Napahagulgol ng iyak si Buboy Villar dahil sa labis na sama ng loob na nararamdaman bunga ng mga masasakit na alegasyon laban sa kanya ng dating karelasyon na si Angillyn Gorens.
Sinagot ng Kapuso comedian ang mga mabibigat na paratang laban sa kanya sa panayam ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes ng hapon, Abril 4, 2025.
Read: Angillyn Gorens speaks up about Buboy Villar's new partner, baby
Kasama ni Buboy sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda ang kanyang kasalukuyang live-in partner na si Isay Sampiano, ngunit tanging ang aktor ang humarap sa kamera.
Dinamayan ni Isay si Buboy habang umiiyak ito during commercial break.
Napaiyak si Buboy matapos sagutin ang mga isyung isinusumbat sa kanya ni Angillyn.

BUBOY REVEALS ANGILLYN'S NEW child
Isiniwalat ni Buboy sa publiko ang pagkakaroon ng anak ni Angillyn sa ibang lalaki bago pa siya nakipagrelasyon kay Isay.
Read: Buboy, kinumpirmang may anak na si Angillyn sa bagong karelasyon
Lahad ni Buboy: “I promise, I swear to God, nirerespeto ko po siya [Angillyn].
"Simula nga po noong nagkaanak din siya sa bago niya, hindi naman po ako nagsalita...
“Bago po ako nagkaanak, nag-anak na rin po siya dun po sa Amerika. Hindi po ako nagalit.
“Actually, ako po yung nag-reach out, ‘Sino ito?’ Nakita ko sa isang [Instagram] Story account niya.
“Hindi po ako nagalit para pakialaman ko po ang buhay niya.
"Meaning, mine-make sure ko lang po kasi para alam ko rin po kapag nagtanong sa akin yung mga anak ko, alam ko yung sasabihin.
"Hindi yung parang, 'Ah, talaga? Bago sa akin yun.'"
Ano ang reaksiyon ni Angillyn nang tanungin niya ito tungkol sa bagong karelasyon at anak?
Kuwento ni Buboy: “Ito po ang nangyari. Nang sinabi ko na 'Sino ito?' Sabi niya, boyfriend niya daw.
“Sabi ko,, 'Okay. sabi ko lang sa yo ha, ingat ka. Mag-ingat ka palagi. Kahit anuman ang mangyari, nandito ako para sa yo. Puwede mo akong ituring na kaibigan.’
“Kasi gusto ko pa rin na kahit hiwalay kami, nakasuporta pa rin po ako sa kanya. Hindi man financial support, emotionally."
Diin pa niya: “Hindi po ako nagselos. Hindi ako nagalit kasi wala na po akong karapatan na magalit.
"Kasi, 'Sige, na-in love ka pero mine-make sure ko lang na gusto ko mag-ingat ka palagi. Tingnan mo palagi ang sarili mo.'"
Pag-uusisa ni Boy kay Buboy: “Meron ba sa inyong dalawa na nagsabi sa inyong mga anak na meron na silang bagong kapatid? Meron nang boyfriend, tulad ng kini-claim mo, si Angillyn?”
“Yan po, hindi ko na naitanong. Feeling ko naman po, alam nila,” reaksiyon ni Buboy.
Ang edad ng dalawang anak nina Buboy at Angillyn ay 7 at 5.
Pagpapatuloy ni Buboy, “Basta ang sa akin, mine-make sure ko lang po kung ano yung side ko.”
Read: Kapatid ni Angillyn Gorens, tinalakan si Buboy Villar at bagong partner nito
ON PHYSICAL ABUSE ALLEGATION
Kasunod na inusisa ni Boy kay Buboy ang alegasyong sinasaktan umano niya si Angillyn noong buntis ito.
Muli itong mariing pinabulaanan ni Buboy.
Saad niya: “Pananakal, panununtok, hindi ko kayang gawin yun. Hindi ko po magagawa sa kanya yun.
"Nagpapadede siya ng anak namin, nakikita ko yun, sasakalin ko?
“Meron pang nabasa ko na tinutukan ko daw po siya ng kutsilyo. Sa pagtutok ng kutsilyo, pananakit, nakita ko yung mga pasa sa screenshot..."
Nag-aalangang pagpapatuloy ni Buboy: “Ang hirap nito para sabihin in public, hindi ko masabi ito sa public, alang-alang din po sa mga anak ko, which is alam ko na alam din ni Angillyn kung ano ang pinagdadaanan niya.
“At alam niya kung saan galing talaga yung pasa na yon, at hindi po galing sa akin yun.
"Ni kahit kailan, hindi po pumasok sa isipan ko na ilagay ang aking mga kamay sa kanya para saktan siya. Hindi ko po gagawin yun.
“Napakalabo, mahal na mahal ko po yung mga anak ko at may respeto ako sa kanya."
Diin ni Buboy, "Minahal ko po siya. Hindi ko pa gagawin sa kanya yon."
Read: Angillyn Gorens claims she was physically abused by Buboy Villar
Mariin ding pinabulaanan ni Buboy ang isyung nagkaroon siya ng sexual relationship sa ibang mga babae habang nagsasama pa sila noon ni Angillyn.
“Never. Never!” todong pagtanggi ni Buboy.
“Thank God po dahil binibigyan Niya ako lagi ng kaliwanagan ng kaisipan na, 'Kapag ginawa mo yan, merong balik yan. Merong mangyayari na hindi rin maganda para sa yo.'
"Yun po ang ikinatatakot ko.”
ON ALLEGEDLY USING THEIR CHILDREN FOR HIS VLOGS
Sinagot din ni Buboy ang paratang ng panggagamit sa kanilang mga menor de edad na anak bilang vlog content para pagkakitaan.
Paliwanag ng Kapuso comedian: “Ang vlogging ko po, hindi naman po yan for money. Bonus na lang po yan kung kikita man ang video or not.
“Pero malinaw po para sa akin bakit ko ginagawa ito, kasi meron po akong album, sarili ko, na pagdating ng araw, kapag tumanda po ako, meron akong papanoorin.
“Hindi lang ako, pati po yung mga anak ko. Yung mga bonding [moments] namin, makikita ng mga anak ko.”

