Inaresto ng Northern Police District (NPD) si Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque dahil sa kasong rape, nitong Martes ng gabi, December 17, 2024.
Kinumpirma ni Police Colonel Satur Ediong, director ng Bulacan Police Provincial Office, ang pag-aresto sa alkalde at dalawa pang indibidwal.
Ayon kay Ediong, nakipag-ugnayan sa kanila ang NPD-District Special Operations Unit para sa pagsisilbi ng warrant of arrest kay Roque dahil sa kasong rape na inilabas ng Caloocan Regional Trial Court.
Base sa ulat ng dzBB ngayong Miyerkules, December 18, kasama ring inaresto si Pandi councilor JonJon Roxas at isang Roel Raymundo.
Maayos daw na sumama sa pulisya si Roque at dalawa pang akusado.
Nasa kustodiya na ng NPD ang tatlo.
"NO ONE IS ABOVE THE LAW"
Sa hiwalay na ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni Metro Manila police chief PBGen Anthony Aberin sa isang pahayag, “This operation is a strong reminder that no one is above the law.
"Our assurance is that NCRPO will pursue justice without fear or favor, ensuring accountability for everyone."
Ayon naman sa kampo ni Mayor Roque, ang mga alegasyon ay gawa-gawa lamang at “politically motivated.”
Naghain na raw sila ng motion to quash the arrest warrant and information.
Ayon sa dokumentong nakarating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inaprubahan ng korte ang pag-akyat sa husgado ng reklamong panggagahasa laban kina Roque noong May 2024.
No bail recommended ang kaso.
Bukod sa pagiging mayor, film producer din si Roque.
Ang kanyang pag-aaring CineKo Productions ang nag-produce ng mga pelikulang Family Matters (2022) at Family of Two (2023).
Read: Family Matters producer speaks out about MMFF 2022 snub
