Kakaiba ang pangalan ng bagong alternative rock band na Five Fingers, lalo pa at apat lamang silang miyembro.
Ang Five Fingers ay binubuo nina Paul Anthony Acuin (lead guitarist), Josh Christian “JC” Vicente (bassist), Lance Kerwin Fajardo (drummer), at Jack Medina (lead vocalist).
Ano ba ang simbolismo ng Five Fingers at iyon ang pangalan nila?
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa banda, sinagot ito ng bassist na si JC.
Aniya, “Originally po, nag-start po kami as a reggae band.
"Since reggae po kami, gusto namin mag-connect yung band namin sa nature.
“Then nung nag-practice po kami, ang na-realize po namin, na hindi lang kami nalilimitahan sa reggae. Sa ibang genre rin po yung puwede naming matugtog, hindi lang po sa reggae.”
Dugtong naman ni Jack, “At saka dahil siguro yung mga plants sa Pilipinas talaga na may five na leaves is nagsi-symbolize po talaga ng nature. So parang Five Fingers po talaga yung naisip naming concept.”
finding success as a group
Si Lance ang maituturing na pinaka-kuya sa grupo.
Ano ang advice niya sa tatlo niyang co-members, lalo pa nga at maituturing na baguhan sila sa music industry?
Lahad ni Lance, “Sa akin naman po, yung suggestion ko po sa kanila na every day, practice po.
"'Tapos mag-usap-usap kung ano yung dapat naming gawin sa mga songs, mga dapat naming baguhin or ayusin, iyon po.
“And every day, practice and review-review din po ng mga songs.”
Samantala, natanong naman si JC kung hindi ba niya naisip na mag-artista, dahil sa grupo ay siya ang maituturing na mukhang artistahin.
“Passion ko po talaga yung pagtugtog, kaya ito po yung pinursue ko,” pakli ni JC.
So hindi niya papasukin ang showbiz nang solo?
“May chance po,” at tumawa si JC.
Pero kapag nangyari iyon ay hindi pa rin daw iiwan ni JC ang Five Fingers.
Pinakasikat na P-pop group ngayon ang SB19, at di maiiwasang makumpara sila dito.
Ano naman ang maio-offer ng Five Fingers sa fans at music lovers?
Sagot ni Jack, “Siguro po yung pagmamahal sa paggawa namin ng mga kanta na ipapahayag namin sa kanila din po.
“At saka yun din po, siguro yung pagmamahal din po sa mga fans na mabibigay din namin, katulad nga din po ng SB19.
“And siguro mga makabagong genre po ng mga music na ipapalabas po namin, mga future po naming gagawin.”
five fingers on debut single "lakas mo"
Bukod sa pag-awit ay gumagawa o sumusulat din ang Five Fingers ng sarili nilang mga kanta.
“Yes po,” bulalas ni Paul. “Actually po, we play it as a group po. Pino-form po namin yung mga kanta namin as a group para mas maganda po yung kalabasan.”
Debut single nila ang kantang “Lakas Mo” na maaaring ang interpretasyon ay tila, "Ang lakas ng dating mo!"
Sa kanilang apat, kung may female celebrity na kakantahan nila ng “Lakas Mo,” sino iyon at bakit?
Ani Lance, “Tulad po ni Rosanna Roces, kasi po kahit sobrang dami ng naging issues niya sa showbiz, tuloy pa rin po siya sa pagiging artista or paglabas sa TV.
“Sa sobrang dami po ng problema na dumating sa kanya, sa family niya, tuluy-tuloy pa rin po siya. So kay Rosanna Roces ko po ide-dedicate yung song po.”
Na-meet na ba ni Lance nang personal si Osang.
“Yes po, kaso matagal na po yata.”
Sagot naman ni JC, “Sa akin po si KZ Tandingan, since malawak po yung range ng boses niya, and yung style ng boses niya po is kahit saan, bagay po yung style ng pagkanta niya.”
Lahad naman ni Jack, “Sa akin naman po si Moira [dela Torre] po.
"Kahit hindi masyadong ganun kaano yung boses niya, parang malakas yung ano, I mean, yung dating ng boses niya, ang lakas. Ang lakas ng dating niya dun, parang dinadala talaga sa… ang lakas niya talaga.”
Kakaiba naman ang sagot ni Paul.
“Sa akin po siguro po yung sa MMK po, si Ms. Charo Santos.
"We want to play 'Lakas Mo' kasi yung mga segment niya very inspirational po yung MMK, nakakapag-boost ng inspiration sa mga nanonood.”
Iyon lamang, wala na sa ere ang MMK o Maalaala Mo Kaya pero may balitang magbabalik ito sa telebisyon ngayong taong ito.
Kung sa lalaki naman nila iaalay ang “Lakas Mo”?
Sagot ni Paul, “Ako si Boss Coco Martin po. Sobrang bagay po kasi nung kanta namin sa mga palabas niya at saka sa mga dinidirek niyang movie po.”
Lahad naman ni Jack, “Sa akin naman po siguro sa ngayon, si Maki po.
"Dahil sobrang big siya sa industry ngayon, masasabi ko sobrang lakas ng dating niya. Parang gusto kong ialay sa kanya yung kantang yun dahil sobrang lakas… ang galing niya.”
“Sa akin po si JK,” sagot ni JC patungkol kay Juan Karlos, “Since bagay po sa style ng boses niya yung 'Lakas Mo.'”
Ani Lance, “Sa akin naman po si… kasi idol ko, si Jimmy Bondoc po. Medyo talagang ano po siya, hindi lang po siya songwriter, singer, arranger, yun po.
“Sa kanya ko gustong ipaano yung kanta po namin.”
Ang Five Fingers ay mina-manage ni Roly Halagao at ng DNA, ang bagong record label sa ilalim ng Star Music.
Binuo ni Roly, na isa ring casting director, ang Five Fingers noong 2023.
Nakilala ni Roly si Jack sa isang casting event. Dahil na-impress siya sa boses ni Jack, sinabihan niya itong bumuo ng banda, na ngayon nga ay ang Five Fingers.
