Sa isang lagoon sa Dinagat Islands, ang mga pating ay hindi tinatakbuhan kundi nilalapitan.
Pinapakain pa nga sila ng mga residente roon.
Ang Tambongon Lagoon sa Imelda, Tubajon, ay natural nursery para sa mga batang blacktip reef sharks o Carcharhinus melanopterus.
Isa rin itong protected fish sanctuary.
Isa ang residenteng si Jose Pontrivida sa mga bantay.
Siya ang nagpapakain sa mga “baby sharks" sa pamamagitan ng paghahagis ng mga dilis sa pampang ng lagoon.
Taong 2016 nang mapansin ng mga residente ang mga batang pating sa mangroves o bakawan, ulat ng Born To Be Wild, nitong March 2, 2024.
Sa mga underwater videos, makikitang nakikipag-agawan ang mga baby sharks sa iba pang isda para sa mga dilis.
Binanggit sa report na pagkapanganak sa mga batang pating, iniiwan na sila ng kanilang mga nanay.

Read: Meet King Kong: World's tallest living water buffalo
BABY SHARKS' SANCTUARY
Itinuturing ng mga taga-Tubajon na biyaya ang pagdating ng mga batang pating dahil mas dumami raw ang mga isda sa lagoon.
“Mas mabuti na po ngayon. Hindi katulad dati wala kang makikitang isda dito," ani Jose.
“Simula nang binibigyan na namin ng pagkain, hindi na sila lumalabas papuntang laot. Dito na rin sila dumadami sa loob ng sanctuary.”
Kitang-kita ang mga batang pating sa mababang bahagi ng lagoon. Magkakasama sila sa mababang parte ng tubig para maghanap ng pagkain.
Sa kabilang bahagi naman ng lagoon, naroroon ang mas mature na mga pating. Doon sila nagpaparami.
Pagkatapos kumain, lalangoy uli ang mga ito sa mas malalim na bahagi ng lagoon.
Hindi pinapakain ng mga residente ang mga mas malalaking pating na ito.

PERFECT LIVING HABITAT FOR BABY SHARKS
Perfect habitat na maituturing ang lagoon para sa mga pating at iba pang marine life.
“Makikita naman natin sa lugar na napapalibutan siya ng mangroves, so yung mga juvenile sharks, they serve as their nursery ground or haven,” sabi ng marine biologist na si Russel Nikko Bonus, technical staff member ng Department of Environment and Natural Resources-Provincial Environment and Natural Resources Office.
Pero paalala ni Russel, hindi nila ipinapayo ang pagpapakain sa mga baby sharks.
Paliwanag niya, “Kahit anong wildlife naman talaga hindi puwedeng feeding, galing sa tao.
“Posibleng ma-change ang behavior nila sa pag-hunt ng food o masanay sila sa food na galing sa tao.”
Pahayag naman ni Bernardo Vargas, barangay captain ng Imelda Tubajon, “Yung mga pating, huwag nating hamakin sila kasi mga kaibigan natin iyan, at may buhay din sila na dapat natin iparamdam ang pagmamahal natin."
Pero handa raw silang sumunod kung ipag-uutos ng regional DENR at local government unit na huwag pakainin ang mga batang pating.
Pinaplano rin ng mga residente na patuloy na pangalagaan ang sanctuary at idagdag sa listahan ng mga tourist spots ang kanilang lugar.
