Pumanaw ang ama nina William Martinez at Albert Martinez na si Bert Martinez nitong Lunes, Mayo 20, 2024.
Siya ay 87.
Ang mga labi ni Bert, na ang tunay na pangalan ay Alberto Dante Garcia Martinez, ay nakaburol sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
Wala pang detalye kung kailan ike-cremate ang mga labi ng ama nina William at Albert.

BERT MARTINEZ, THE FIRST ACTOR IN THEIR FAMILY
Bago naging sikat na matinee idols noong dekada '80 ang magkapatid na William at Albert, ang kanilang amang si Bert ang unang naging artista sa kanilang pamilya.
Siya ang nagbukas ng pintuan ng showbiz para kina William at Albert, pati na sa dalawa pa niyang anak na sina Ronnie at Bernadette Martinez.

Nag-umpisa ang acting career ni Bert noong dekada '60.
Ilan sa maraming pelikulang ginawa niya, mula 1962 hanggang 1982, ay ang Trigger Squad, Siete Bandidos, 3 Desperados, Genghis Bond: Agent 1-2-3, at Jack En Poy.
Ang Ang Santa Claus Is Coming to Town, ang pelikula ng Regal Films na opisyal na kalahok sa 8th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 1982, ang isa sa mga malapit sa puso ni Bert dahil kasama niya sa nabanggit na proyekto sina Albert at William.
May espesyal ding partisipasyon sa Santa Claus is Coming Town ang kanyang misis na si Margie at ang kanilang dalawa pang anak na sina Ronnie at Bernadette.

Napanood si Bert sa pitong kabanata ng May Bukas Pa ng ABS-CBN mula 2009 hanggang 2010.
Ginampanan niya ang karakter ni Padre Luis, at ito ang huling proyekto niya sa telebisyon.
Sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng pahayag sina Albert at William tungkol sa pagpanaw ng kanilang ama.