PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

FULL TRANSCRIPT: Ricky Lee tribute to Nora Aunor

Ricky on Nora: "Napakataas at nasa pedestal, pero napakadaling maabot."
by Rachelle Siazon
Published Apr 22, 2025
National Artist Ricky lee pays tribute to Nora Aunor at the state necrological service for the legendary actress held at the Manila Metropolitan Theater.
National Artist Ricky Lee pays tribute to National Artist and Superstar of Philippine Cinema Nora Aunor at her state necrological service. An excerpt from his speech: ""Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon upang hindi nila makalimutan kailanman, na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituhing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay... Minahal mo kami nang lubos maski na halos ay wala nang natira para
PHOTO/S: Screengrab from CCP Facebook

Pinakauna si National Artist Ricky Lee sa nagbigay ng pagpugay kay National Artist at nag-iisang Superstar ng Philippine cinema na si Nora Aunor.

Ito ay para sa state necrological service na inorganisa ng Cultural Center of The Philippines (CCP) at ginanap sa Manila Metropolitan Theater ngayong Lunes ng umaga, April 22, 2025.

Joel Lamangan, Ricky Lee, and Charo Santos-Concio are chosen to give a tribute to Nora Aunor at the state necrological service at the MET.
Joel Lamangan, Ricky Lee, and Charo Santos-Concio are chosen to give a tribute to Nora Aunor at the state necrological service at the MET.
Photo/s: Jerry Olea
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagkatos ng welcome ceremony, isa-isang umakyat ng stage ang imbitadong National Artists para maglagak ng bulaklak sa tapat ng casket ni Nora.

Pagkatapos ay ibinahagi ni Ricky ang makulay na buhay ni Nora mula sa kanya, na matalik na kaibigan at katrabaho ng legendary singer-actress.

Read: FULL TRANSCRIPT: Charo Santos-Concio pays tribute to Nora Aunor

RICKY LEE'S COMPLETE SPEECH

"Nung 1993 ay naglibot sa iba't ibang bansa ang dulang DH na sinulat ko at pinagbidahan ni Guy.

"Nagpunta kami sa Central Park sa Hong Kong. Daan-daang DH ang nandun. Halos bawat isa'y niyayakap ni Guy. Kinakausap. Kinukumusta kung ano na mga problema nila.

"Noong paalis na kami, lumingon ako. At nakita kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit sampung DH, lumuluha habang humahabol sa van.

"Naisip ko, 'Bakit ganito ang epekto ni Guy sa mga tao? Bakit sila umiiyak?'

"Alam ko kung bakit. Dahil nakikita nila si Guy sa kanilang mga sarili. Sila si Guy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Una kong nakilala si Guy nang gawin namin ang Himala. Noong gabi, bago ang shooting ng finale, kung saan sinabi niyang 'Walang himala!', ni-revise ko ang buong monologue.

Sinabi ni Ishma [Ishmael Bernal] kay Guy: 'One take lang tayo bukas dahil tatlong libong extra at walo ang camera.' 'Opo, Direk,' sabi ni Guy.

"Kinabukasan ay dineliver ni Guy ang monologue sa harap ng libong mga tao na karamihan ay Ilokano at di naiintindihan ang sinasabi niya.

"Pero nasa puso ni Guy ang masa.

"May paraan siya ng pag-connect sa kanila na hindi laging nangangailangan ng mga salita.

"Naging matalik na kaibigan ako ni Guy nang gawin namin ang Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina? na siya ang producer.

"May nagpasabi kay Guy na makakapasok lang daw ang Andrea sa Metro Manila Film Festival kung babaguhin ang ending.

"Doon kasi sa ending ay binaril si Andrea ng mga sundalo point blank sa ulo. Dapat daw ay nagtatangkang tumakas si Andrea kaya siya binaril.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"'Huwag na lang nating isali kung babaguhin ang ending,' sabi ni Guy.

"Nanindigan siya, at tinanggap pa rin ang Andrea, kung saan naka-grand slam siya as Best Actress.

"Rebelde si Guy.

"Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo.

"Binago niya ang kolonyal na pagtinging nagsasabing mga mapuputi lang at matatangkad ang maganda sa puting tabing.

"Ginampanan niya ang papel ng mga babaeng palaban at makatotohanan.

"Naging madre siya, bilanggo, lesbian, NPA, OFW, kabit, anak ng inang naging kaagaw sa pag-ibig, alalay, atsay, kontrabida, muslim, igorota, binokot, may demensya, mamamatay tao.

