Kumakalat online ang video kuha sa isang event sa Davao City na kung saan makikita ang aktres na si Belle Mariano at interaksyon nito sa isang tagapanood.
Naganap ang insidente nung Sabado, August 31, 2024, sa University of Southeastern Philippines Gymnasium para sa Star Magic Shooting Stars Exhibition Game na kinalahukan din ng love team partner ni Belle na si Donny Pangilinan.
Read: PEP BEST BETS 2024: The Pairs We Ship
Sa video ay makikita ang paglapit ng isang fan sa batang aktres matapos ang performance number nito.

May dalang bouquet of white flowers ang nasabing fan na nais nitong iabot kay Belle.
Nagkaroon ng kaunting tensyon dahil hindi agad umalis ang fan at nanalagi pa ito sa loob ng basketball court malapit sa aktres.
Read: Belle Mariano: Ready for superstardom
SECURITY STAFF STEPS IN
Nang unang lumapit ang fan kay Belle ay may sumunod na agad na security personnel dito para sumaklolo sakaling may hindi magandang motibo ang fan.
Trabaho ng event marshals na pangalagaan ang seguridad ng mga tao sa loob ng venue, kasama ang mga artista at special guests ng isang event.
Dumistansya ang security personnel matapos itong sabihan ng fan na lumayo habang nagtatangka itong magpa-picture kasama si Belle.
Game naman ang aktres na magpakuha ng larawan at makikitang hindi nito inalintana ang pag-akbay ng fan sa kanyang braso.

Ngunit maya-maya ay lumapit na rin ang ibang security staff para mamagitan lalo pa't wala ng distanya sa pagitan ng fan at ni Belle.
Hinikayat ng marshals ang fan na bumalik na sa upuan nito subalit patuloy itong nagmatigas.

Dinampot ng fan ang bulaklak na ibinaba niya sa sahig at inabot ito kay Belle.
Ngunit hindi doon natapos ang pangyayari dahil gusto ulit nitong magpa-picture kasama si Belle habang hawak ng aktres ang bulaklak.
Pumayag naman muli si Belle at nagawa ng kanyang tagahanga na makapagpa-picture bagama't nakapaligid na sa kanila ang ilang security personnel.

Matapos magpakuha ay agad nang namagitan ang security staff at bumalik naman sa kanyang puwesto ang fan.
NETIZENS PRAISE BELLE MARIANO'S COMPOSURE
Samantala, pinuri naman ng mga netizens si Belle dahil sa ipinakita nitong kabaitan sa excited fan.
Ayon sa mga nakapanood ng video, kahanga-hanga ang ipinamalas na composure ni Belle sa mga oras na yun.
Komento ng isang netizen sa TikTok (published as is): "npkaganda n npkaprofessional at npkabait p n Belle nhandle nya ung fans nya [three clapping emojis] pero kinabahan aq ng mapanood ko to."
Turan naman ng isa ring nakakita ng video, "Love you Belle, napakabait mong bata i know uncomfortable ka na pero na handle mong maayos ang situation na hindi mapapahiyta ang bata."
"Napaka-calm nya very professional [clapping emoji] love you belle," turan ng isang fan.
May isa namang nag-komento na kilala niya ang fan sa video at mabait daw ito.
"Gusto lang nya talaga makapag picture. After nyan okay na po sya."
Sa kabilang banda, may iba pang nagsabi na pamilyar ang male fan na lumapit kay Belle.
Kilala raw ang lalaki sa lugar na "mabait," "harmless," at gusto lang magpa-picture sa idolong artista.
May insidente na rin daw noon na nagpakuha ng litrato ang lalaki sa ibang bisitang artista sa lugar.
Nakiusap pa ang ilan sa tila nakakilala sa lalaki na wag na itong batikusin at intindihin na lamang daw ang anila'y espesyal na kondisyon nito.