Matapos umano ng matagal na pagninilay-nilay at pagdarasal, nagpasya ang Wil To Win host na si Willie Revillame na kumandidato bilang senador sa halalang idaraos sa Mayo 12, 2025.
Ganap na 1:30 ng hapon ngayong Martes, Oktubre 8, 2024, nang magdesisyon si Willie na pormal na pasukin ang mundo ng pulitika.
Read: Willie Revillame, nagpahiwatig tungkol sa pagtakbong senador
“I have mixed emotions,” pahayag ni Willie sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) habang pinipirmahan sa 42nd floor ng Wil Tower ang kanyang Certificate Of Candidacy (CoC) na ihahain niya sa COMELEC ngayong hapon.

“Hindi ito alam ng mga anak ko. Hindi ito alam ng mga kamag-anak ko.
"Ginagawa ko ito hindi para sa sarili ko.
"Gagawin ko ito para sa mga kababayan natin na, akala nila, wala nang pag-asa. Akala nila puro pangako lang.
“Tutuparin natin lahat.
"Ako, wala na akong kailangan sa buhay.
"Gusto ko lang, gumawa ng kabutihan, sa ating mga kababayan, sa mga kapus-palad.”
Read: Willie Revillame, nililigawan pa ring tumakbong senador sa 2025
WILLIE'S FINAL DECISION
Halos hindi raw nakatulog si Willie dahil pinag-isipan at pinag-aralan niyang mabuti ang malaking hakbang na gagawin niya sa kanyang buhay.
Saad pa niya: “Kung ako ay pagkakalooban ng Diyos na mabigyan ng pagkakataon, huwag kayong mag-alala, wala sa isip ko, wala sa bokabularyo, ang gumawa ng isang bagay na ikagagalit ng lahat, at hindi ko kayang mang-isa ng kapwa.
“Mas masarap yung ikaw ang nagbibigay kesa ikaw ang humihingi. Mas masarap yung ikaw ang nasasaktan.
"Masarap na pakiramdam yon kasi hindi ka makakatulog kung ikaw ang nananakit sa buhay."
Patuloy ni Willie: “Ang television shows ko, nasa 21 years na ako. For 21 years, wala akong hinangad kundi yung makapagpasaya, makatulong sa mga kababayan natin na mahihirap na walang kapalit.
“Siyempre, malaking bagay yung mga sponsor kaya kami nakakapagbigay ng mga papremyo na ikaliligaya ng mga kababayan natin na mahihirap.
“At this point and time of my life, siguro this is the turning point na magsilbi sa buong Pilipinas. Hindi yung sa isang studio lang."
Read: Willie Revillame, PHP1B ang halaga ng bagong property sa BGC
Naniniwala si Willie na tama ang kanyang naging desisyon.
“Basta hindi ako makakatulog kung mangwawalanghiya ako ng kapwa. I am so blessed and I know I am guided by the Lord kaya tama itong ginagawa ko.
“Kung ako ay hindi naman mapagbigyan ng pagkakataon na manalo, tatanggapin ko. Ibig sabihin, hindi ako para doon.
“If ever naman na mapagbibigyan ako ng pagkakataon ng Panginoon, I will do the best I can. Ano yon? Kabutihan sa ating mga kababayan na nangangailangan.
“Hindi ko na kailangan ng anupaman sa buhay ko. Gusto ko lang, good health—ako, sa mga anak ko, sa pamilya ko, sa mga mahal ko sa buhay—para mahabang panahon ako na makapagsilbi ng kaligayahan. At siyempre, tulong na abot-kaya ko, kasama siyempre ang ating pamahalaan."
Deklarasyon ni Willie: “Again, this is it.
"Today is October 8, maliligo na ako. Magbibihis na ako, magge-gel, aalis ako ng 3 P.M. and then, panoorin ninyo na lang ang mga mangyayari.
“Mahal ko ang mga kababayan ko na nangangailangan. Mabuhay!”
Malaki at lubos ang pasasalamat ni Willie kay TV5 Chairman Manny V. Pangilinan, o kilala bilang MVP, dahil suportado nito ang kanyang kandidatura.
Nakatakdang ihain ni Willie ang kanyang CoC sa Manila Hotel tent, at malaki ang posibilidad na live na mapanood ito sa Wil To Win ngayong alas-singko nang hapon.
Read: Willie Revillame, nagsagawa ng telethon para sa typhoon victims