Ngayong Undas, hot topic ulit sa social media ang video ng sagutan ng dalawang babae dahil sa parking slot sa Las Piñas cemetery.
Tumayo kasi sa vacant parking slot ang babaeng naka-pink top at sinita siya ng female passenger ng isang white SUV na nais iparada ang sasakyan nito sa nasabing slot.
Ayaw magpatinag ng babaeng naka-pink kaya bumaba ang SUV passenger at nagkaroon ng sagutan at sigawan ang dalawa.
Nakisali na rin ang mga tao sa paligid na halatang pumapanig sa SUV passenger.
Sa huli, puwersahang napaalis ang babaeng naka-pink at nagawang pumarada rito ng white SUV.

Read: Vet calls for respect after a doctor belittles his profession
NO STANDING RESERVATION RULE
Hindi ito ang unang beses na nag-viral ang ganitong senaryo.
Makailang ulit nang may ganitong eksena: ang parking space ay tinatayuan ng isang tao para i-reserve ito, pero papasok ang isang sasakyan at magkakaroon ng pagtatalo.
Kaya muling iginiit ng mga awtoridad na bawal ang pagrereserba ng parking slot sa pamamagitan ng pagtayo rito.
Bagama’t hindi ito batas, labag naman ito sa parking etiquette. Sa katunayan, matagal nang ipinapatupad sa big establishments, partikular sa malls, ang “no standing reservation rule.”
Sa recent issue ng babaeng naka-pink sa Las Piñas, nag-react dito ang kapulisan.
“Parking space po iyan, para po sa mga sasakyan iyan,” sabi ni Police Captain Orlando Quintero ng Las Piñas Police.
“Hindi po lalagyan po natin ng tao para po tayo ang tumayo doon at sabihin na ikaw ang nauna diyan.”
Dati na ring in-address ito ni Attorney Ariel Inton, president ng Lawyers for Commuters’ Safety and Protection, sa kanyang News5 interview noong 2023.
Aniya, “Hindi naman po nagpa-park yung tao, e. Ang magpa-park yung sasakyan.
“So if you will allow that, yung babae will reserve it, e, lahat na tayo gagawin natin iyon,” reaksiyon ni Inton sa viral video noon ng babaeng tumayo sa parking slot para i-reserve ito.
Dagdag na paalala ni Bong Nebrija, Metropolitan Manila Development Authority Traffic chief, noong 2019, “A parking slot is reserved for a vehicle, hindi sa tao.
“So pinapakiusapan po natin yung ating mga kababayan na huwag pong gagawin na magpapa-reserve po tayo ng parking at patatayuin natin yung mga kasamahan natin diyan—kaibigan man o kamag-anak para i-reserve yung parking sa atin, habang imiikot po tayo sa parking slot.
“Tatandaan po natin, ang parking na iyan, whether private or public, is first come, first serve.”
Payo rin ng mga awtoridad na gawing maayos ang pakikipag-usap.
Pero kung hindi makuha sa pakiusapan ay maaaring sampahan ng reklamong unjust vexation ang taong nagmamatigas at may intensiyong mang-inis.
Ito rin ang payo ng isang legal counsel sa recent News5 article.
“Under the Revised Penal Code, ang unjust vexation ay isang krimen na ang isang tao na gusto lang mag-create ng annoyance, mang-inis.
"Given the fact na pinapaalis na siya, pero nagmatigas itong babae na ito,” ani Atty. Kaye de Guzman of Bernardo Placido Chan Lasam Law Office.
