-actress. Namana raw niya ito sa kanyang ina.
APRIL 12, 2024
Sumunod na buwan, tila inintriga uli ng SNN hosts ang mga anak ni Kiko.
Ito ay sa episode na “EAT BULAGA," DEADMA LANG SA RATING! TOXIC DAW ANG MGA KAPATID NI KC SA INA! AKTOR, HUWAG KA NANG...” ng April 12, 2024.
Inanunsiyo rito nina Cristy na hindi kasama si Sharon sa 39th birthday celebration ng kanyang firstborn.
April 7 ang birthday ni KC.
Sa halip na si Sharon, nag-celebrate daw si KC kasama si Gabby at mga kapatid ni KC sa ama.
Pukol ni Cristy, hindi kasama ni KC ang mga kapatid sa ina dahil “toxic” ang mga ito. Ito nga raw ang ibinabato ng bashers sa pamilya ni Sharon.
“Papaano naman sasama sa mga half-sisters niya kay Sharon at dating Senador Kiko," walang puknat na sabi ni Cristy, "ay mga toxic ang mga kapatid niya.”
Pagsusog naman ni Wendell, baka ito ay dahil may inggit ang mga anak ni Kiko sa anak ni Gabby.
“Maaaring hindi pa panahon para sila’y magkasundu-sundo,” dagdag ni Cristy.

MAY 2, 2024
Sumunod na buwan muli, tampok sa show ni Cristy ang sinasabing hidwaan ng mag-inang Sharon at KC.
Nasa episode ito na “KATHNIEL FANS, NAG-UUPAKAN NA! SHARON, SULSULIN? AKTRES, MALDITA SA PINOY FANS!” ng May 2, 2024.
Sinabi ng tatlong hosts na matapos ang Dear Heart concert ay nagkalayo muli ang damdamin nina Sharon at KC.
Patunay nito ang hindi raw pag-post nina Sharon at Kiko nang magdiwang ng kaarawan si KC noong April 7.
Kasama na rin daw ang hindi pag-post ni KC nang mag-anniversary sina Sharon at Kiko noong April 28.
Ayon kay Cristy, nabuhay ang tsismis ng hidwaan nina KC at ng kanyang stepfather. Kinontra umano ni Kiko ang relasyon ni KC sa Swiss-Filipino boyfriend nitong si Mike Wuethrich.
Binungkal din daw ng netizens ang pamana issue. Hiling ng hosts na sana magkasundo na ang mag-ina.
Ngunit pabagot na sabi ni Wendell, “Sana noon pa nila ginawa yan kasi paulit-ulit na lang.”
MAY 6, 2024
Makalipas ng apat na araw, natalakay muli ang relasyong Sharon - KC.
Nasa episode itong pinamagatang “KIKO, OUT SA PROBLEMA NG MAG-INA! BEA, PANINIRA BA ANG MGA SALITANG ITO? ANG SUNGIT NI GIRL!” ng May 6, 2024.
May mga ibinigay na dahilan si Cristy sa aniya'y away ng mag-ina.
Ang nangyari, sabi ni Cristy, may naiwala si KC na gamit ni Sharon.
Pahayag ni Cristy: “Meron daw pong mahalagang kagamitan si Sharon Cuneta na ipinagkatiwala kay KC Concepcion na bigla na lamang naglaho.
"Nung hinahanap na ni Sharon, hindi maibigay ni KC.
"Ang dahilan, hindi ko alam kung sadya o talagang nagipit lang, naisanla ni KC nang walang pahintulot sa Megastar.”
Hindi sinabi ni Cristy kung ano ang tinutukoy na gamit. Pero, dagdag niya, matagal bago ito naibalik ni KC.
Aniya, “Bago nabayaran at naibalik ni KC ay tumagal ng mahabang panahon.”
Binanggit din dito ang isyung kumontra si Kiko sa relasyong KC at Mike, pero ito ay pinabulaanan ni Cristy.
“Ayon po sa aming mapagkakatiwalaang mga sources, wala raw pong pakialam ang dating senador sa relasyon ni KC at ni Mike. Hindi po niya yan pinapakialaman,” saad ni Cristy.
Pagpapatuloy ng SNN main host, si Sharon daw ang may nasabi tungkol kay Mike nang minsang makaharap nito ang boyfriend ng anak.
Hindi sinabi ni Cristy kung kailan naganap ang pagkikita nina Sharon at Mike.
Pero sinabi ng main SNN host, “Ayon sa aming source, sa isang paghaharap nina dating Senador, tapos si Mega, si Mike, at si KC, nagsalita po si Sharon nang walang malisya.
"Na-trigger po si KC Concepcion. At sa harapan na yun nagkaroon ng pagkakasagutan ang mag-ina.”
Ito raw, ayon kay Cristy, ang dahilan ng totoong hidwaan nina Sharon at KC ngayon.
