Umalma ang mga namamahala sa isang maliit na coffee shop sa Taytay, Rizal dahil sa hindi umano patas na reviews na inilabas ng mga miyembro ng isang Christian group na nag-meeting sa kanilang café.
Nag-iwan ang grupo ng sunud-sunod na bad reviews sa The Fifth café gaya ng “bad customer service” at “not recommended.”
Karamihan sa mga komento ng members, iginiit na maayos daw silang nagbayad na umabot daw sa PHP4,000, pero pangit ang serbisyo at may attitude pa raw ang staff.
Bukod sa magaspang daw na trato mula sa staff, hindi umano na-serve ang lahat ng orders nila at pinaalis sila.
Narito ang ilan sa screenshots ng kanilang reviews:


Pero lahat ng ito ay kinontra ng establishment sa inilabas nilang statement.
Read: Russian vlogger arrested, detained for disruptive behavior in BGC
COFFEE SHOP DENIES accusations
Nitong March 30, 2025, nag-post sa Facebook ang The Fifth coffee shop para sagutin ang mga akusasyon at kritisismo ng grupo.
Kalakip dito ang kanilang official statement, gayundin ang screenshots ng mga pagpuna mula sa Christian group.
Diin ng The Fifth: “We’ve always treated all out customers equally, and we’ve always been thankful to everyone who has come to visit us.”
Bilang isang maliit na establishment, mas naging maayos daw sana kung tumawag muna ang grupo at nagpa-reserve.
Ayon pa sa The Fifth, naging maunawain sila at hinayaan nila ang grupo na masolo ang café para sa kanilang “meeting” na tumagal ng higit apat na oras kahit walang reservation.
Sa ganitong pagkakataon daw, ang isang requirement nila ay magpa-reserve muna para mapaghandaan ng staff.
Tinanggihan na raw nila ang iba pang walk-in customers upang ma-accommodate ang grupong may 20 members. Lampas daw ito sa maximum capacity ng café na 18 katao.
“We could have made better arrangements if you had messaged us prior to coming especially given that you are a big group, and held a meeting in a place that was supposed to be for people to dine,” saad sa statement.
Ipinakita pa raw ng establishment sa grupo ang CCTV para patunayang lahat ng kanilang in-order ay nai-serve.
“We never asked you to leave. We treat customers with utmost respect,” sabi pa ng The Fifth.
Matapos daw mag-stay ng apat ng oras ang grupo, normal lang daw na itanong ng management kung hanggang anong oras nila balak manatili.
Sinabi rin sa pahayag na noong una ay dalawa o tatlong miyembro lang ang pumasok, pero kalaunan ay sunud-sunod na ang pagdating ng iba pa nilang kasamahan.
Inalmahan ng café ang inilabas na bad reviews ng mga miyembro.
Sabi nila: “There are always two sides to a story. It’s truly heartbreaking that small businesses like us have to suffer the consequences of one-sided reviews…”
Bukas din daw ang management sa constructive criticisms.
Makahulugang caption ng The Fifth sa kanilang post (published as is): “it costs nothing to be kind.”
Narito ang kabuuan ng statement na inilabas ng The Fifth:

Ayon naman sa ulat ng News5, dati na raw itong ginawa ng grupo sa isa ring maliit na coffee shop.
Naka-deactivate na ngayon ang FB page ng Christian group, pero naglabas sila ng pahayag para humingi ng paumanhin sa The Fifth at sa community dahil sa “unintended distress caused by our recent actions.”
Magrerenta na law daw sila ng lugar sa susunod nilang meeting.
Read: Why Meghan Markle’s one-pan tomato pasta is controversial
