Inaasahang makakauwi na ng Pilipinas si Mary Jane Veloso ngayong Disyembre 18, 2024, Miyerkules.
Si Mary Jane ay 14 years nang nasa isang piitan sa Yogyakarta, Indonesia, dahil sa kasong drug trafficking.
Pinuntahan siya ng mga opisyal ng Bureau of Investigation (BI) at Department of Foreign Affairs (DFA) para asikasuhin ang pag-uwi nya sa bansa.
MARY JANE VELOSO CASE: QUICK BACKTRACK
April 25, 2010 nang matagpuan ng airport officers ng Adisupto International Airport sa Java, Indonesia, ang 2.6 heroin sa bagahe ni Mary Jane.
Nilitis ang kaso ni Mary Jane sa Indonesia at binabaan siya ng guilty verdict noong parehong taon.
Nahatulan siya ng bitay sa pamamagitan ng firing squad na itinakda noong April 29, 2015.
Pero isang araw bago ang pagbitay sa kanya, sumuko ang recruiter niyang si Maria Kristina Sergio sa Nueva Ecija Police Station sa Pilipinas.
Si Sergio ang illegal recruiter ni Mary Jane at ang kaibigan ng asawa nito ang itinuturong nagtanim ng droga sa bagahe ni Mary Jane.
Hinatulan si Sergio at ang kanyang live-in partner ng human trafficking, illegal recruitment, at estafa.
Naipagpaliban naman ang pagbitay kay Mary Jane, pero nanatili siyang nakapiit sa Indonesia.
Read: Mary Jane Veloso to come home to Philippines, says Malacanang
Kasunod nito ay umapela si dating Pangulong Noynoy Aquino sa Indonesia government ng clemency (pag-alis o pagbabawas ng sentensiya ng nahatulang tao) dahil si Mary Jane ay maaaring maging isang state witness sa kasong human trafficking.
Noong Mayo 2023, ginanap ang ASEAN Summit sa Indonesia, at tinalakay ni President Bongbong Marcos ang kaso ni Mary Jane kay Indonesian President Joko Widodo.
Hiniling ni Pangulong Marcos Jr. kay Widodo na bukod sa clemency, mabigyan ng extradition si Mary Jane para tapusin sa Pilipinas ang kanyang sentensiya.
Napirmahan ang kasunduan ng dalawang bansa sa pangunguna nina Indonesia's senior minister for law and human rights affairs Yusril Ihza Mahendra at Philippines' Justice Undersecretary Raul Vasquez noong December 6.
Ipagpapatuloy ni Mary Jane ang kanyang sentensiya sa bansa.
Read: Call to free OFW Mary Jane Veloso widens, rings loud via art
SCHEDULE FOR MARY JANE UPON ARRIVAL IN PH
Ulat ng Inquirer.net, sasailalim si Mary Jane sa protocol na five-day quarantine sa Correctional Institute for Women (CIW) pagdating niya sa Pilipinas.
Sa panahong ito, oobserbahan ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Mamamalagi siya sa Reception and Diagnostic Center na hindi lalampas ng 60 days, batay na Manual on Admission and Confinement of person deprived of liberty (PDL) ng Bureau of Corrections (BuCor).
Pagsapit ng December 24, Bisperas ng Pasko, matatapos ang kanyang quarantine. Papayagan din ang kanyang pamilya na mabisita siya.
Kasunod ng quarantine, isasailalim siya sa 55-day orientation, pag-evaluate sa kanyang kalusugan at seguridad, saad sa Inquirer.
Sinabi naman ni BuCor Director Gregorio Catapang na posible nilang papiliin si Mary Jane kung sa CIW Palawan o CIW Davao nito gustong ma-detain.
