TRIGGER WARNING: SEXUAL ABUSE
Patuloy na pinag-uusapan ang kontrobersiya sangkot ang mga artistang naglalantad ng dinanas nilang diumano'y sekswal na pang-aabuso mula sa mga taong may impluwensiya sa kanilang trabaho.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ilang baguhang aktor nitong Agosto 3, 2024, Sabado ng gabi, sa isang event sa Fernando Poe Jr. Avenue, Quezon City.
Nagbahagi ang mga baguhang aktor ng kanilang saloobin kaugnay ng isyu, at natanong din sila kung sila ay may ganoon ding karanasan.
JUAN CALMA
Nag-frontal nudity si Juan Calma sa pelikulang La Traidora (2022) ng defunct AQ Prime streaming platform, kung saan gumanap siya bilang baguhang aktor na hinada ng acclang direktor (Brylle Mondejar).
Sa tunay na buhay ay hindi pa niya naranasan na pinainom siya ng pampatulog at pinagsamantalahan kapagkuwan.
“Wala naman, at huwag na rin naman sana. Siyempre, hindi ko rin naman alam kung ano yung magagawa ko kung sakaling may ganun na scenario,” saad ni Juan.
Magtatatlong taon na si Juan showbiz, at lumalahok siya sa mga bikini contest. May mga naengkuwentro ba siyang bading na nagte-take advantage sa kanya?
Tumango ang hunk actor, "Meron naman, meron. Hindi naman mawawala yun, yung mga nagcha-chat ng indecent proposal, mga ganyan.
"Pero ikaw as a model or actor, iwasan na lang. Hangga’t kayang umiwas, iiwas na lang para walang gulo.
"Saka respeto na lang din, di ba? Yung mga nakikilala kong bading, mababait naman."
Lumabas din si Juan sa pelikulang Ang Bangkay ni Vince Tañada, ganun din sa Sisid-Marino ni Direk Joel Lamangan na nag-streaming sa Vivamax noong Hunyo 14, 2024.
Nasa cast si Juan ng Vivamax movie na Pintor at Paraluman na nakatakdang mag-streaming sa Agosto 16.
Kasama si Juan sa all-male sing-and-dance group na Magic Voyz, na mina-manage ni Lito de Guzman.
Malapit nang i-release ang music video ng kanta nilang "Wag Mo Akong Titigan."

Read: Carlos Yulo's mother speaks up about "mukhang pera" accusations
MHACK MORALES
Ipinakilala si Mhack Morales sa launching film ni Sean de Guzman na Anak ng Macho Dancer (2021), sa direksyon ni Joel Lamangan.
Kasama rin siya sa cast ng pelikulang Kontrabida ng National Artist na si Nora Aunor.
"Isang karangalan po na makatrabaho ko ang isang Nora Aunor!” bulalas ni Mhack.
May naranasan na ba siyang panghahalay ng bading?
“So far, wala pa naman po. Marami lang pong nagcha-chat, ganun," sagot ni Mhack.
So, hindi pa niya na-experience na makatulog dahil sa ininom niya?
“Ay! Hindi po. Masyado po akong mautak na tao. Yung mga ganyang bagay, hindi po ako nagpapaano,” pagmamatwid ni Mhack.
Patuloy niya, “Alam ko po ang limitasyon ko.”
Batid daw niya ang galawan ng mga accla [gay]. May mga nagtangka ba na umawra o lumandi sa kanya?
"Marami naman po. Kaso nga lang, hindi naman po ako talaga yung iwas sa kanila.
"Kasi, marami rin po akong kaibigan na mga bading.
"Kasi masarap din silang kasama," pagtatapat ni Mhack.
Nakaapat na Vivamax movie na si Mhack this year. Kasama siya sa Pantasya ni Tami, Red Flag, Sweet Release kung saan siya ang lead actor, at sa Pintor at Paraluman.
Hanggang puwet lang ang kayang ipakita ni Mhack. Hindi niya kayang mag-frontal nudity.
“Magpakita ng lahat po? Ay! Magagalit po ang mama ko! Ha! Ha! Ha!” paghalakhak ni Mhack.

