Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang comedian-TV host na si John "Sweet" Lapus sa taping ng GMA-7 primetime series na Ako Si Kim Samsoon sa Canyon Woods, Alfonso, Batangas last Thursday, July 24. Pinansin namin na parang tumaba siya.
"True!" nakatawang sagot ni Sweet. "Kaloka nga dahil last February, nagpa-lipo ako, pero ngayon nag-gain na naman ako ng five pounds dahil lagi kaming sagana sa pagkain dito. Five times yata akong kumakain lalo na kapag inaabot ang taping namin ng 4 a.m.
"Madalas din kasing nagdadala ng niluto niyang pagkain si Regine [Velasquez] at noong isang beses naman, nagpadala ‘yong boyfriend ni Nadine Samonte ng lechon. Hay naku, hindi ka talaga makakaiwas kumain! ‘Yong puyat at pagod ko, dinadaan ko sa pagkain. Lately, sinasabayan ko si Ms. Carmi [Martin] sa pagkain dahil mapapahiya kang kumain ng marami kapag kasabay mo siya dahil konti-konti lang siya kumain. Kaya tingnan mo naman ang katawan niya, ang ganda-ganda pa rin."
HAPPY TO BE A KAPUSO. Biniro tuloy si Sweet kung saan ba mas masarap magtrabaho, sa GMA-7 o sa ABS-CBN. Siyempre pa ay ayaw niyang mag-comment.
"Ganito na lang, gusto ko ang ginagawa ng GMA Network na concern sila sa mga artista nila," paliwanag ni Sweet. "Like, dahil ang taping namin straight ng Wednesday, Thursday, and Saturday, hindi na kami bumababa ng Manila. May hotel na kami rito, na siyempre to our advantage dahil less gastos sa gasolina.
"Ako nga, kung mayroon akong commitment sa Manila at bababa ako after ng taping, umuubos ako ng three thousand pesos sa gasolina. Tipid din kami ng energy namin dahil hindi kami mapapagod sa pag-akyat at pagbaba ng Manila, kasi almost two hours din ang biyahe lalo na kung ma-traffic.
"Maganda rin ‘yong kahit one scene lang ang kukunan sa akin, same pa rin ang talent fee ko, plus pahinga pa ako. Kaya okey lang kung sa susunod na araw, mas marami naman akong eksenang gagawin. At ang isa pang maganda sa pagte-taping namin dito, hindi kami pinapawisan dahil malamig lagi ang panahon dito. Kahit umuulan, tuloy pa rin kami ng taping na ini-enjoy din namin, maliban na lang kung talagang buhos ang ulan, humihinto rin kami."
Happy ba siya sa Kapuso Network?
"Oo naman, and I'm very thankful. Sa ngayon, technically, inaayos ang new contract ko sa Showbiz Central," nakangiting wika ni Sweet. "Sa soap, per project ako at ang maganda pa, pinapayagan nila akong gumawa sa iba, like ‘yong weekend show namin simula sa November hanggang February 2009, na produced ng ASAP Live, ang Rock The Boat: SONA (Spoof of the Nation Address). Makakasama ko sina Jon Santos, Candy Pangilinan, Pooh, and Pokwang.
"Ngayon pa lang, I'm honored na ako ang ipadadala naman sa October, para sa launch ng GMA Pinoy TV sa Australia. Hindi ko pa lamang alam kung sinu-sino ang makakasama ko. Pero usually raw ay isang comedian, isang matinee idol at isang singer ang ipinadadala ng GMA Network. As much as possible, ayaw nga akong payagan ng Showbiz Central na wala ng Sunday, pero since sa GMA Network pa rin namin ‘yong GMA Pinoy TV, sila na bahala sa schedule."
ASKING TO BE PART OF A SHOW. May susunod na ba siyang project pagkatapos ng Ako Si Kim Samsoon?
"Wala pa akong alam, pero sana may kasunod agad ito. Hindi talaga ako nahiya sa mga kaibigan kong direktor dito na magsabi kung puwede akong isama sa kanilang soap. Nagsimula ito sa Zaido kay Direk Dominic Zapata. Sabi ko sa kanya, bata pa ako ay pinapanood ko na ang Shaider at kayang-kaya ko ‘yong role ng bading doon. Nag-sorry si Direk Dom sa akin dahil nalaman niyang nakausap na raw ng production si Paolo Ballesteros, na tinanggap ko naman na mas ‘maganda' siya sa akin. Kahit sa Dyesebel, hiningi ko sana ‘yong role ni Teri Onor, pero nakuha na pala nila si Teri kaya okey lang.
"Kaya natuwa ako nang sabihin nilang kasama ako sa Ako Si Kim Samsoon na si Direk Dom din ang magdidirek. Nang mapanood ko ‘yong original, na-touched ako nang malaman kong ‘yong role ko ay dati palang babae ang gumaganap pero ako ang pinili nilang gumanap. Plus, kasama ko pa ang best friend ko si Uge [Eugene Domingo] sa first soap din niya dito sa GMA-7, at si Songbird [Regine] na ilang pelikula na rin kami nagkasama. Naloloka lang kami kay Songbird dahil kinakausap naman niya kami lagi kapag kaeksena niya kami ni Uge, pero ‘pag nandoon na, hindi siya talaga makapigil tumawa.
"Ginagawa ko ito dahil gusto ko namang makabili ng sarili kong maliit na lote na patatayuan ko ng sarili kong maliit na bahay dahil ako lamang naman ang titira doon. Ang mommy [Mrs. Salud Lapus] ko naman ay may sarili nang bahay at lupa, kaya para sa akin naman ang iniisip ko ngayon. Somewhere pa rin in Quezon City kasi doon na ako nasanay tumira, kaya lang, wala pa akong makitang medyo mura-murang lote," pagbabahagi ni Sweet.
ADOPTING A CHILD. Wala ba siyang balak mag-adopt ng baby?
"Puwede," aniya. "Gusto ko kung mag-aampon ako, Caucasian siya, ‘yong blue eyes, para kapag tinanong siya kung sino ang tatay niya, sasabihin niya si John Lapus! Pero babae ang gusto kong ampunin, kasi ano ba ang ituturo ko kung lalaki ang aampunin ko? Mangyayari lang ‘yan kapag natapos ko nang pag-aralin ang lima kong pamangkin. Nakapagtapos na ‘yong isa ng college sa deaf and mute school at ‘yong iba, nasa high school pa sila."
Kung hindi ba siya nag-artista, ano kaya ang trabaho niya ngayon?
"Siguro sa isang restaurant or hotel, kasi tapos naman ako ng HRM, o di kaya sa isang art department. Kaya lang, napasok na ako sa teatro na sinimulan ko sa Teatro Tomasino, sa UST, kung saan ako nagtapos ng college, at ‘yon nagtuluy-tuloy na ang pag-aartista ko," pagtatapos ni Sweet.