Pumanaw na ang international drag artist at RuPaul's Drag Race Philippines resident judge na si Jiggly Caliente sa edad na 44.
Ayon sa isang statement ng pamilya ng popular Filipino drag queen, namatay siya ngayong araw, April 27, 2025, sa oras na 4:42 A.M. U.S. time.
Naka-post ang statement sa social media ni Jiggly.

Ayon pa sa statement, mapayapa raw ang pagpanaw ni Jiggly, habang kasama ang pamilya at malalapit na kaibigan.
“A luminous presence in the worlds of entertainment and advocacy, Jiggly Caliente was celebrated for her infectious energy, fierce wit, and unwavering authenticity. She touched countless lives through her artistry, activism, and the genuine connection she fostered with fans around the world,” dagdag pa ng pamilya niya.
Biglaan ang pagkawala ni Jiggly, o Bianca Castro-Arabejo sa totoong buhay.
Noong nakaraang araw lamang ay ipinahayag din ng kanyang pamilya na may malubhang sakit ang entertainer at kinailangang putulin ang isa nitong binti.
Read: Jiggly Caliente loses "most of her right leg" after infection
Unang nakilala si Jiggly nang sumali ito sa pang-apat na season ng RuPaul’s Drag Race, na inere noong 2012 sa Logo TV.
Maaga mang natanggal si Jiggly sa kompetisyon at naka-8th place lamang, nakilala pa rin siya dahil sa kanyang nakatutuwang catchphrases at fashion style.
Noong 2021 naman ay bumalik si Jiggly sa pang-anim na season ng Rupaul’s Drag Race All Stars.
Isa ring original judge si Jiggly sa Drag Race Philippines, na may tatlo nang season at nagsimulang umere noong August 2022.
Sa Drag Race Philippines ay nakilala si Jiggly sa kanyang honest at direct-to-the-point judging style na minsan ay hindi nagugustuhan ng contestants.