Hindi kasama ni JM Ibarra, 24, ang ka-love team niyang si Fyang, 18, sa gagawin niyang pelikula na Child No. 82.
Ang Child No. 82 ay Cinemalaya entry na iprinodyus ng Outplay Media Production.
Read: Fyang Smith chooses JM Ibarra over Jarren Garcia
Nakapanayam si JM sa presscon ng pelikula na ginanap sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City, noong April 12, 2025.
Handa ba siya sa reaksiyon ng fans nila ni Fyang sa kanyang solo project?
“Pagdating diyan may tiwala ako sa fandom namin ni Fyang," sagot ni JM.
"The way nila kaming suportahan, the way nila kaming i-angat.
"Halos hindi na fans yung tingin namin sa kanila, literal na pamilya na kasi sila rin yung nakikipaglaban para sa amin.
"And sa nakikita ko nama,n bago pa nga mangyari ‘to, suportado na nila. Yun, nakakatuwa lang yung part na yun."
Sina Fyang at JM ay parehong produkto ng Pinoy Big Brother Gen 11, ang reality franchise show ng ABS-CBN na umere noong 2024.
Read: KathVid, KathDen, at mga tinilian sa Body of Work: The Bench Show
JM IBARRA UNFAZED BY BASHERS
Bilang baguhang artista, hindi raw siya nag-aalala kung sakaling may negative feedback sa pagkakaroon niya ng lead role.
“Actually, sila po yung reason kung bakit nagkaroon ako ng ganitong project, e.
"Sa totoo lang po kasi, wala, tine-take ko lang sila as a fuel kung bakit ginagawa ko itong trabahong ito.
"Kasi para sa akin, yung bashers, hindi naman sila nandiyan para manira lang, e.
"Nakikita ko sila bilang simbolo sa progress ng ginagawa ko."
Mas gusto raw ni JM na makita kung ano ang dapat niyang i-improve sa pag-arte.
"Kung wala akong bashers, may mali po sa ginagawa ko, may kulang sa ginagawa ko, walang progress sa ginagawa ko.
"So, thankful pa rin ako sa kanila kahit papaano kasi malaki rin yung parte nila kung bakit ako itong gaganap na si Max."
Read: Miles Ocampo now managed by All Access to Artists
EXCITED FOR HIS ROLE
Ang Child No. 82 ay kuwento ni Max, isang high school student na gustong makilala ang amang isang sikat na action movie star, na gagampanan naman ni Vhong.
Halong fantasy, drama, at comedy ang pelikula na magsisimula ang produksiyon sa Mayo.
Makakasama ni JM sina Vhong Navarro, Rochelle Pangilinan, Vance Larena, Kai Montinola, at Irma Adlawan.
Bahagi rin ng cast sina Iya Mina, Che Ramos, Donna Cariaga, Dexter Doria, at Zairene Fernandez.
Directorial debut ito ni Tim Rone Villanueva.
Ayon kay JM, medyo nakaka-relate siya sa kuwento ng Child No. 82.
"It’s also about a father-and-son issue, gaya ng mga nakasubaybay sa akin sa loob ng bahay ni Kuya.
"Siguro isa rin ho ako sa mga lumaki na longing sa pagmamahal ng isang ama, that’s why ramdam ko yung character ni Max."
Sa PBB, ibinahagi ni JM ang sama ng loob niya sa ama na matagal nang hindi nakapiling.
Nagkaroon sila ng pagkakataong magkausap habang nasa PBB house si JM, at muli silang nagkita nang ma-evict si JM sa PBB noong October 2024.
Plano rin ni JM na humugot ng inspirasyon sa mga pelikulang "may hawig na kuwento" sa role na gagampanan niya.
Isa raw malaking hamon para kay JM na makagawa ng pelikulang ipapalabas sa Cinemalaya, na kilala sa groundbreaking at experimental films.
Magkaroon man daw siya ng music video o mainstream project, "hindi yun sapat para tawaging actor ang sarili ko hanggat hindi ako nakakapag-Cinemalaya."