Sa gitna ng pag-amin ni Senator Bong Revilla na mayroon siyang mga anak sa labas ng pagsasama nila ng misis na si Lani Mercado, sinabi ng actor-politician na lalong lumalim ang pagmamahal at respeto niya sa asawa.
Alam at tanggap daw ito ni Lani at ng kanilang mga anak.
Read: Bong Revilla admits to having children outside marriage: “Makikilala niyo rin kung sino…”
Nahirapan daw siyang sabihin sa asawa ang katotohanan nung una dahil alam niyang masasaktan ito.
"Yeah, medyo mahirap din pero naiintindihan niya," sabi ng actor-politician sa mediacon ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis Season 3 sa Novotel Hotel sa Cubao, Quezon City, noong December 14, 2024.
"Mas lalong minahal? Yes, dahil sa pag-intindi niya.
"Pero siyempre, hindi mo maaalis na masakit din yun sa asawa ko.
"But those were the days," dagdag ni Bong, na tila ibig pakahulugan na tapos na ang mga panahong nahuhumaling siya sa ibang babae.
May anim na anak sina Bong at Lani: sina Bryan, Jolo, Inah, Gianna, Loudette, at Ram.
Noong 2007 ay inamin ni Bong na mayroon pa siyang isang anak, si Luigi Revilla, mula sa isang dating girlfriend.
Read: Bong Revilla admits having another son
Sa mediacon ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis, Ipinahiwatig ni Bong na maliban kay Luigi ay may iba pa siyang mga anak sa labas.
Bahagi ng kanyang pahayag tungkol sa pagkakaroon ng ibang anak, “Meron, meron… at makikilala niyo rin kung sino sila.”
At sa kabila ng pag-amin niya sa pagkakaroon ng mga anak sa labas, mas gusto raw ni Bong na maging pribado pa rin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
"Alam naman ni Lani yung mga anak ko, alam niya yun.
"Pero siyempre, ayoko lang idetalye. Gusto ko lang i-private yung buhay nila."
Read: Lani Mercado opens up about Bong's son Luigi
ON ALYAS POGI 4 AND WALANG MATIGAS NA PULIS
Sa shooting ng comeback film sana ni Bong na Alyas Pogi 4 noong Abril 2024 ay naaksidente ang aktor. Napunit ang kanyang achilles tendon, at sumailalim siya sa therapy para mapagaling ito.
Ayon kay Bong, maayos na ang kalagayan niya ngayon.
"I'm okay, it's 95 percent okay. Tinatakbo ko na, tinatalon ko na nga.
"Yun nga lang, may time na nagna-numb pa rin siya, but I'm okay."
Nanghinihinayang man na hindi nakasali sa Metro Manila Film Festival 2024, tiniyak ni Bong na tatapusin niya ang Alyas Pogi 4.
"Gagawin ko pa rin, basta pinaplano lang namin kasi darating din ang eleksyon.
"Nakakapahinayang, napakagandang project, napakalaki. Ang ganda sana nito," sabi ng senador na re-electionist sa 2025.
Sa kabilang banda, masaya si Bong na balik-telebisyon siya sa pamamagitan ng Season 3 ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis, katambal muli si Beauty Gonzalez.
Mapapanood na ito sa simula December 22, Linggo, sa ganap na alas siete ng gabi.
Saad niya, "Well, I'm so happy at least I'm back sa television, mapapanood ninyo... although seven episodes itong mapapanood ninyo.
"Naaksidente tayo, kaya di ano... pero I'm so happy.
"Sa tingin ko sa tatlong seasons na nagawa ko, ito ang isa sa pinakamaganda."
Ano sa palagay niya ang reason kung bakit tinangkilik at pinapanood ng mga tao ang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis at nakaabot sila sa season 3?
"Maybe because of the chemistry, para lang kaming naglalaro sa set, e.
"Every time na sumisigaw na siya [Beauty] ng 'Tolome!' nawawala na sa sarili si Tolome. Bagay na bagay sa kanya yung role at sa akin din.
"We're like playing lang lalo na pag nasa set."
Read: Bong Revilla, kinumpirma ang Walang Matigas na Pulis Season 3
