Nagpalipas ng gabi ang aktres na si Rufa Mae Quinto sa headquarters ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay dahil hindi natapos ang proseso ng pagpiyansa niya para sa kasong 14 counts of violation of Section 8 of the Securities Regulation Code.
Read: Rufa Mae Quinto returns to PH; voluntarily surrenders to NBI
Dawit si Rufa Mae sa kasong isinampa ng ilang investors sa Dermacare, isang beauty clinic na pag-aari ni Chanda Atienza.
Sa ulat ni Zyann Ambrosio ng ABS-CBN News, nagpaunlak si Rufa Mae ng panayam habang siya ay nasa loob ng kuwartong tinuluyan niya sa NBI.
Nakunan ng video si Rufa Mae habang ang abogado niyang si Atty. Mary Louise Reyes ay tinutulungan siyang magbihis.
Biniro ni Zyann si Rufa Mae na nagmistulang stylist ang legal counsel niya.
"Hindi naman. Kadarating ko lang kaya wala akong outfit," pabirong sagot ng aktres.
Pagkatapos ay kinumpira ng aktres na sa NBI office na siya natulog ng pitong oras.
Kaswal na pahayag ni Rufa Mae: "Okay naman. Naka-relax alo kasi nakatulog ako dahil wala pa akong tulog sa… Saan ba? Sa buhay."
Nakuha pa rin ni Rufa Mae na magpatawa sa kabila ng sitwasyon.
Pero aminado siyang hindi biro ang pinagdadaanan niya.
Napansin ni Zyann na may pasa si Rufa Mae sa baba at sa gawing leeg ng aktres.
Nang tanungin kung napaano ito, sagot ni Rufa Mae, "Na-pass out ako kasi nga nahilo ako. Parang na-stress. Na-high blood.
"Kasi tiningnan nila, e. Puwede pala mangyari yun kahit anemic ka, mag-high blood ka sa sobrang stress."
Saka nag-aya si Rufa Mae na lumabas ng kuwarto kung saan siya natulog.
Nakunan ng video ang labas ng kuwarto kung saan may NBI officer na tumatao sa opisina.
Tukoy ni Rufa Mae sa NBI officer, "Ayan, binantayan nila ako. Kumain kami."
Ayon sa Republic Act 8799 o Securities Regulation Code, ang "securities" ay tumutukoy sa "shares, participation or interests" sa isang korporasyon o commercial enterprise o profit-making venture.
May katibayan dapat itong "certificate, contract, instruments, whether written or electronic in character."
Sa Section 8 ng R.A. 8799, nakasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta o pag-offer ng sale o distribution ng securities nang walang registration statement mula sa Securities and Exchange Commission.
Lumalabas na hindi maaaring magbenta ng securities ang Dermacare.
Sa kaso ni Rufa Mae, una nang inihayag ng kanyang abogado na siya ay celebrity endorser lamang umano ng beauty clinic.
Hindi umano siya nanghingi ng pera mula sa mga nagdemanda sa kanyang 39 katao na nabiktima ng investment scam.
Read: Rufa Mae Quinto, kumpirmadong may warrant of arrest din
RUFA MAE QUINTO LAWYER CLAIMS ACTRESS IS "INNOCENT"
Sa hiwalay na ulat na inilathala ng ABS-CBN News Online, nakapanayam ang abogado ni Rufa Mae.
Nanindigan ang legal counsel ng aktres na "inosente" si Rufa Mae sa alegasyon sa kanya ng 39 complainants.
Sabi ni Atty. Reyes, "My client is a victim..."
May utang pa raw ang beauty clinic kay Rufa Mae dahil hindi pa raw ito nababayaran sa pag-endorso ng produkto ng kumpanya.
PHP126,000 ang piyansa bawat bilang ng kaso laban kay Rufa Mae, at umabot ito ng 14 bilang na may kabuuang halagang PHP1.7 million.
Ipinaliwanag din ni Atty. Reyes na napagsarhan sila ng business hours ng NBI kaya hindi natapos ang proseso ng piyansa ni Rufa Mae.
Read: Rufa Mae Quinto breaks silence on estafa case
RUFA MAE QUINTO's VOLUNTARY SURRENDER
Umaga ng January 8, Miyerkules, nang dumating si Rufa Mae sa bansa mula sa pananatili niya sa U.S.
Base ito sa ulat ni John Consulta ng GMA Integrated News.
Sa airport pa lang ay sinalubong na si Rufa Mae ng NBI officers, at boluntaryong sumuko ang aktres sa pulisya.
Ang abogada ni Rufa Mae ang nakipag-ugnayan sa NBI para sa boluntaryong pagsuko ng aktres.
