Masaya si Roderick Paulate na muling makatrabaho si Aga Muhlach sa TV5 sitcom na Da Pers Family.
Bida si Aga sa defunct ABS-CBN sitcom na Oki Doki Doc kunsaan napabilang si Roderick mula 1998 hanggang 2000.
Sa Da Pers Family, kasama ni Aga na mga bida ang misis na si Charlene Gonzales at ang kambal nilang mga anak na sina Andres at Atasha.

"Yun naman ang saya ko kasi magkasama kami uli," pahayag ni Roderick sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Puring-puri ni Roderick ang aniya'y magandang upbringing nina Andres at Atasha.
"Ang cute nung dalawang bata. Alam mo, para lang silang nasa bahay lang, studio lang kami.
"Saka ang maganda, ang babait ng mga bata, alam mong maganda yung pagpapalaki ng magulang.
"Kasi nag-aral sila sa abroad, pero nandun pa rin yung paggalang, respeto.
"Talagang alam mo yung ugali nila Charlene at Aga pinagsama."
Tinanong namin si Roderick kung tingin niya ay tatagal sa showbiz ang magkapatid gaya ng mga magulang na sila Charlene at Aga Muhlach.
"Diyan lang ako hindi sure, ha, kasi kung magustuhan sana ni Atasha at ni Andres, okay lang," sagot ni Roderick.
Baka raw may ibang interes ang dalawa.
"Kaya lang di ko alam kasi baka may weight din yung pinag-aralan nila sa abroad, di ba?
"Both of them are smart so di mo alam kung hanggang kailan nila gagawin yun."
Read: Roderick Paulate nalungkot nang maligwak sa MMFF 2023 ang In His Mother's Eyes
RODERICK PAULATE ON RECOGNITION FROM LUNA AWARDS
Samantala, masaya rin si Roderick sa pagkapanalo niya bilang Best Actor sa katatapos na 40th Luna Awards ng Film Academy of The Philippines (FAP) para sa pelikulang In His Mother's Day.
Nanalo rin si Maricel Soriano bilang Best Actress at LA Santos bilang Best Supporting Actor para rin sa nasabing pelikula.
Nakapanayam ng PEP si Roderick pagkatapos ng 40th Luna Awards, na ginanap sa IBG-KAL Theater sa UP Diliman Quezon City noong August 3, 2024.
Ayon kay Roderick, espesyal para sa kanya ang natanggap na award dahil galing ito sa kanyang mga kasamahan sa industriya ng pelikulang Pilipino.
"Namman ko, ang sarap, kumbaga, di ko ine-expect yan, pareho kami ni Maricel.
"Nag-uusap nga kami nung nagbibigay ng nominations.
"Sabi nga namin, nandito kami kasi gusto naming suportahan ang Film Academy Of The Philippines."
Patuloy ni Roderick: "Tapos yung Luna Awards kasi, of course, nominated kami. Pero more than that, more than the award suportahan kasi na-miss namin.
"Nagsimula ito nung 1981 tapos nawala na, maraming kasamahan tayo at hari natin ang wala na. Nostalgic yan.
"Tapos nanalo ka pa. Ito namnam ko kasi galing ito sa colleagues ko, galing ito sa mga manggagawa talaga, bawat juries na nandidiyan.
"Maaaring di ko kilala yung iba, pero siyempre malaki ang suporta ko sa kanila sa pagpili nila bilang Best Actor."
Read: Janelle Jamer admits falling-out with BFF Claudine Barretto
RODERICK PAULATE ON MARICEL SORIANO
Labis ring kinatuwa ni Dick ang pagkapanalo sa mga kasama sa pelikula na sila Maricel at LA.
"Kaya nga sinasabi ko syine-share ko kay Ms. Maria kasi nung nanalo din siya, shinare niya rin sa akin, 'Dick, atin ito.'
"Masayang-masaya ako so syine-share ko rin sa kanya, siyempre kila LA, sa buong cast ng pelikula.
"Natutuwa akong i-share kay Maria kasi collaboration kami, at the same time, nagulat ako na sinabi niya sa mic na, 'atin ito.'"
Sa ngayon, may mga bagong proyektong inaalok kay Roderick.
"Mayroon akong mga scripts na pinag-aaralan. Yung isa na-approve ko, inaabangan ko na lang kung gagawin ko.
"May mga scripts na pag-aaralan at gagawin.
"But for the meantime, mayroon kaming sitcom ni Aga Muhlach sa TV5, yung The Pers Family."
