Sa isang TikTok video nitong Huwebes, April 3, 2025, ibinahagi ng Sparkle GMA Artist Center talent na si Benedict Cua ang kanyang buong suporta para sa kaibigan niyang si Mika Salamanca.
Si Mika ay isa sa mga kasalukuyang housemates ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab edition, at ang ka-duo ng kapwa housemate na si Bianca de Vera.
BENEDICT CUA's FRIENDSHIP WITH MIKA SALAMANCA
Sinimulan ni Benedict ang kanyang TikTok video na may birong palabasin na si Mika sa bahay.
Sabi niya, "Palabasin niyo na si Mika Salamanca sa bahay ni Kuya, guys. Dahil masyado na siyang matagal diyan. Hindi siya nag-attend sa binyag ng anak ko!"
Kasunod nito, hinikayat ni Benedict ang kanyang social media followers na suportahan si Mika sa journey nito sa loob ng bahay ni Kuya.
Ibinahagi rin niya kung paano nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.
Ayon kay Benedict, una niyang nakilala si Mika noong 2019.
Pagbabalik-tanaw niya, "Parang nakilala ko ata si Mika nung 2019, nung gumawa kami ng meet and greet-slash-performance. Sabay-sabay kaming na-scam."
Nang dahil sa kanilang naging experience sa nasabing event, naging close na sila.
Kuwento ni Benedict, "Parang younger sister ko siya, 'tapos kuya niya ako."
Pabiro pang sabi niya, "Noong naging close kami, winawalanghiya niya na ako."
BENEDICT CUA ON MIKA SALAMANCA: "SHE'S MISUNDERSTOOD"
On a serious note, ibinahagi ni Benedict kung bakit sa tingin niya ay naging swak ang kanilang personalities at naging tunay silang magkaibigan.
Para kay Benedict, nakita niya ang sarili kay Mika, lalo na kung paano nito na-handle ang bashers nito. Partikular na ang controversial issue nito noon nang mahuli sa Hawaii dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Bahagi ni Benedict, "The reason why kaya nag-work ang friendship namin, because I see a lot of myself in her. Si Mika, always misunderstood by a lot of people.
"Dati, madalas ko dine-defend yung sarili ko. Hindi naman maiiwasan kasi yung bashing sa social media.
"Kahit sabihin mo sa isang daang tao, gusto ka nung 99, maapektuhan ka pa rin kahit may isang sobrang hate ka.
"At habang tumatagal, dumadami ang isyu niya... She was often misunderstood to a point na never na siyang nagkaroon ng energy to even say anything to protect herself.
"Kahit ano namang sinasabi niya, hindi siya pinapakinggan. She has done a lot of mistakes in the past na pinagsisihan niya at nakita ko talaga personally yung growth niya."
Patuloy ni Benedict, "Yung sa Hawaii, alam ko naman na pinahamak lang siya dun. Pero kahit anong sabihin niya, ang iisipin niyo, 'Ay, yung naaresto dun sa Hawaii, blah-blah-blah...'
"Naranasan ko yun dati, yung walang nag-i-step up para i-defend ka kasi takot sila. I'm sure she felt terrible, she felt scared, and she felt helpless that time."
Napabilib si Benedict kay Mika kung paano nito hinarap ang issue.
Aniya, "She did not ever try to destroy someone else's name."
Matatandaang sa isang episode ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab, ikinuwento rin ni Mika ang naging pag-aresto sa kanya sa Hawaii noong 2020, dahil sa pag-violate ng mandatory 14-day quarantine for travelers.
Nakatanggap umano ang Hawaii attorney general’s office ng videos kung saan makikita si Mika na nasa labas ng kanilang bahay, kahit na dapat ay naka-quarantine ito.
Ayon kay Mika, may pinagkatiwalaan siyang kaibigan noon.
Kuwento nito, "Nung nasa Hawaii po ako before, mayroon po akong pinagkatiwalaan na kaibigan noon.
"Nagtiwala po ako sa kanya kasi taga-doon siya 'tapos nung nakita po ng mga tao... lumabas ako nung quarantine, first day ko roon. Na-bash po ako nun and na-arrest po ako nun."
BENEDICT CUA ADMIRES MIKA SALAMANCA'S RESILIENCE
Hinahangaan din ni Benedict si Mika dahil sa resilience na ipinakita nito kahit na pinuputakte na siya ng bashers.
Patungkol ni Benedict kay Mika, "If anything, sobrang saludo ako sa kanya, out of all of the content creators that I have known. Bugbog na yan. Bugbog na sa bashing, sa issue, hindi nauubos.
"Bilib ako sa kanya, kasi kung ako sa kanya, ang tagal ko na nag-quit.
"She had occassional mental breakdowns that nobody ever knew. But her heart was still the same. Pag friend ka niya, poprotektahan ka niya."
Ngayong nasa Pinoy Big Brother na si Mika, natutuwa si Benedict sa magandang pagtanggap ng publiko rito, lalo't nabibigyan na ito ng pagkakataong maipakita ang tunay nitong personalidad.
Sabi ni Benedict, "Sobrang saya ako na nakapasok si Mika sa PBB, dahil ito yung isang opportunity na makita niyo who she really is without her even trying to explain or defend herself.
"Makikita niyo na lang what her personality is, and I'm sure everybody is still holding back at this point. I'm so excited kung paano yung mga upcoming days."
Ngayong Sabado, April 5, 2025, umabot na sa 4.2 million views ang TikTok post ni Benedict. Nakatanggap din ang kanyang video ng mahigit 400,000 likes.
READ MORE:
