Matapos ang siyam na taon, balik-Kapuso ang award-winning actor na si John Arcilla.
Ngayong 2025, bahagi si John ng malaking cast ng Lolong: Bayani ng Bayan, ang action-serye ng GMA Public Affairs.
Huling napanood si John sa GMA-7 sa teleserye na Encantadia noong 2016, bago siya lumipat sa ABS-CBN para gawin ang FPJ's Ang Probinsyano (2017), Dirty Linen (2023), at Pamilya Sagrado (2024).

Sa grand mediacon ng Lolong: Bayani ng Bayan, ibinahagi ni John kung bakit niya tinanggap ang role ni Julio.
“Ako kasi usually, kahit gumagawa ako ng kontrabida, hinahanap ko yung part ng character na totoo at puwede mangyari sa isang tao."
Ang goal daw niya bilang aktor ay tumatak sa marami ang kanyang character.
“Ayoko gumawa ng kontrabida na caricature, na parang cartoons na walang pinanggalingan.
"Kaya ka naman kina-cast sa isang project usually is because of your last performance.
“Usually, tine-take into consideration yung dati mong ginawa and that is a challenge for us actors kasi gusto mong gumawa ng bago.”
Ginanap ang mediacon noong January 13, 2025, sa Quantum Skyview ng Gateway 2 mall sa Cubao, Quezon City.
john arcilla on his role as julio in lolong
Paglalarawan ni John sa kanyang karakter na Julio, isa itong misteryosong philanthropist na biglang dumayo sa bayan ng Tumahan.
Pero sa likod ng kanyang pagkakawanggawa ay may madilim itong pakay sa mga naninirahan doon, lalo na kay Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid.
"Yung position noong character ko ay manggugulo sa buhay ni Lolong.
“Ang pagka-demonyo dito noong character ko is mas doon pa sa ginagawa ko kaysa sa itsura ko.
“Yung complexity ng character ni Julio is believable, but, at the same time, logical."
Excited si John na bigyang-buhay ang bago niyang kontrabida karakter.
Lahad niya, "Exciting yun bilang isang aktor. Masaya kami na bawat bagong proyekto ay mag-e-experiment kami ng bagong character.
"Gusto kong lumikha ng ibang klaseng character. Although may hinihiling ang aming mga manunulat at ang aming direktor na ilang actuations, gusto mong haluan ng bago.
“Mas gusto kong gawing clean yung character ni Julio. Exciting dahil mukhang guguluhin ko talaga silang lahat."
Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na naging kontrabida si John kay Ruru.
Nagsabong na sila noon sa reboot ng Encantadia bilang sina Hagorn at Ybarro.
Ang mensahe nga ni John kay Ruru: “Humanda ka, Ruru Madrid, tayo naman magsasagupa!”
Reunion din daw ni John ang Lolong sa iba pang naging parte noon ng Encantadia tulad nina Rochelle Pangilinan, Rocco Nacino, Pancho Magno, Rodjun Cruz, Tanya Gomez, at Klea Pineda.
Ang iba pang teleserye na nagawa ni John sa Kapuso network ay That’s My Amboy (2016), Genesis (2013), My Beloved (2012), Machete (2011), Sana Ngayong Pasko (2009), at Sugo (2005).
Read: John Arcilla on Maris Racal-Anthony Jennings issue: “Move on na”
