Proud si Richard Gomez, 58, sa pagsasabing sinunod niya ang payo ni Mother Lily Monteverde noon pagdating sa pagiging artista.
Gaya ng maraming seasoned actors ngayon, isa si Richard sa mga naging pinakatanyag na pangalan ng ilang dekada simula noong ‘80s matapos pasikatin ng Regal Films, ang film production outfit ni Mother Lily.
Nang maging artista siya ng Regal, may bilin daw sa kanya noon si Mother Lily na sinunod at pinagmamalaki hanggang sa ngayon ni Richard.
Sabi raw ng Regal matriarch sa kanya, “Huwag ka lang talaga magbibigay ng sakit ng ulo sa production.”
Dugtong ni Richard, “And yun naman ang masasabi ko. Siguro sa karamihan naming mga artista, ako yung isa lang sa mga konti lang nagbigay ng sakit ng ulo sa production.”
Read: Dina Bonnevie recalls fond memories with the late Mother Lily
Pinahalagahan daw ng aktor ang pagiging propesyunal.
Sabi niya, “Kailangan talaga may commitment. You really have to stick to that commitment.”
Nanatili rin daw loyal si Richard sa kanyang mother studio sa loob ng matagal na panahon.
Aniya, “I’ve always been with Regal. I would do movies outside Regal — Viva, Seiko, pero mother studio ko has always been Regal.”
Nakausap ng press, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), si Richard sa burol ni Mother Lily sa residence nito sa Valencia Street, Quezon City, nitong August 8, 2024.
Pumanaw si Mother Lily noong August 4, 2024. Siya ay 84.
Read: Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84
Nagkaroon ba ng matinding tampuhan noon si Richard kay Mother?
“Wala. Never kaming nagkatampuhan ni Mother. Kasi I’m very happy,” sagot ng actor-politician.
Sundot niya, “What I can say is I’m not Richard Gomez without Mother Lily. Siya talaga nag-develop sa akin na maging artista, walang iba. Siya lang talaga.”

Read: Stella Suarez Jr. recalls "love-hate relationship" with half-brother Richard Gomez
RICHARD LOOKS BACK HOW BE BECAME A REGAL BABY
Nagbalik-tanaw si Richard kung paano siya nagsimula sa Regal.
Taong 1984 nang dalhin siya ng dating manager, ang namayapa na ring si Douglas Quijano, sa opisina ng Regal at ipinakilala kay Mother Lily.
Si Richard ay 17-18 years old lamang noon.
Inalok daw noon ni Mother Lily kay Richard ang isang pelikula, pero pinabasa muna sa kanya ang script.
“Unang in-offer sa akin ni Mother yung script ng Scorpio Nights, bagong artista ako. Sabi niya, ‘Basahin mo,'” ani Richard.
Pagpapatuloy ni Richard ukol sa ipinabasang script sa kanya, “So, binasa ko yung script pag-uwi ko ng bahay. Sabi ko, 'Dougs [Douglas], hindi ko kaya ‘to.’”
“Sabi ko, ‘Mother, hindi ko kaya yung ganito,’” natatawang pag-aalaala ni Richard.
Ang role na tinanggihan ni Richard ay napunta kay Daniel Fernando, kasama sina Orestes Ojeda at Anna Marie Gutierrez, para sa Scorpio Nights (1985).
Ang sumunod na inalok ni Mother Lily kay Richard ay ang role na tinanggihan ni Gabby Concepcion sa pelikulang pinagbidahan nila nina Maricel Soriano at William Martinez, ang Inday Bote.
Tinanggap ni Richard ang role.
“That’s when I started. And then, right there and then, nag-issue siya ng tseke sa akin, ‘O, ayan, ha. Pirma ka na ng kontrata, Regal baby ka na.’”
Ayon kay Richard, ang kanyang first film contract ay nagkakahalaga ng PHP25,000.
