Pumanaw na ang beteranong writer, direktor, at film producer na si Carlo J. Caparas kahapon, Mayo 24, 2024.
Siya ay 80.
Kinumpirma ng anak ni Caparas na si Peach Caparas ang pagyao ng filmmaker sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Sabado ng gabi, May 25.
Ngunit hindi binanggit kung ano ang sanhi ng pagkamatay nito.
Read: Carlo J. Caparas says National Artist Award controversy is "a thing of the past"
Idinaan ni Peach sa isang tula ang kanyang pamamaalam at pagbibigay-pugay sa yumaong ama.
Pinamagatang "SA BAWAT TIPA NG MAKINILYA (an ode to Direk Carlo J.)," ito ang nilalaman ng kanyang tula:
Halos umaga na, sa libliban ng Ugong
isang makinilya, pilitang binabasag ang katahimikan roon.
Isang mananalaysay ng kwento ng buhay, nilalabanan ang antok, nagsusunog ng kilay.
Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kanyang nabuo.
Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito.
Sa larangan ng komiks siya ang naghari, naging bahagi ng kultura, naging yaman ng lahi.
Umabot sa lona ng pinilakang tabing, hinangaan, pinalakpakan ng bayang magiting. Subalit buhay ay sadyang may wakas…
“Pack up na Direk”. Oras na ng uwian.
Hayaang kasaysayan ang humusga sa iyong mga obra.
Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya.
Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya…
Carlo J. Caparas 1944 - 2024
Dad, you will forever be loved, cherished, and honored…by all of us. Love, The children of a King
Ayon kay Peach, magsisimula ang burol para sa mga labi ng kanyang ama sa Lunes, May 27, mula 12 p.m. to 12 midnight sa Golden Haven Memorial Chapels and Crematorium, sa Villar Sipag, C5 Extension Road, Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas.
Dagdag pa niya, "Chapel name is Conservatorio II. Flowers are welcome to be received as early as tomorrow, May 26."
CARLO J. CAPARAS FILMOGRAPHY
Si Caparas ay nagsimula bilang komiks cartoonist at writer hanggang maging dirctor at producer.
Kilala siya sa pagsusuot ng sumbrero at shades.
Dekada '70 nang nakilala ang pangalan niya sa showbiz sa pamamagitan ng pagiging scriptwriter ng mga pelikulang hango sa mga nobela niya sa komiks.
Kabilang dito ang Totoy Bato (1977), Bakekang (1978), Durugin Si Totoy Bato (1979), Andres de Saya (1980), at Ang Panday (1980).

Ang unang directorial job ni Caparas ay ang 1979 film na Mong, ngunit co-director niya rito si Aretemio Marquez.
Ang solo directorial debut niya ay Ang Babaing Hinugot Sa Aking Tadyang, na pinagbidahan ni Vivian Velez noong 1981.

Kabilang pa sa mga isinulat niyang pelikula ay Minsan Pa Nating Hagkan Ang Nakaraan (1984), Somewhere (1984), Lumuhod Ka Sa Lupa! (1986), at Sandakot Na Bala (1988).
Ang mga pelikula namang si Caparas ang nagdirek at sumulat ay Pieta (1983), Utol (1983), Kamagong (1987), Joaquin Bordado (1988), at Celestina Sanchez, Alyas Bubble (1988).
Noong dekada '90 ay naging mas tanyag si Caparas dahil sa "massacre movies" o mga pelikulang tumatalakay sa true-crime stories.
Bida sa mga pelikulang ito ang ilan sa pinakamalalaking female stars gaya nina Kris Aquino, Sharon Cuneta, Dawn Zulueta, at Vilma Santos.
Kabilang sa sunud-sunod na massacre movies ni Caparas ay ang The Vizconde Massacre: God, Help Us! (1993), The Myrna Diones Story: Lord, Help Us! (1993), The Cecilia Masagca Story: Antipolo Massacre – Jesus Save Us! (1994), The Maggie dela Riva Story: God... Why Me? (1994), Lipa "Arandia" Massacre: Lord, Deliver Us from Evil (1994).
Nariyan din ang The Untold Story: Vizconde Massacre II – May the Lord Be with Us! (1994), Annabelle Huggins Story, Ruben Ablaza Tragedy: Mea Culpa (1994), Victim No. 1 Delia Maga: Jesus, Pray for Us (A Massacre in Singapore) (1995), The Marita Gonzaga Rape-Slay: In God We Trust (1995), at The Lilian Velez Story: Till Death Do Us Part (1995).

Ilan pa sa mga idinirek niyang pelikula ay ang Tirad Pass: The Last Stand of Gen. Gregorio del Pilar (1996), Ilaban Mo, Bayan Ko (The Obet Pagdanganan Story) (1998), Hiwaga ng Panday (1998), The Cory Quirino Kidnap: NBI Files (2003), Chavit (2003), Ang Panday (2009), Angela Markado (2015), at Kamandag ng Droga (2017).
CARLO J. CAPARAS: FROM MOVIES TO TELEVISION
Masasabing timeless ang mga obra ni Caparas dahil marami sa mga nilikha niyang karakter at istorya ay isinalin sa mga teleserye nitong mga nakalipas na dekada.
Kabilang dito ang Panday, na pinagbidahan nina Jericho Rosales at Heart Evangelista sa ABS-CBN noong 2005.
Mas nagmarka at sunud-sunod ang mga teleseryeng hango sa mga akda ni Caparas ipinalabas sa GMA-7: Bakekang (2006), Kamandag (2007-2008), Joaquin Bordado (2008), Tasya Fantasya (2008), Gagambino (2008), Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang (2009), at Totoy Bato (2009).

