Sa kabila ng lahat ng pinagkakaabalahan ni Elijah Canlas ay hindi niya nakakalimutan ang kanyang pumanaw na nakababatang kapatid na si JM Canlas.
Pumanaw si JM noong August 2023.
Read: Elijah Canlas honors late brother at Olivia Rodrigo concert
Pahayag ni Elijah, lagi pa ring iniisip ng kanyang pamilya si JM. Ipinagdiwang pa nila ang birthday ni JM noong March 4.
“Noong birthday niya, sinalubong namin with cake. Tapos pagka-strike ng 12 [midnight], walang nangyari, umiiyak lang kaming lahat.
"Iyak lang, pero I think it’s nice. It’s better that way na we get to express ourselves, our grief, and we have each other,” kuwento ni Elijah.
Humarap si Elijah sa entertainment press noong March 20, 2025, sa Basta Cafe sa Quezon City.
Inalala rin ng young actor na naglaro sila ni JM ng badminton noong huling kaarawan nito.
“I remember, tinalo niya ko, parang two points lang yata na-score ko. Sobrang galing niya kasi maglaro.
"Tapos, nag-enjoy lang kami, sinalubong namin yung birthday niya very humbly.
"Naglalaro lang kami ng badminton dalawa, tapos pag-uwi namin, nag-blow ng cake tapos pahinga na.”
Bilang tribute kay JM ay itutuloy ni Elijah ang pangalawang JM Canlas Badminton Cup ngayong taon.
Una, paborito ni JM ang naturang sport at varsity player pa siya noon.
Pangalawa, beneficiary ng event ang KULIT, ang charity organization na itinatag ni Elijah para tumulong sa nakararanas ng problema sa mental health.

Ang kapatid ni Elijah na si JM ay dumanas ng mental health issue hanggang sa biglaang pumanaw ito dahil sa suicide.
“We established this KULIT Organization that aims to help adolescents with their mental health, people na wala talagang chance to learn more about it.
"We aim to educate a lot of people about mental health, not just the adolescents but even their parents,” saad ni Elijah.
Sa March 29 at 30 gaganapin ang 2nd JM Canlas Badminton Cup sa Don Antonio Sports Center sa Quezon City.
Excited na si Elijah para sa event na ito, lalo na’t may mga artistang nag-commit na makikipaglaro ng badminton sa fans.
Noong 2024, si Piolo Pascual ang nakipaglaro sa mga sumali sa badminton cup.
Ngayong 2025, may mga sasaling Kapamilya stars at mga celebrity na galing sa Cornerstone Entertainment, ang talent management company na kinabibilangan ni Elijah.
Official partner din ang Cornerstone Events sa 2nd JM Canlas Badminton Cup.
"This badminton cup is to raise funds to help more people, and to have fun. Kasi sports is also therapy in a way, and makakatulong yun sa mental health," pahayag pa ni Elijah.

ELIJAH CANLAS ON SUNSHINE
Samantala, arangkada si Elijah pagdating sa trabaho niya sa pelikula, entablado, telebisyon, at music.
Una, ramdam pa ni Elijah ang tagumpay ng pelikulang Sunshine, na pinagbidahan ni Maris Racal. Tungkol ito sa isang babaeng gymnast na nagbabalak na ipa-abort ang kanyang pagbubuntis.
Nanalo ang indie film na ito ng Crystal Bear award sa 75th Berlin International Film Festival noong nakaraang buwan.
Lumipad noon si Elijah papuntang Berlin sa Germany para suportahan at panoorin ang Sunshine. Kasama niya si Maris at ang direktor ng pelikula na si Antoinette Jadaone.
Bukod sa rave reviews na nakuha ng pelikula ay sold out din ang dinaluhan nilang screening.
"I’m very proud to be a part of a film like that na gawa ng isang female filmmaker and pinangungunahan ng mostly a female cast, and telling a very very important story, a timely story.
"And bilang isang lalaki, bilang isang artista na maging parte lang ng isang pelikulang ganun, malaking bagay na siya sa akin," kuwento ni Elijah.
Marami na ang excited na mapanood ang Sunshine, ngunit wala pang na-announce na screening date nito sa Pilipinas.
Ayon sa award-winning actor, ang balak ay umikot muna ang Sunshine sa mga international film festivals para lumakas ang hype nito.
"Kasi matapang yung pelikula, and yung kuwento na tina-tackle niya.
"Sana mabigyan kami ng tamang platform, at tamang mga distributors na magtiwala sa pelikula. And sana hindi rin harangin ng censorship board sa Pilipinas.”
May posibilidad na hindi ito maipalabas sa Pilipinas dahil sa sensitibong kuwento nito?
“I would say so, may chance, may chance," sagot ni Elijah.
"But we’re hoping that they keep an open mind, and take it as it is, which is a film that is telling a real story that a lot of girls go through," pahayag ng 24-year-old actor.
Read: Elijah Canlas on Xyriel Manabat: "Close rin ako sa dyowa niya."
UPCOMING PROJECTS
Bukod sa Sunshine ay marami pang pelikula na naka-line up for Elijah.
Tinatapos niya ngayon ang shooting ng EdJop: The Movie, ang biopic ni Edgar Jopson, na isang kilalang aktibista noong panahon ng martial law.
Si Elijah ang gumaganap sa naturang aktibista. Kasama rin sa cast sina Jodi Sta. Maria at si Cedric Juan.
Read: Elijah Canlas "dream come true" to play Edgar Jopson in biopic
Sa Salvageland naman, gaganap si Elijah bilang isang batang pulis, na may tatay na beterano na sa parehong larangan. Si Richard Gomez ang aarte na tatay ni Elijah sa pelikula na magsisimulang mag-shoot sa dulo ng taong ito.
May pelikula rin si Elijah na may titulong Jaguar, pero wala pa itong detalye.
Balik-entablado rin ang Kapamilya actor para sa stage adaptation ng Cinemalaya film na Dagitab. Sa June na raw ito magbubukas, at kasama sa cast sina Jojit Lorenzo, Agot Isidro, Gio Gahol, at Sam Samarita.
May surprise project din si Elijah para sa telebisyon, na dapat abangan ng fans.
“This one’s exciting, pero hindi ko pa alam kung puwede ko nang sabihin kasi.
"Merong parating na TV, it’s this iconic show. Yun lang ang masasabi ko,” ang patikim ng Gameboys actor.
ELIJAH CANLAS TO RELEASE ep album
Bukod sa pag-arte ay busy rin si Elijah sa larangan ng music, at malapit nang lumabas ang kanyang unang EP na iprinodyus ng Island Records.
Hiphop ang genre ng music ni Elijah.
"Fan lang ako ng hiphop music in general. Tapos growing up, mahilig ako manood ng gigs, ng Filipino rappers.
"Sinusundan ko rin yung mga international rappers na hilig kong pakinggan," kuwento niya.
Mahilig din siyang magsulat ng tula.
Aniya, "E, rap is poetry. So nata-transpose ko siya into music."
Sa ngayon, maririnig na sa mga streaming platforms ang ilan sa mga kanta ni Elijah.
Kasama rito ang rap song na "Kilala Kita," na may two million streams na sa Spotify.
Isa rin sa mga kanya niya ang "Loved Song," na sinulat niya bilang monthsary gift para sa girlfriend na si Miles Ocampo, three years ago.
Ano ang reaksyon ni Miles noon nang marinig niya ang "Loved Song?"
“Speechless, hindi kasi siya expressive sa mga ganung bagay, but I think kinilig naman siya sana, pagtatapos ni Elijah.
Read: Elijah Canlas reveals relationship status with Miles Ocampo