“Alam ito ni Sharon, alam ito ni KC, at iba pa pong mga tao na nandoon sa harapan nang magkaroon ng pagpapalitan ng madiin na salita ang mag-ina,” sabi ni Cristy.
Komento pa ng veteran host, naawa raw siya kay Sharon nang marinig ang kuwentong ito.
Pahayag niya, marami pa silang alam pero hindi raw niya ilalabas sa ngayon.
“Basta isang araw, pagka-nagkaroon na tayo ng reaksiyon, ilalabas na namin yun,” ani Cristy.

MAY 14, 2024
Ang huling upload ng SNN tungkol kay Sharon at pamilya nito ay naglalaman ng kuwento ni Cristy tungkol sa pag-reach out ni KC sa host.
Base ito sa episode na “KC CONCEPCION, MARESPETO! ANGELINE QUINTO, HINDI KAWAWA KAY NONREV! AKTRES, MARAMING ALIBI...” ng May 14, 2024.
Inulat ni Cristy na nakarating sa kanyang nakikiusap si KC na huwag nang pag-usapan pa ang isyu ng mamahaling gamit ni Sharon na diumano'y nawala ni KC.
“Matapos pong mapanood ni KC yung aming episode, siya po ay nakiusap sa isang kaibigan, common friend po namin,” bungad ni Cristy.
Pinangalanan niya ang "common friend" bilang si Chuck Gomez, isang PR professional.
Nag-reach out daw si Chuck kay Cristy para makausap ni KC ang host, pero tumanggi raw si Cristy.
“Anak, huwag na,” kuwento ni Cristy. “Kami, madali kaming kausap. Para kaming doktor, pagkameron kaming sugat na nakita, ginagamot namin yan.”
Pagpapatuloy niya, “Ang tangi lang na sinabi ni KC kay Chuck na maaari namin itawid ay sana matapos na ang isyu na yun. Kasi, pag nagpatuloy daw ay napakarami nilang karelasyon o mga kamag-anak na madadamay.”
Nangako naman si Cristy kay KC na hindi na raw nila itutuloy ang diskusyon sa isyu. “Hanggang dun na lamang yun.”
Matapos ay ipinakita ni Cristy ang greeting card na galing umano kay KC.
“Napakaganda ng laman nito, na ang sinasabi niya ay maraming-maraming salamat dahil pinakinggan natin yung kanyang pakiusap.
"Ganun naman talaga, e, kapag may nakikiusap, lagi pong may mga tengang nakikinig. Pag may nag-reach out, pagbubuksan mo ang iyong puso," saad ni Cristy.
Binanggit din ni Cristy na nanonood daw si KC ng kanyang show at ito raw ang “stress reliever” ng panganay ng Megastar.
Unang naiulat ni Cristy ang tungkol sa pakiusap ni KC sa May 9 episode ng radio show ni Cristy.

SHARON CUNETA AND KIKO PANGILINAN'S CYBERLIBEL COMPLAINT
May 10, 2024 nang magsampa ng reklamong cyberlibel sina Kiko at Sharon laban kay Cristy.
Dawit din ang dalawang co-hosts ni Cristy na sina Romel at Wendell.
Personal na nagtungo sa Makati Prosecutor's Office ang mag-asawang Pangilinan.
Sa panayam nila sa piling entertainment reporters, kabilang ang PEP, ipinaliwanag ni Kiko na karapatan nila ni Sharon ireklamo ang anila'y pagpapakalat ni Cristy ng malisyosong mga impormasyon.
"Siyempre, alam na natin ang sistema sa social media ngayon. Paramihan ng views, paramihan ng subscribers, paramihan ng shares, kung anu-ano na lang.
"Paninira at kasinungalingan ang ikinakalat para lang sumikat, para lang dumami ang kanilang views at subscribers.
"So, hindi tama ito," pahayag ni Kiko.
Umalma rin si Sharon sa aniya'y "below-the-belt" na mga tirada ni Cristy sa kanya at sa kanyang pamilya.
Sabi ni Sharon: "Parang ang sama-sama namin, parang ang sama kong ina, ang sama kong tao.
"When, buong buhay ko, parang has been dedicated to really trying to raise the best kind of human beings sa mga anak namin.
"We're very decent, very honest people.
"We're not perfect, but we live very honestly. Wala kaming eskandalong matatawag mo."
Naalala pa raw ni Sharon na taong 2021 nang makipagkaibigan siya kay Cristy, at aminado siyang nagkaroon siya ng "affection" para sa beteranong commentator.
"And then, after a while, suddenly I was shocked kasi konting lalabas [na balita tungkol sa amin], parang hinusgahan ka agad, hindi ka man lang tinanong," saad ni Sharon.
Dagdag niya, "It's annoying. There's so much unfairness also."
Tinanong ng PEP kung nag-reach out sa kanya si Cristy upang linawin ang mga kontrobersiyang naiulat sa online show nito mula 2023 hanggang 2024.
