Mga bida sa upcoming film na Jackstone 5 sina Eric Quizon, Gardo Versoza, Arnell Ignacio, Jim Pebanco, at Joel Lamangan na siya ring direktor ng pelikula.
Tampok sa pelikula ang kuwento ng limang magkakaibigang bading na iniidolo ang grupong The Jackson 5, na kinabilangan noon ng yumaong King of Pop na si Michael Jackson at mga kapatid nitong sina Jackie, Tito, Jermaine, at Marlon Jackson.
Dahil sa nabanggit na plot ng pelikula, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang limang cast members kung nagkaroon ba sila ng pagkakataon na makita nang personal o mapanood nang live in concert si Michael noong nabubuhay pa ito?
Hindi raw nagkaroon si Gardo ng pagkakataon na makita sa personal si Michael.
Lahad naman ni Jim, “I'm a fan of Michael Jackson, Jackson 5 pa. Medyo nalungkot ako kasi na-disband yung lima.
“Magagaling yung magkakapatid, magagaling.
“And then, hindi ako nakapanood ng concert. Pero yung mga documentaries at yung mga movies, napanood ko yun.
“I’m a fan kasi total performer [si Michael]. Like Gary Valenciano, di ba?"
eric, direk joel, arnell recall seeing michael jackson in concert
Napanood naman nina Eric, Direk Joel, at Arnell nang live si Michael Jackson, at may kani-kanya silang memories nito.
Lahad ni Eric, “I saw The Jackson 5 concert in 1976 when I was... so napanood ko siya kasama ko yung daddy ko 'tsaka yung mga kapatid ko.
“So siyempre iba, iba, hanggang ngayon vivid yung memory ko of that concert. So siyempre Michael Jackson yan, e. So nadidinig ko talaga na kumakanta siya, na ang taas ng boses niya.
“Kumbaga parang even up to now, just remembering it, alam mong magkaka-goosebumps ka. So iyon yung naging experience ko with Michael Jackson.”
Kuwento naman ni Direk Joel, “Napanood ko yung concert sa Araneta [Coliseum] nung '70s, batang-bata pa rin ako noon.
“Hindi ko nakita yung Michael Jackson na may edad na.
"Yung batang Michael Jackson, na kumakanta ng tungkol sa kanyang daga, Ben. Yun ang Michael Jackson na nakilala ko."
Ayon naman kay Arnell, “Napanood ko si Michael Jackson nung dumating na siya rito. Michael Jackson na siya nung nakita ko siya, soloista na, dun sa grounds ng MOA [Mall Of Asia] ba yun?
“Di ba, nagpunta siya dito noon? It’s an unforgettable experience kung paano siya mag-stage ng kanyang show.
“Kitang-kita mo na lahat ng detalye, parang pine-perfect, and ang dami niyang mga palagay ko na sa kanya lang babagay.
“Like may mga poses siya na hindi mo naman maintindihan kung bakit ka pumapalakpak, yung parang sa kanya ko lang napanood yun.
“Yung hindi mo alam talaga, na para kayong hinihigop na hangaan niyo siya. And as a performer, you can only dream of reaching half or even less than half of kung ano yung naabot niya."
eric, jim, direk joel on michael jackson: "gone too soon"
Pumanaw si Michael Jackson sa edad na 50 noong June 25, 2009, dahil sa cardiac arrest.
Ano ang naging reaksyon nila sa pagkamatay ng King of Pop?
Parehong "gone too soon" ang naisip nina Eric at Jim.
Ani Eric, “Siyempre sad, of course, legend yan, e.
“At siyempre lahat naman tayo, we all love his music.
“Siyempre lahat naman parang ang effect niyan, parang Princess Diana rin, e. Ganun yung effect niyan sa tao."
Banggit pa ni Eric sa yumao na ring si Princess Diana o Diana, Princess of Wales. Katulad ni Michael, isa ring cultural icon si Princess Diana nung 1980s hanggang 1990s bago ito nakitil sa isang car crash sa Paris, France.
Patuloy ni Eric, “Kasi remember he's an icon and he died at a very young age. So parang gone too soon, yung ganun.
“Parang alam mo na meron pa siyang maiko-contribute sa music industry.
“Na sayang, sayang that he died at a very young age.”
Sabi naman ni Jim, “Nalungkot ako, kasi gone too soon, I’m a fan up to now, alam ko halos lahat ng kanta ni Michael Jackson.”
Panghihinayang naman ang naramdaman ni Direk Joel.
Pag-alala pa ng direktor, “Noong namatay siya, wala naman, wala akong naramdaman.
“Namatay siya, alangan namang umiiyak ako?
“Wala lang, namatay siya, e. Mamamatay naman ang mga tao talaga, e. Siya bata pa, nanghinayang lang ako.”
Arnell, gardo recall feeling emotional over king of pop's death
Pagbabalik-tanaw naman ni Arnell, naging emotional siya noong namatay si Michael Jackson.
“Nung namatay siya, actually hindi ko rin maintindihan kung bakit ako naiyak.
"Kasi parang hindi ko maintindihan, hindi mo maisip paano mawawala si Michael Jackson, e, kumakanta pa nga lang siya ng kanta ng daga, e. Naririnig mo na.
“So performer ako nun, banda-banda ako nun. So yung mga kanta niya parang may sentimental value sa akin.
"Pero hindi naman ako humagulgol noon, parang isang tear lang, one lang, after that wala na,” at tumawa si Arnell.
“Ako, fan na fan ako ni Michael!” bulalas naman ni Gardo.
“Like noon, mayroon ako ng mga cassettes niya, mga steps niya inaaral ko.
“So nung time na nawala siya mabigat sa akin kasi parang hindi siya namatay sa katandaan, kumbaga napadali.
“And then like, feeling ko parang nung time na bago siya namatay, like dun sa concert tour niya, parang feeling ko masyado na rin siyang sinagad.
“Parang sana kumbaga ibinigay na lang sa kanya na hindi masyadong mabigat yung mga rehearsals niya.
"So may nabasa ako na parang siya na mismo yung sumusuko, hindi na niya kinakaya yung pag-ikot at pag-practice para dun sa concerts niya.
“So siguro isa na rin yun sa mga nagtulak sa kanya para kinakailangan niyang mag-rely sa mga painkillers.
"So kahit katiting meron akong sakit na naramdaman nung nawala siya.
“Pero like nung peak niya, iyon, kumbaga isa ako sa mga nakikisayaw, nakikisabay sa kanya.”
Ang Jackstone 5 ay sa panunulat ni Eric Ramos at produced ng Royal Star Media Production Philippines, Inc.
Kuwento rin ito ng komedya ng mga magkakaibigan at ang naging buhay nila matapos maging overseas Filipino workers.
Nakapanayam ng PEP.ph ang cast ng pelikula nitong March 18, 2025, sa Max’s Restaurant sa Scout Tuazon sa Quezon City.