BUBOY VILLAR ADMITS HE'S ANGRY
Inamin ni Buboy ang nararamdamang galit dahil sa mga nangyayari ngayon sa pagitan nila ni Angillyn.
Pahayag niya: “To be honest, ayoko naman pong maging ipokrito.
"Galit din po ako, naiinis, pero mas pinipili ko na lang na umunawa.
“Lagi po akong nagpe-pray kasi ayoko po ito. Ayoko po ng feeling na ito."
Sa huling bahagi ng panayam ay hiningan ni Boy ng mensahe si Buboy para kay Angillyn.
Aniya: “Sana mag-heal siya. Mag-heal siya para sa dalawa naming anak lalo na’t may bago rin siyang anak na bata pa rin... Meron din akong anak.
“Sana mag-heal ka at, sana, makahanap ka ng tao o mga tao na nakapaligid sa yo na sana, ipinagpe-pray ko din na sana tama ang lahat ng mga tao na nakapaligid sa yo.
“At sana bigyan ka Niya ng kaliwanagan [ng] kaisipan at pagmamahal, hindi para sa akin. Pagmamahal para sa mga anak natin.
"Kasi from the start, okay naman tayo, e. Kaya naman pag-usapan.
“May times na binlock kita kasi yung masasakit na salita na natatanggap, which ayoko nang mag-explain. Ayoko nang sabihin sa madla kung ano pa yun.
“Nasasaktan din ako, Angillyn, kaya pasensiya sa yo kung minsan ayaw kitang kausap kasi gusto ko rin huminga.
"Sana magkaroon ka ng punumpuno na pagmamahal para sa yo, para sa mga anak natin.
"Kasi kapag pinanood ito ng mga anak natin, nakakahiya."
BUBOY'S MESSAGE FOR HIS CHILDREN
Tuluyan nang bumagsak ang luha ni Buboy nang itanong ni Boy ang mensahe niya para sa kanyang mga anak na naiipit sa hindi nila pagkakaunawaan ni Angillyn.
“Sorry kasi kung alam niyo lang, ayaw din ni Papa nito. Ayaw ni Papa ng ganitong nangyayari. Hindi gusto ni Papa ito.
"Pero lagi kong sasabihin sa inyo na mahal na mahal ko kayo,” umiiyak na pahayag ni Buboy.

“I am so sorry kung nangyayari sa amin ito, pero sana kapag napanood ninyo ito, sana magaling na kami ng mama ninyo.
“At hindi ko alam kung anong nangyayari, e, pero mag-pray lang kayo at nandito lagi si Papa para sa inyo.
"Nakagabay sa inyo at gagawin lahat ni Papa.
"Kahit nangyayari ito, lagi ko pa rin kayong papasayahin. Lagi ko pa rin kayong papangitiin kasi yan naman ang ginagawa ni Papa ninyo.
“Gusto ko ngumiti kayo, enjoy-in ninyo ang pagkabata ninyo kasi yan yung memories na hindi ninyo makakalimutan.
“At gusto ko kapag napanood ninyo ito, sinasabi ko sa inyo na minahal ko yung nanay ninyo.
"Minahal ko ang anak niya at mahal na mahal ko kayo.
“At gusto ko ring maunawaan ninyo na mahal ko rin si Isay at magmahalan lang tayo.”
Editor's Note: May mga bahagi sa artikulong ito na hindi umere sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda ngayong hapon.