Ipinaliwanag ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga nalabag na batas umano ng dating aktres at negosyanteng si Neri Naig Miranda.
Nahaharap ngayon si Neri sa 14 counts ng violations of the Securities Regulation Code kaugnay sa pagbebenta niya umano ng securities kahit hindi naman siya lisensiyado.
Bukod sa nasabing paglabag, nahaharap din siya sa kasong estafa at syndicated estafa na non-bailable.
Read: EXPLAINER: Neri Naig's syndicated estafa and securities code violations
SEC OFFICIAL ENUMERATES NERI NAIG'S VIOLATIONS
Sa programa sa TeleRadyo nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, ipinaliwanag ni SEC Director Filbert Catalino Flores III ang mga naging paglabag ni Neri.
Naging endorser si Neri ng Dermacare ng kumpanyang Beyond Skin Care Solutions at kalaunan ay nanghikayat siya sa iba na mag-invest sa nasabing kumpanya.

Dito raw sumabit ang dating aktres sa SEC.
Paliwanag ni Flores: "Ang nakuha naming impormasyon po ay siya po ay naghikayat ng mga investments dun sa Beyond Skin Care. Yun po yung kumpanya na iniimbestigahan po.
"Sa Securities Regulation Code, ang Section 20 na binanggit po, ang kailangan po kapag ang isa ay involved sa buying and selling ng securities po, investment contracts, etc., e, yan po ay kailangan nakarehistro sa SEC.
"Bakit po kailangang irehistro yan?
"Kasi meron pong obligasyon yan. Mini-maintain po dapat integrity ng market, investment market, capital market na tinatawag, para pag mas maraming nagtitiwala sa mga produkto natin, sa securities natin, mas maraming maengganyo na additional investment opportunity po yan sa mga tao.
"Kaya po ang SEC nire-require po, bukod sa may secondary license yung kumpanya tapos may securities na ini-issue nila nakarehistro, pati po yung nagbebenta, kailangan po nakarehistro sa amin."
Endorser lamang si Neri at hindi siya ang may-ari ng kumpanya, pero dahil nanghihikayat siya ng investment, dapat humingi umano siya ng lisensiya sa SEC para maging lehitimong tagabenta ng securities.
Ayon sa SEC official, "Kahit idepensa na yung talent ako, ako yung tagasabi lang, kung ang in-endorse lang naman niya, kaya itong produkto na ito o sinasabi lang magpunta kayo, maganda mag-make-up yan, walang problema yan.
"Pero kapag ang sinabi, 'Mag-ano kayo, magandang investment to, kasi kikita kayo ng ganito, kikita kayo ng 10 percent or something,' pagkaganon na po, involved na kayo sa buying and selling of securities.
"Kailangan rehistrado na po kayo."
Read: Netizens react to “Wais na Misis” tag of Neri Naig
WHAT IS SECURITIES? howey test?
Ano ba ang tinatawag na securities?
Sagot ng SEC official: "Magsasabi na lang ng samples, shares of stocks, yung mga bonds, yung proof of indebtedness na tinatawag, at investment contract.
"Paano natin malalaman kung itong isang bagay na ito, investment contract, may apat tayong panuntunan na tinatawag na Howey Test.
"Base po yan sa isang decision sa Amerika na na-adapt natin sa Pilipinas.
"Ano po yung Howey Test? Una, may investment ng money. Kailangan po nag-invest ng pera.
"Pangalawa po, nilagay sa isang common enterprise.
"Sabihin po, 'Uy, mag-invest kayo dito kasi bibili tayo ng bagong kotse o bibili tayong bagong restaurant, gagawa tayo ng bagong... mayroon tayong bibilhin o mag-invest tayo sa isang business.'
"Pangatlo po ay yung may expectation of profit. Mayroon kayo inaasahan na may return sa inyo, bumabalik na interest or profit sa in-invest niyo.
"At ang pinakahuli po, ang pinakaimportante, primarily the efforts of others.
"Ibig sabihin, yung wala ka nang gagawin, nakaupo ka lang.
"Wala kang gagawin, hindi ka mag-manage, bayaan mong ibang tao ang gumagawa, kikita ka.