Sinabi ni Sharon na ni hindi siya kinunan ni Cristy ng kanyang panig.

CRISTY FERMIN'S DEFENSE
Iba ang posisyon ni Cristy sa reklamo ng mag-asawang Sharon at Kiko.
"You don’t shoot the messenger," tugon ni Cristy.
Ayon sa veteran showbiz commentator, naiintindihan niya ang pinanggagalingan ng mag-asawang celebrity, ngunit dapat daw intindihin ng mga ito ang propesyon niya bilang mamamahayag.
Depensa ng 67-year-old radio and online host, “Naiintindihan po natin kung saan sila nagmumula kung paanong dapat rin nilang unawain kung ano ang aming trabaho, yun lamang po yun."
Ito ang pahayag ni Cristy sa kanyang radio show na Cristy FerMinute ilang oras matapos maisampa ang kaso.
Hindi ito ang unang paghahabla ng cyberlibel kay Cristy ngayong 2024.
Noong Marso, nauna nang nagsampa ng ganito ring reklamo si Esther Lahbati, ang ina ni Sarah Lahbati.
Read: Cristy Fermin reveals Sarah Lahbati's mother sued her, co-hosts for cyberlibel
Sa simula ng Mayo, nagsampa naman si Bea Alonzo sa Quezon City Prosecutor's Office ng reklamo ring cyberlibel laban kay Cristy.
Read: Bea Alonzo sues Cristy Fermin, Ogie Diaz for cyberlibel
Bago matapos ang Mayo, naghain din ng reklamong cyberlibel laban kay Cristy ang ex-fiancée ni Bea na si Dominic Roque sa Pasig City Prosecutor's Office.
Read: Dominic Roque files cyberlibel complaint vs. Cristy Fermin
Sa May 14 episode ng kanyang online show, inihayag ni Cristy na siya ay "gulat na gulat” dahil close raw siya kay Sharon.
“Isa sa mga huli na personalidad na maaaring magdemanda sa akin ay si Sharon Cuneta. Kaya ako po ay gulantang,” ani Cristy.
Lagi raw silang nagkakausap noong kasagsagan ng pandemya noong 2021.
“Kinakausap po niya ako, nagkukuwentuhan kami. At sa aming mga kuwentuhan, may halakhakan, umiiyak siya, humihingi siya ng opinion o advice.”
Dagdag ni Cristy, taong 2022 raw ang simula ng hindi nila pag-uusap dahil busy na raw si Sharon sa vice-presidential campaign ni Kiko.
Kung lately raw ay hindi na niya nasasagot ang mga tawag ni Sharon, ang dahilan nito ay abala rin daw siya sa trabaho.
Hirit ni Cristy, “May mga pagkakataon po kasi na si Sharon Cuenta ay kulang sa paggalang at pagrespeto sa oras ng kanyang kapwa.
"Kapag gusto niyang tumawag, kailangan ay kausapin mo siya.
"Makinig ka sa kanyang mga kuwento, at yun po ay hindi ko kayang ibigay sa kahit kanino dahil ako ay abalang-abala sa pagtatrabaho."
Sinagot din ni Cristy ang tanong ni Sharon kung bakit hindi siya tumawag para kunin ang panig ng Megastar, na siyang kalakalan sa media.
Sagot ni Cristy: "Bakit po ako ang magri-reach out? Wala po akong alam na mali kong ginawa na sapat para ikasakit nilang mag-asawa.
"Ang patunay po niyan ay ang patuloy ko pong pagsuporta at pagtangkilik sa kanila."
Tingin ni Cristy, hindi tamang siya ang sisihin ni Sharon kung bakit pinagpipistahan ang usaping pamilya nila Sharon at Kiko.
Ibinalik ni Cristy kay Sharon ang aniya'y pagkalat ng kontrobersiya.
“Ikaw ang source namin, Sharon Cuneta.
"Kaya nga ba ano ang sabi ng ating mga kababayan? Kung hindi ka nagpo-post, wala sanang makukunan ang mga reporters at mga vloggers.
"Ang lahat ng mga opinyon na naglalabasan, nanggagaling sa mga post mo."
May dalawa pang episodes sa online show ni Cristy na natalakay ang relasyon ng mag-inang Sharon at KC.
Matapos ang pagdemanda sa kanya nina Sharon at Kiko, may isa pang episode na natalakay ang relasyon ng mag-inang Sharon at KC.
Sa episode ng May 20, 2024, panay papuri sina Cristy at dalawang co-hosts kay KC at kung paano nito patuloy na pinapahalagahan ang mementos na may kinalaman sa mga magulang.
Sa episode ng June 7, 2024, iniulat naman ni Cristy ang tungkol sa hiwalayan ni KC at Swiss boyfriend na si Mike Wuetrich.
Bukas ang PEP sa panig ng mga personalidad na nabanggit sa timeline na ito.