Hindi bawal magsuot ng toga sa graduation.
Ito ang nilinaw ng Department of Education (DepEd) kasunod ng nag-viral na insidente sa isang paaralan sa Laua-an, Antique.
Mainit na pinag-usapan sa social media ang video ng school principal na pinapahubad sa mga nagsipagtapos na Grade 12 students ang kanilang suot na toga.
Nangyari ang insidente bago ganapin ang processional march sa graduation ceremony ng Colonel Ruperto Abellon National School (CRANS) nitong April 15, 2025.
Ayon sa report, ang anunsiyo ng principal ay alinsunod daw sa utos ng DepEd na gawing simple ang kasuotan sa graduation.
Base sa nag-viral na video, inutusan pa ng principal ang class advisers na isulat ang pangalan ng mga estudyanteng hindi nagtanggal ng toga.
Maririnig ding sinabi ng principal na siya ang mag-aabot ng diploma—isa-isa, sa bawat graduate—sa kanyang opisina.
Makikitang lumapit ang isang guro para kusapin ang principal, pero base sa facial expressions at gestures nila, mahihinuhang hindi pumayag ang principal sa sinasabi ng guro.
Sa interview ng teacher at broadcaster na si Carl Balita, kinilala ang gurong naka-barong bilang si Lu Nietes.
Nakiusap daw siya noon sa principal na dapat ibigay na sa mga mag-aaral at mga magulang ang moment na iyon.

Tumalima ang mga nagsipagtapos na tanggalin ang kanilang toga, pero ang iba ay umuwi na lamang nang maaga.
Bakas sa mga mukha ng marami ang pagkagulat at pagkalito, may ilan na halatang dismayado.
May mga estudyanteng galit na galit.
Read: Dermatologist says no to home remedies for dark underarms, groins
DEPED REACTS
Umalma naman ang DepEd sa katwiran ng principal na sinunod lamang niya ang utos ng kagawaran.
Sa DepEd Order No. 9 series of 2023, nakasaad dito na hindi required ang mga esyudyanteng bumili ng magarbong suot sa graduation.
Pero walang binanggit dito na bawal ang toga.
Narito ang bahagi ng official statement na inilabas ng DepEd sa Facebook page nito noong April 17, 2025:
“For clarification, DepEd policy does not prohibit wearing of togas.
"There is no prohibition under DepEd Memorandum No. 27, s. 2025 and under DepEd Order no. 009, s. 2023, the prescribed attire for graduation and moving-up ceremonies worn as an optional supplementary garment."
Guidelines daw ang nakasulat sa memo para magkaroon ng “simplicity, promote inclusivity, and ease the financial burden on families.”
Nakasaad pa sa statement: "However, such policies must be interpreted and implemented with discernment and never result in any learner’s exclusion, embarrassment, or marginalization.”
Dahil dito, sinimulan ng DepEd ang imbestigasyon, pero wala pang opisyal na pahayag tungkol sa resulta.
May paalala pa ang kagawaran sa lahat ng school officials tungkol sa manner ng pagdedesisyon at pag-aanunsiyo: "to uphold the highest standards of professionalism, compassion, and respect in implementing policies, ensuring at all times the protection of the rights and dignitify of every learner.”