"Pag yung apat na po yan, pumasok na po, investment contract na po yan.
"Ibig sabihin, kailangan po, kailangan po established na kumpanya yung nagbebenta, rehistrado na yung company na nagbebenta, rehistrado dapat po yung securities na binibenta. At pati po yung tao na nagbebenta kailangang rehistrado po."
Ilang lisensiya ang kailangan maging present para lehitimo ang investment company?
Tugon ni Flores: "Kasi usually... may rehistro, yun po yung primary license.
"Ibig sabihin po nun, yung nagrehistro lang para maging kumpanya siya, para maging korporasyon siya. Yun po yung una.
"Pero kung mag-e-engage ka sa buying and selling of securities, mag-o-offer ka sa publiko, kailangan po ng secondary license.
"May authority po yun mula sa komisyon para magbenta niyang securities niyo.
"Ang sumunod po doon, kailangan po yung mga securities na ini-issue ng may secondary license, lisensiyado.
"Kasi ganito po yan... Ang kapalit po kasi ng pera ng publiko, kapirasong papel, shares of stocks, contract of investment, kahit ano, basta kapirasong papel po.
"Kaya nire-require po ng komisyon na ang kapirasong papel na yan, na pruweba ng investment mo ay nakarehistro.
"Kasi kailangan sigurado kayo na ang kapirasong papel na yan ay may value.
"Ibig sabihin kasi, ang kapalit po niyang kapirasong papel din, pero pera po yan.
"Kasi ang kapalit ng kapirasong papel na yan, pera po yun, yung pera po may value, hindi po ba, puwede mong ipambili ng kahit ano.
"Pero yung kapalit po ng investment, kapirasong papel, shares of stocks, kung yun po, e, walang kuwenta o walang value, made-deteriorate po o mawawala ang tiwala ng publiko diyan sa securities market o sa capital market.
"Kaya nire-require namin na rehistrado yan dahil may obligasyon po ang lahat ng kumpanya at mga nagbebenta.
"Ang pangatlo pong kailangan, nakarehistro nga, kagaya ng binanggit ko sa Section 28 po yan, yung mga nagbebenta po mismo."
Dagdag pa ng SEC official: "Kaya sana maintindihan po ng publiko kung bakit kami nagbabantay sa mga ganyan.
"Bago po sana mag-invest, alamin kung may secondary license.
"Kung may secondary, secondary ha, hindi lang nagrehistro sila ng parang kumpanya.
"Pangalawa po, naka-register po ba yung kanilang mga securities, yung investment contract na tinatawag nila
"At yung pangatlo, yung kausap mo ba nakarehistro sa amin."
Read: SPD reports arrest of actress-businesswoman “alias Erin”
TIPS FOR NETIZENS NOT TO FALL VICTIMS OF SCAMMERS
Ano ang maipapayo nila sa mga taong nais kumita na ang iba rito ay savings ng buhay nila ang ipinansusugal sa pagnanais magkapera?
Ayon kay Flores: "Kami, lagi namin inaano sa SEC, check with SEC.
"Importante po yan malaman niyo kung yan po ba ang kumpanya na nagbebenta sa inyo ay may secondary license.
"Yung bang kanilang ini-issue na mga investment, e, nakarehisto sa amin.
"Tapos puwede rin, yung kausap niyo ba ay rehistrado sa amin.
"Check with SEC. Madali po, magtanong lang po kayo.
"Sasagutin naman po kayo bago kayo mag-invest. Kailangan lang mapanuri kayo.
"Dapat may dudang konti dahil pera ang ilalabas ng tao. Importante po yan."
May listahan naman daw sa website ng SEC kung sino ang mga may secondary license at rehistradong magbenta ng securities.
Aniya, "Ang alam ko po, meron sa website namin kung sino may secondary license.
"Pag may secondary license, regulated na po. Binabantayan na ng gobyerno yung activity na yan dahil may public interest na po yan.
"Kasi para yung tiwala ng tao, tuluy-tuloy pa rin sa activity na yan.
"So, meron po kami. Pero wala namang masama na mag-email kayo sa amin at epd@sec.gov.ph."
Read: Chito Miranda defends wife Neri Naig; confirms Neri now in jail