Ang iba pa niyang mga obra na ginawang teleserye ay ang Pieta (ABS-CBN, 2008-2009), Dugong Buhay (ABS-CBN, 2013), at ang kasalukuyang umeere na Lumuhod Ka Sa Lupa (TV5).
Read: Coco Martin described by Carlo J. Caparas as "heir apparent" of Fernando Poe Jr.
THE NATIONAL ARTIST CONTROVERSY
Noong 2009 ay kabilang si Carlo J. Caparas sa iprinoklama bilang National Artist sa pamamagitan ng presidential order ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Read: Carlo J. Caparas named one of the National Artists this year
Ngunit dahil sa pag-alma ng ilang sektor, partikular na ang mga dating National Artist at maging ang mga kasamahan niya sa industriya, pinawalang-bisa ng Supreme Court ang paghirang kay Caparas at tatlong iba pa bilang National Artists.
Wala sa isinumiteng opisyal na listahan ang pangalan ni Caparas, pati na ang iprinoklamang National Artists na Cecile Guidote-Alvarez, Francisco Mañosa, at Pitoy Moreno.
Sa isang panayam noong 2013, inihayag ni Caparas ang saloobin sa pagbawi sa kanila ng titulong National Artist.
Tanggap daw niya ang desisyon ng Korte Suprema pero hindi niya itinangging nasaktan siya.
Paulit-ulit na iginiit ng Pinoy komiks author na wala siyang alam sa naging proseso ng pagpili at tanging “recipient” lamang sila ng karangalan.
Saad ni Caparas: “Kasi ang prosesong sinasabi nila, hindi namin alam. Recipient lang kami.
"Kaming apat, binigyan lang kami ng karangalan at titulo na hindi namin alam.
“Basta binigyan kami ng sulat na we were proclaimed as National Artist.
“Ngayon, kung sinasabi nilang mayroong naka-commit ng grave abuse of discretion, recipient ba ang gumawa noon?
“Kung mayroong dapat panagutan, ang naka-commit ng offense—recipient ba ang dapat?”
Ayon pa kay Caparas, biktima lamang siya at ang tatlo pang natanggalan ng National Artist title ng diskriminasyon.
Aniya, “Katulad din ng mga nagprotesta na may diskriminasyong nangyari sa pagpili sa amin.
“Kami ngayong na-strip ng titulo, may diskriminasyon din kaming nararamdaman sa ginawa sa amin.”
Muling idiniin ni Caparas, “Wala akong alam sa prosesong iyan.
"May sulat lang na dumadating sa amin na sinasabing isa ka sa mga napili, na-proclaim.
“Ang mararamdaman lang namin doon ay kaligayahan dahil walang artist na nagsasabing pinapurihan siya, pinalakpakan siya, na ni-reject niya yon.”
Read: Director Carlo J. Caparas and National Artist Virgilio Almario throw personal attacks at each other
DONNA VILLA'S DEATH
Noong January 17, 2017 ay dumating ang pinakamalaking dagok sa buhay ni Carlo J. Caparas—ang pagkamatay ng kanyang misis, ang actress-turned-movie producer na si Donna Villa.
Binawian ng buhay si Donna, sa edad na 57, matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa cancer of the uterus.
Read: Actress/massacre-films producer Donna Villa dies of cancer

Kilala sa showbiz ang labis na pagmamahal nina Carlo at Donna sa isa't isa.
Sa isang panayam noong May 2019, o apat na buwan pagkatapos pumanaw ni Donna, sinabi ni Caparas na ang pagpanaw ni Donna ang pinakamatinding dagok sa kanyang buhay na hindi niya kinayang labanan.
Saad niya, “Hindi nga makaya, e. Akala ko matibay akong tao.
“Alam niyo namang ang portrayal ko, talagang matibay sa buhay. Pirmeng lumalaban sa buhay.
“Although, I’m a strong survivor, hindi naman ako basta natatalo. Kaya lang, iba itong dinaanan ko.
“Sa dami ng battles na pinagdaanan namin ni Donna, ito yung pinakamalaking giyera na hindi namin naipanalo.
“Dito kami natalo.”
Madalas daw ay nasa Cebu siya kung saan nakalagak ang mga abo ng kanyang nasirang asawa.
Ayon kay Carlo, “Nasa pamamahinga pa ako, e. Kaya hindi pa ako makaano…
“Nawiwili pa akong maggala sa mga lugar na pinuntahan namin nung nawala kong angel.
“Kaya naglilibot ako hanggang ngayon sa mga lugar na gusto naming dalawa.
“Matagal ko na siyang hindi nakakasama, e.”
Nandiyan naman daw ang mga anak nila, pero mas pinili ni Carlo na mag-isa dahil naniniwala siyang hindi siya iniiwan ni Donna.
“Most of the time kasi, gusto ko mag-drive mag-isa, e.
“Dahil pag nag-iisa ako, alam kong hindi niya ako pinababayaan.”
Alam naman daw ni Carlo na nandiyan ang mga taong nagmamahal sa kanya, pero hindi ito kayang palitan ng pagmamahal at pag-aaruga ng isang asawang kagaya ni Donna Villa.
“Mahirap kasi palitan, e, dahil non-transferable ang emotion.
“Sana, yun nga ang hinihiling ko sana.
“Mahirap kapag may nakakausap akong taga-showbiz, naaalala ko siya.”
Ngayon ay magkasama na muli sina Carlo at Donna sa kabilang buhay.
Read: Carlo J. Caparas still struggling to cope with wife Donna Villa's death
Additional text by Nerisa Almo and Gorgy Rula
