Trigger Warning: Mention of suicide
Isa sa mga bidang artista sa short film na As The Moth Flies si Epy Quizon.
Ang As The Moth Flies ay official entry sa 1st FAMAS Short Film Festival na may screening simula ngayong Sabado, May 3, 2025, sa Victoria Sports Cinema sa Quezon City.
Ayon sa direktor ng As The Moth Flies na si Gayle Oblea, hindi tumanggap ng talent fee si Epy.
Pumayag din daw ang aktor na i-reshoot lahat ng eksena nang magkaroon ng problema sa unang lead actress ng pelikula, na pinalitan eventually ng indie actress na si Mina Cruz.
Nang makausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Epy sa mediacon ng As The Moth Flies, sa Ebi 10 restaurant sa Greenhills, San Juan, noong Martes, April 29, inusisa namin siya tungkol sa hindi pagtanggap umano ng talent fee at pagpayag mag-reshoot.
Read: Epy Quizon, handa nang magdirek ng full-length film
Paliwanag ng aktor: “Actually, hindi naman sa hindi ako tumanggap ng budget.
"At that time kasi, parang… of course, si Direk Gayle is like a… parang baby ng grupo namin to, e.
“Nung time na yun kasi, parang iniwan sila ng artista nila at nag-reshoot sila,.
"So me, as a director-producer, I know na masakit sa producer at sa director yung mag-reshoot.
“Alam naman natin yan sa industriya, pag nag-reshoot, alam mong nagtapon ng pera yung producer, yung director.
“Hindi naman sa hindi tumanggap, ang sinabi ko lang, ‘Tsaka mo na ako intindihin, i-shoot muna natin to, huwag ninyo akong intindihin!’
“Nagbigay pa din yan. Hindi sa hindi tumanggap, inabutan pa din nila ako ng… siyempre hindi ko siya siningil.
"Basta ang sabi ko, ‘Huwag niyo na muna akong intindihin, tapusin na muna natin to. Alam kong masakit sa bulsa to.’
“Yun naman ang nangyari dun. Kumbaga, hindi din naman ako… baka maging precedent na, ‘Ay, si Epy gumagawa ng libreng trabaho yan!’” natatawang sabi ng aktor.
Pagpapatuloy niya: “Hindi naman.
"Of course, I think they compensated me right, pero hindi ko lang sila siningil, siguro iyon lang yung… dun nanggagaling si Direk Gayle.
“Kasi nga, alam kong nabutas yung bulsa nila nung iniwan sila nung artist nila.”
Read: Epy Quizon, ikinalungkot ang pagde-demolish sa Dolphy Theater
WHAT IS AS THE MOTH FLIES ALL ABOUT?
Ang tema ng As The Moth Flies ay tungkol sa mental health. Gaano kaimportante kay Epy ang mental health?

Saad niya: “Ako kasi, ang dami kong kaibigan na nagpakamatay ang anak.
"I won’t name names but…. mga tumalon ng building, may mga kaibigan tayong tumalon ng building, nagpakamatay ang anak, may mga kaibigan akong ganun.
“Yung maraming… nakikita ko especially sa mga kabataan ngayon, in the advent of cellphones and accessibility to unrated materials, sa YouTube lang... wala namang MTRCB ang YouTube.
“I mean, you can press and, you know, it’s free for all.
"So in the advent of these materials being out there, kailangan maging responsible din tayo in terms of teaching them about mental health and how they can cope up with it or how they can… who to call, at least who to call, di ba?
“So films like this, I admire. Filmmakers like Direk Gayle, I admire, because hindi formula-like. Hindi naka-formula yung mga pelikulang ginagawa niya.
"And I guess iyon yung dapat nating… siguro kaya tayo nandito, para tulungan kaming ikalat sa… especially sa mga taong nagsa-suffer ang mental health, na may mga pelikulang katulad nito that can address issues like this.”
Produced by Creative Kartel, Happy Manila, Desi Matters, at Rav Singh, nasa As the Moth Flies din ang indie actor na si Boo Gabunada.
Ang 1st FAMAS Short Film Festival ay inorganisa ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences at pinamahalaan ng festival director na si Gabby Ramos at ni FAMAS president Francia Conrado.
Tatakbo ang festival mula May 3 to 9, 2025.
Ang awards night ay gaganapin sa May 10 sa Music Museum, presented by REMS Entertainment.
Read: Director Gayle Oblea owes debt of gratitude to Epy Quizon
