Sa kabila ng tagumpay ng isinasagawang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), nabahiran ng intriga ang taunang Gabi ng Parangal na ginanap sa Solaire Resort and Casino sa Pasay, noong nakaraang December 27, 2024.
Bagamat walang gaanong reklamo sa mga itinanghal na nanalo, may ilang kumuwestiyon sa hindi pagkaka-nominate ng ilang personalidad sa ilang mahahalagang kategorya.
Read: Dennis Trillo, Judy Ann Santos lead MMFF 2024 Gabi ng Parangal
Kabilang na rito si Aga Muhlach, na inisnab ng mga hurado sa Best Actor category para sa kanyang pagganap sa Uninvited.
Hindi rin nominado sina Eugene Domingo at Gladys Reyes bilang Best Supporting Actress para sa And The Breadwinner Is...
Hindi rin pumasa sa panlasa ng mga hurado sa Best Director category sina Dan Villegas ng Uninvited at Jun Robles Lana ng And The Breadwinner Is...
Marami ang nagtatanong kung ano ang criteria para ma-nominate ang artista at direktor, at iba pang bahagi ng pelikula, sa isang kategorya lalo't hindi naman daw matatawaran ang husay na ipinakita ng mga nabanggit.
Read: Aga Muhlach, Uninvited, Eugene Domingo, Gladys Reyes: inisnab ng 50th MMFF?
MMFF CHAIRMAN ON GABI NG PARANGAL ISSUES
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay MMDA chairman at MMFF chairman Romando "Don" S. Artes pagkatapos ng Gabi ng Parangal ng MMFF 2024, hiningan siya ng reaksiyon patungkol dito.
Ayon kay Atty. Artes, wala siyang kinalaman sa naging desisyon ng mga hurado.
Saad niya, "Well, wala akong kontrol diyan, e.
"Mayroon tayong jurors na sila ang nagde-decide ng mga nominees, at ganun din kung sino ang nanalo.
"It's a collective decision ng board of jury na wala po kaming kontrol, so hindi ko alam.
"Hindi rin kami nagpa-participate sa deliberation so I really don't know what happened behind the decision and dun sa mga awards.
"So I really don't know. I can't answer it.
"Maybe you can address yung question na yan dun sa head ng jurors. Sila ang makakasagot."
Ang 13-member board of jurors ng MMFF 2024 ay binubuo nina Dr. Nicanor Tiongson, Direk Jose Javier Reyes, Sec. Amenah Pangandaman, John Arcilla, Direk Paolo Villaluna, Roy Iglesias, Jesse Ejercito, Lee Briones-Meily, Thomas Orbos, Atty. Cesar Ona Jr., Marinel Cruz, Racquel Wong, at Evylene Advincula.
Tinanong din ang MMDA chair kung may balak silang maglabas ng statement tungkol sa nangyari.
Tugon ni Atty. Artes, "Well, I don't know if they will issue an statement, pero it's up them.
"I don't have any idea what happened behind dun sa deliberation. I mean, naka-closed door yun.
"Ako naman, kahit isang participation, wala. Before lang nag-start, I said hi, the usual.
"And then I went out the room and then hindi ko na alam kung ano ang nangyari.
"I cannot really answer regarding nominations and awards."
Read: MMFF 2024 awards results stay, kahit maraming kuda at hanash
ISSUE OF NUMBER OF CINEMAS PER MMFF ENTRY
Sa Martes, January 7, 2025, nakatakdang magtapos ang MMFF 2024.
Pero hanggang ngayon ay may mga reklamo pa rin sa bilang ng mga sinehan na allotted kung saan mapapanood ang 10 official entries.
Kung may mga pelikulang nadagdagan ang mga sinehan, nabawasan naman ang iba.
Reaksiyon dito ni Atty. Artes, "Well, may playdate committee naman tayo so we review.
"Definitely naman after ng awards night, nagkakaroon ng changes diyan, yung mga dynamics. So we have to review it.
"Pero isa lang ang maga-guarantee ko, after a week siguro, yung mga kaunting sinehan ay dadagdagan.
"Depende yan sa demand ng particular na sinehan. Mayroon kasing sinehan na ito ang gusto na pelikula, yung iba ba naman hindi gaanong committed.
"We really have to start a balance dun sa demand ng mga sinehan."
Wala rin ba silang kontrol sa bilang ng mga sinehan na ipagkakaloob sa bawat entry?
Paglilinaw ng MMFF chairman, "Hindi naman, hindi naman sa walang kontrol.
"Sa mga sinehan na nasa Metro Manila ay kasama sa mga nira-raffle namin, ayun nasa absolute control namin.
"Kahit may nire-request ang sinehan, for example baka puwedeng i-pull out itong isang pelikula, palitan ng ganitong pelikula, yan ay inaaral ng ating playdate committee.
"Minsan nare-reject, minsan napagbibigyan. Depende sa request at kung reasonable at may basis."
Bali-balita ring ibabalik daw ang Summer Metro Manila Film Festival ngayong 2025 na dapat daw abangan ng mga manonood.
Sabi ni Chairman Artes tungkol dito, "Tatapusin lang namin ito [MMFF 2024] hanggang first week of January then we'll meet with the Execom.
"Titingnan namin kung ano ang mapagkakasunduan.
"Basta on our end, kung ano man po ang mapagdesisyunan ng executive committee para sa industriya ng pelikulang Pilipino, kami naman ay tutugon."
Read: MMFF 2024: Anu-anong pelikula ang mas marami ang sinehan?