Read: Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84
MANSOUR BUGETH LATIPH
Nakasama ang lahing-Arabo na si Mansour Bugeth Latiph sa dalawang Vivamax movie, Sila Ay Akin (2023) at Maliko (2024).
Ikinalungkot ni Mansour ang mga balitang may mga artistang sekswal na naaabuso diumano sa trabaho.
"Siyempre without his consent, ganoon pala ang nangyari sa kanya. So labag sa kalooban niya.
"Yun yung masama, pag labag sa kalooban. Pinipilit yung tao, masama yon."
May experience ba siya na napagsamantalahan siya ng bading?
"So far hindi pa naman. Kasi hindi naman ako manginginom," sagot ni Mansour.
Paliwanag pa niya, "Sa mga party, wala pa naman. Wala pang nagtatangka sa akin. So far yung mga nakikilala ko na LGBT, mababait naman."
Meron na bang bading na nambastos sa kanya?
Napangiti si Mansour, “Actually, meron pero nagpapaalam sila. So, pinagbibigyan ko in some ways for fun, ganun. Katuwaan lang!
"Pero ang maganda dun, nagpapaalam sila sa akin. Wala yung bigla na lang, kasi, magagalit talaga ako."
Takot siguro ang mga bading na baka masapak ni Mansour dahil borta siya. Nag-training siya sa boxing at muay thai.

RONNIE PALERMO
Nasa cast si Ronnie Palermo ng pelikulang Bedspacer, ang buena manong handog ng Vivamax ngayong 2024.
Napailing si Ronnie nang uriratin tungkol sa balitang may mga artistang nakakaranas ng diumano'y sekswal na pang-aabuso ng mga taong may impluwensiya sa kanilang trabaho.
Sa parte niya, wala raw siyang traumatic experience sa mga sirena at diwata.
"Kasi ako, pag humarap ako sa tao, mabait naman ako. Kumbaga sila, sinusuklian nila yung kabaitan ko rin," pakli ni Ronnie.

JOHN MARBEN
Mapangahas si John Marben sa palabas ng heyPogi na Dear Ate Xerex: Exploring Gay Sex Positions (2021). Bet niyang JM na lang ang maging screen name niya.
Nabasa niya iyong online posts tungkol sa aktor na diumano'y nakaranas ng pang-aabuso ng mga nakakasama sa trabaho.
Reaksyon ni John, "Siyempre una, nakakabahala. Kasi may mga taong hindi naman natin gustong bigyan ng ano, e… ng ibang meaning.
"Nakakabahala. Kasi siya, kilalang pamilya sila, matinong tao siya. Siyempre iba naman yung pananaw sa iba.
"Siguro kanya-kanya lang tayo ng opinyon. Kung mali man ang nagawa ng ibang tao dahil sa nangyari, sana makuha niya yung hustisya niya."
Naranasan na ba niya iyong may nag-take advantage sa kanya? Labag sa kalooban niya, tapos may ginawa sa kanya?
"Sa akin naman, wala. Kung meron mang mangyari, siguro sasabihan ko na lang siya nang mas maayos,” mahinahong sabi ni John.
"Kakausapin ko siya nang mas maayos. Sa ngayon, wala naman akong masyadong na-experience na ganun."
Walang bading na nanloko, umabuso, o humarot sa kanya?
"Meron, pero Diyos na lang ang bahala sa kanila. Marunong naman akong magpatawad," sagot ni John.
Ang tinutukoy ni John ay yung mga bading na nagtsansing sa kanya.
"Minsan nanghahawak ng puwet. Nagugulat na lang ako, pero ayos lang. Hayaan ko na lang," pagbuntong-hininga ni John.
"Minsan kinakausap ko na lang. Pinapangaralan ko, pero OK lang."
May sama ba siya ng loob sa kung sino mang gay?
"Wala naman. Sa dami kong kaibigang bading, sa akin, kailangan marunong lang tayong makisama, makibagay, at makilugar,” saad ni John.
Dagdag niya, "Mahalin natin sila, kasi mamahalin din nila tayo."
ALLEN MOLINA
Tinagurian si Allen Molina bilang Bikini King ng local bikinilandia. Lumabas siya sa MMFF 2015 film na My Bebe Love: Kilig Pa More na tinampukan nina Vic Sotto, Ai-Ai de las Alas, Maine Mendoza, at Alden Richards.
Nakapag-guest din siya sa ilang TV show.
Wala siyang traumatic experience sa mga gay na nakasalamuha niya.
"Kung maganda mo silang tratuhin, siguro ganun din nila kayo tatratuhin,” pananaw ni Allen.
"Kung kabastus-bastos ang ginagawa mo sa kanila, siguro kaya din sila nagte-take advantage.
"Pero kung professional kang humaharap sa kanila, like me na professional akong humaharap sa kanila, kaya siguro walang ganung nangyayari sa akin.”
What if may bading na mag-take advantage sa kanya, just in case?
"Siguro masusuntok ko sila!" bulalas ni Allen.
"So far po, mababait yung mga nakikilala ko. Kasi mabait din ako sa kanila," pagtatapos niya.
