Maganda, may height, at mahusay magsalita, natural lamang na itanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Lianne Valentin kung may plano ba itong sumali sa beauty pageants, kagaya ng ilang artistang babae.
Tumatawang sagot nito, “Parang wala pa.
“Kasi sabi ko nga… for the past few years, I've been focused with my studies din, pinagsasabay ko.
“And last year, I just graduated college, sa Cavite. ISHRM School System, iyon yung school ko, Business Administration Major in Human Resources.”
Sabay na nag-focus si Lianne sa kanyang pag-aaral at pag-aartista bilang talent ng Sparkle GMA Artist Center.
Aniya, “Yes, pinagsasabay ko yung acting career ko and yung studies.
“And ngayon lang ako talaga nagka-time nang fully na dedicated yung time ko sa career ko talaga, sa acting career and talagang inaano ko pa siya, e. Parang pini-feel ko pa na talagang full-time.”
Since tapos na siyang mag-aral ay nakatutok na si Lianne sa kanyang karera bilang aktres sa pelikula at telebisyon.
“Dedicated na ako dito sa career ko and malay mo naman, ang daming nagsa-suggest niyan sa akin, sa beauty pageants talaga.
“Malay natin, tingnan natin for the next few years, bata pa naman ako. I'm not closing my doors,” saad pa ng 24-year-old Sparkle artist.
working with Jodi Sta. maria
Speaking of pelikula, kasali si Lianne sa cast ng horror film na Untold ng Regal Entertainment na ipapalabas sa Miyerkules, April 30, 2025, sa mga sinehan.
Sa mediacon nga ng pelikulang ito na ginanap nung March 31, sa 38 Valencia Events Place, Quezon City, nakausap ng PEP.ph si Lianne.
Bida rito ang Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria.
At bilang Kapuso si Lianne, tinanong namin siya kung kumusta makatrabaho ang isang Kapamilya?
“Sobrang saya,” bulalas ni Lianne. “Kasi dati pinapanood ko lang si Ms. Jods before. Simula Be Careful With My Heart, and alam mo yun?? Talagang isa siya sa mga nilu-look up to namin na mga Gen Z actors din.
“So alam mo yun? Working with her is sobrang saya! I mean, sobrang smooth niya, sobrang gaan niya katrabaho and ang dami ko ring natutunan talaga sa kanya.
"And I would really love to work with her for another project soon.”
Kontrabida si Lianne sa Untold, inapi-api ba niya rito si Jodi?
“Hindi naman api-api. Hindi naman ako kontrabida dito, isa lang ako sa kumbaga, anino na manggugulo sa karakter niya,” pamisteryosang sabi ni Lianne.
So paano “guluhin” ang karakter ni Jodi sa Untold?
“Siguro mentally, emotionally, and psychologically.
“Kasi itong film na ‘to talaga, it's all about, kumbaga, parang bukod sa physical, talagang nagpo-focus din siya sa mental mo, e. Sa psychological ng utak mo, e. So isa ako sa manggugulo dito.”
Pero sa mga eksena raw na medyo pisikal na siya kay Jodi, tinatamaan daw siya ng hiya.
“Siyempre, basta may eksena kami dito sa film na ‘to na kailangan ko siyang hawakan. Alam mo na, basta yung mga ano... So sabi ko, nahihiya ako.
"Oo, may mga ano dito na medyo physical. Nahihiya talaga ako, parang natatakot akong hawakan si Ms. Jodi. Ms. Jodi Sta. Maria yun, e.
“Pero iyon nga, very professional si Ms. Jods and talagang ibinigay niya din yung full trust niya sa akin nung kaeksena ko siya at binigay ko din naman yung full trust ko sa kanya.
“Napakagaling din ng direktor namin, kudos to Direk Derick Cabrido dahil grabe yung collaborative work niya when it comes to his actors.”
Nasa Untold din sina Gloria Diaz, Mylene Dizon, Juan Karlos, Kaori Oinuma, Sarah Edwards, Joem Bascon, at marami pang iba.
LIanne in new teleserye
May bago ring proyekto si Lianne para sa GMA.
“Yes, I have an upcoming teleserye. Mag-i-start pa lang kami, Akusada, iyan ang title.”
Sino ang mga bida sa Akusada?
“Kaming tatlo nila… Miss Andrea Torres and Benjamin Alves.”
Samantala, ipinapalabas naman ulit ang Apoy Sa Langit sa GTV.
Una itong umere sa GMA-7 nung 2022. Hindi man bida ay nag-trending si Lianne bilang mistress ng karakter ni Zoren Legaspi.
“Oo nga e, nagulat nga ako. Hindi namin alam na ipapalabas ulit yung Apoy sa Langit sa GTV.
"Pero happy kami dahil yung mga gustong balikan at gusto ulit ma-high blood sa amin—sa akin, makakapanood ulit sila,” ang tumatawang pagtatapos ni Lianne.
