Nakatakdang humarap sa unang pagkakataon si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ngayong Biyernes, March 14, 2025, 2 P.M., sa The Hague, Netherlands (March 14, 9 P.M., sa Pilipinas).
Sa initial appearance hearing, ibeberipika ng mga hurado ang pagkakakilanlan ni Duterte at ang lengguwaheng nais niyang gamitin upang masundan ang proceedings.
Ipapaalam kay Duterte ang mga sakdal laban sa kanya at ang karapatan niya sa ilalim ng ICC Rome Statute, na nagtatalaga sa jurisdiction ng ICC sa genocide, crimes against humanity, war crimes, at crime of aggression.
Read: Ex-President Rodrigo Duterte now detained at The Hague prison
DUTERTE ACCUSED OF CRIME AGAINST HUMANITY
Si Duterte ay pinararatangan ng murder na itinuturing na krimen laban sa sangkatauhan, na ginawa umano niya sa Pilipinas mula November 1, 2011 hanggang March 16, 2019.
Sa panahong iyon, si Duterte ay naging Presidente ng Pilipinas, mayor ng Davao City, at pinaghihinalaang lider ng Davao Death Squad.
Ang Davao Death Squad ay sinasabing nagsagawa ng walang-awang pagpatay sa street children at mga suspek sa iba't ibang krimen, partikular na ang pagbebenta ng ilegal na droga.
Ang Pre-Trial Chamber I ay binubuo ng tatlong babaeng hurado: sina Judge Iulia Antoanella Motoc (presiding judge) mula sa Romania, Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa Benin, at Judge María del Socorro Flores Liera mula sa Mexico.
Read: FULL COPY: ICC Warrant of Arrest for Mr. Rodrigo Roa Duterte

Inaresto ng mga awtoridad sa Pilipinas si Duterte alinsunod sa arrest warrant na inisyu ng Pre-Trial Chamber I ng ICC noong March 7, 2025.
Isinurender siya sa kustodiya ng ICC noong March 12, 2025.
Read: Former President Rodrigo Duterte arrested on ICC warrant