"Sa isang panahong hindi tanggap ng mga tao na namamatay ang bida sa ending, namatay siya sa Tatlong Taong Walang Diyos, Himala, Nakaw Na Pag-ibig, Andrea, Flor Contemplacion at iba pa.

"Marami siyang binasag at binago ang paniniwala.

"Ipinakita niyang mahalaga ang nararamdaman ng mga taong nasa gilid ng lipunan na may mga boses na kailangang pakinggan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Pinili niyang huwag lang maging superstar kundi maging isang tunay na artista ng bayan.

Nilagyan niya ng hugis ang ating mga damdamin. Binigyan niya ng direksyon ang ating mga aspirasyon.

"Binigyan din niya tayo ng pag-asa at tinuruang puwede tayong lumaban upang matupad ang ating mga pangarap.

"Ipinakita niya sa atin ang kapangyarihang hindi natin akalaing meron pala ang ordinaryong tao.

"Ginawa niyang totoo ang ibig sabihin ng sining.

"Minsan nang tanungin ko si Guy kung bakit laging malungkot at puno ng damdamin ang mga mata niya, sabi niya, pinaglihi daw kasi siya ng ina niya sa Mater de la Rosa, yung birhen na may pitong punyal sa puso.

"Kaya siguro kahit na nakatawa siya, sa mga mata niya ay may lungkot pa rin.

"Puno ng kontradiksyon si Guy, simple pero komplikado.

"Laging nakangiti, pero sa loob ay maraming takot. Sobrang mahiyain, pero sentro ng atensyon.

"Napakataas at nasa pedestal, pero napakadaling maabot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Isang taong ordinaryo na extraordinaryo.

"Sa loob ng halos pitong dekada, tayong mga ordinaryong tao ay ginawa rin niyang ekstraordinaryo.

"Kaya siguro madalas ay di natin malaman kung anong gagawin sa kanya.

"Hahangaan lang ba natin siya? Sasambahin? Gagayahin? Pag-aaralan?

"Bata pa man ay inangkin na natin siya.

Hiningi natin ang boses niya, ang buong buhay niya at ng pamilya niya. Ang katahimikan niya.

"Pinakialaman natin bawat galaw niya. Hiningi natin maging ganito siya, maging ganoon siya.

"Binansagan natin siya ng kung ano-ano.

"Tinanggalan ng boses hanggang hindi na makakanta.

"Dalawang beses na pinagkaitan na maging National Artist.

"Iniwasan ng maraming producer dahil marami daw sakit, mahirap daw makatrabaho.

"Kalat na kalat ang mga kuwento kung gaano kagalante si Guy.

"Kapag may nangangailangan, pautangin niya agad.

"Ang sweldo niya sa lahat sa shooting day ay ipinamimigay niya sa crew at iba pang mga tao sa set.

"Namigay siya ng pera sa mga preso noong shooting ng Flor Contemplacion.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Hindi naging madali ang buhay ni Guy nitong mga nakaraang taon.

"Marami siyang sakit at naghirap siya. Halos walang mga ari-arian.

"Pero hindi pa rin siya tumigil ng pag-iisip para sa kapakanan ng iba.

"Gusto niyang magtayo ng isang foundation na tutulong sa mga fans at iba pang nangangailangan.

"Buong buhay ni Guy, nagbigay siya nang nagbigay, hanggang sa halos wala nang natira sa kanya.

"At tayo, dahil nasanay na tayong siya ang bigay ng bigay, madalas ay nakakalimutan natin na siya man ay may mga pangangailangan din.

"Kaya sa gitna ng ating pagdadalamhati ngayon, gusto natin sabihin sa kanya, 'Guy, sa ngalan ng milyun-milyong mga taong pinukaw mo, niyakap mo, pinahid mo ang luha, binago mo ang buhay, tanggapin mo'ng aming walang hanggang pasasalamat.

"Nagpapasalamat kami na nabuhay kami sa isang panahong naririto ka.

"Minsan lang mangyayari ang isang Nora Aunor.

"Pero di pa tapos ang kuwento mo, nagsisimula pa lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon upang hindi nila makalimutan kailanman, na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituhing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay.

"Minahal mo kami nang lubos maski na halos ay wala nang natira para sa sarili mo.

"Hayaan mong mahalin ka rin namin hanggang sa walang hanggang.

"Salamat."

Related stories:

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
National Artist Ricky Lee pays tribute to National Artist and Superstar of Philippine Cinema Nora Aunor at her state necrological service. An excerpt from his speech: ""Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon upang hindi nila makalimutan kailanman, na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituhing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay... Minahal mo kami nang lubos maski na halos ay wala nang natira para
PHOTO/S: Screengrab from CCP Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results