Si Veronica "Kitty" Duterte ang nagsilbing tulay sa mga tagasuporta ng kanyang amang si former President Rodrigo Duterte matapos itong arestuhin.
Sa pamamagitan ng mga social media post, ibinabahagi ni Kitty ang mga nangyayari sa kanyang ama mula nang arestuhin ito sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Martes ng umaga, Marso 11, 2025, hanggang dalhin ito sa Villamor Airbase, Pasay City, bago inilipad papunta sa The Hague, Netherlands.
Si Kitty ay anak ni Duterte sa kanyang common-law wife na si Honeylet Avanceña.
Read: Former President Rodrigo Duterte arrested on ICC warrant over drug killings
Buhat nang dakpin ang kanyang ama, trending si Kitty sa social media dahil sa pagiging palaban niya — tulad ng pagmumura at matalim na mata sa mata na pagtitig niya kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Nicolas Torre III na nanguna sa pag-aresto sa dating Pangulo.
Naranasan ni Torre na makatikim na mura mula kay Kitty sa mismong ika-55 taong kaarawan ng heneral noong Marso 11.
KITTY DUTERTE'S INSTAGRAM STORIES
Narito ang sunud-sunod na posts ni Kitty sa kanyang Instagram Stories:










Sa huling Instagram story post ni Kitty ngayong Miyerkules, ibinahagi niya ang screenshot o larawan ng komunikasyon nila ng kanyang ama sa pamamagitan ng video call.
Caption ni Kity, “a flight lasting more than 8 hours but left with just a sandwich to eat???"

Ilang oras matapos umalis ng Pilipinas si Duterte, nagbitaw si Kitty ng pangako sa kanyang ama sa pamamagitan pa rin ng social media post na may larawan nila noong paslit na bata pa siya.
Ani Kitty: “I will forever walk with pride knowing that I am your daughter, your blood.
"I am Duterte. The strength you raised me with will go untamed.
"I will stand by the promise I made you today. I love you Dada."
Read: Kitty Duterte, 19, gets candid about experience with rhinoplasty, jawtox, lip fillers
FORMER PRESIDENT DUTERTE NOW ON HIS WAY TO THE HAGUE
Pasado alas-onse ng gabi nang lumipad mula sa Villamor Air Base sa Pasay City noong Martes, Marso 11, ang chartered Gulfstream G550 jet na may numerong RPC5219.
Ito ang magdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Dadalhin si Duterte sa The Hague para sa paglilitis na gagawin ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mabigat na paratang sa kanyang krimen laban sa sangkatauhan na bunga ng kampanya niya laban sa ilegal na droga.
Ngayong Miyerkules, Marso 12, 8:03 A.M., lumapag sa Al Maktoum International Airport sa Dubai, UAE ang eroplanong sinasakyan ni Duterte para sa refueling, makalipas ang siyam na oras na biyahe mula sa Pilipinas.
Mula sa international airport ng Dubai at pagkatapos ng paglalagay ng gasolina sa eroplano, ililipad si Duterte sa Rotterdam The Hague Airport, Rotterdam, Netherlands.
Halos pitong oras ang biyahe sa eroplano mula sa Dubai patungo sa Rotterdam, isang malaking siyudad sa timog kanluran ng Netherlands.
Labimpitong milya lamang ang layo ng Rotterdam sa The Hague, ang seat ng Dutch government at kinaroroonan ng ICC na pagdadalhan at uusig kay Duterte.
Kasama ng dating pangulo sa biyahe nito sa The Hague ang kanyang personal nurse, executive assistant, at si former Executive Secretary Salvador Medialdea.
Read: FULL COPY: ICC Warrant of Arrest for Mr. Rodrigo Roa Duterte

WHY iCC ARRESTED DUTERTE
Iniimbestigahan ng ICC si Duterte dahil sa krimen umano nito laban sa sangkatauhan na ginawa niya habang siya ang nakaupo bilang Pangulo ng Pilipinas mula Hunyo 2016 hanggang Hunyo 22, 2022.
Binansagang EJKs—o ExtraJudicial Killings—ang mga pagkakapatay sa mga taong may involvement umano sa drug trade.
Ayon sa pna.gov.ph ng March 30, 2022, ang EJK figures ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay: "6,229 ang namatay sa isinagawang 226,662 anti-drug operations simula noong July 2016 hanggang January 31, 2022."
Ayon naman sa CHR (Commission on Human Rights) report ng November 2, 2021, ire-review nito ang "5,655 cases of anti-drug operations where deaths occurred including those being handled by the Administrative Order No. 35 Inter-agency Committee on Extra-Legal Series, Enforced Disappearances, Torture, and Other Grave Violations to Life, Liberty and Security of Persons."
Ang ICC ay itinatag noong 2002 sa The Hague, Netherlands, upang magsilbi bilang hukuman at huling paraan para sa mga malalala o matitinding pagkakasala, kabilang ang pagpatay sa lahi, mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at agresyon.
Nakikialam ang ICC sa mga usapin o krimen na hindi kaya o ayaw usigin ng mga hukumang pambansa.
Read: Pangulong Duterte nag-eempake na; hanggang March na lang sa Malakanyang