Makalipas lamang ang ilang oras matapos magsara ang polling precincts ay unti-unti nang lumalabas ang resulta ng mid-term elections nitong Lunes, May 12, 2025.
Bukod sa general elections ay marami sa ating mga kababayan ang interasadong malaman ang naging resulta ng kandidatura ng mga celebrity na tumakbo ngayong halalan.
SENATORIAL RACE
Base sa unofficial results mula sa Commission on Elections ay pasok sa Top 12 ng senatorial race, as of 12:01 A.M. ng May 13, ang dating TV host na si Bam Aquino (No. 2), dating broadcaster na si Erwin Tulfo (No. 4), ang mister ni Sharon Cuneta na si Kiko Pangilinan (No. 5), veteran TV host na si Tito Sotto (No. 8), at dating action star na si Lito Lapid (No. 11).
Nanganganib namang di makapasok sa Magic 12 ang broadcaster at kapatid ni Erwin na si Ben Tulfo (No. 13), ang action superstar na si Bong Revilla (No. 14), ang singer na si Jimmy Bondoc (No. 17), ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao (No. 18), ang multi-awarded actor na si Phillip Salvador (No. 19), at ang veteran TV host na si Willie Revillame (No. 22).
Ngunit maaari pang magbago ang puwesto ng mga kandidato sa mga susunod na oras.
Read: Sharon, nagpasalamat sa mga taga-showbiz na sumusuporta kay Kiko
CONGRESSIONAL RACE
Para naman sa mga celebrity na tumatakbong congressman, nakatitiyak na ng kanilang reelection ang mga aktor na sina Richard Gomez (Leyte, fourth district), Arjo Atayde (Quezon City, first district), at Jolo Revilla (Cavite, first district).
Panalo rin ang unopposed na actress-TV host na si Lani Mercado (Cavite, second district), ang former PBA player and coach na si Franz Pumaren (Quezon City, third district), ang dating TV host na si Gina de Venecia (Pangasinan, fourth district), ang dating TV host na si Cutie del Mar (Cebu City, first district), at ang anak nina Vilma Santos at Ralph Recto na si Ryan Christian Recto (Batangas, sixth district).
Bigo naman sa kanilang kandidatura sina Marco Gumabao (Camarines Sur, fourth district), Ejay Falcon (Oriental Mindoro, second district), Lino Cayetano (Taguig City, first district), Rey Malonzo (Caloocan City, first district), at ang dating swimmer na si Eric Buhain (Batangas, first district).
Read: Lino Cayetano, "tuloy ang laban" sa kabila ng residency issue
GUBERNATORIAL AND VICE-GUBERNATORIAL RACE
Matagumpay ang pagbabalik ni Vilma Santos bilang governor ng Batangas, bagamat magkaiba ang kapalaran ng kandidatura ng kanyang mga anak na sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto.
Kung pinalad si Ryan sa kanyang unang beses na pagtakbo bilang congressman, bigo naman si Luis sa kanyang unang pagtakbo bilang vice-governor ng Batangas.
Mahigit 200,000 libo ang lamang kay Luis ng kanyang katunggaling si Dodo Mandanas.
Read: Vilma Santos, sinagot ang isyu ng political dynasty

Landslide naman ang panalo ng tandem nina Daniel Fernando at Alex Castro bilang governor at vice-governor, respectively, sa Bulacan.
Nanaig ang dating ABS-CBN reporter na si Sol Aragones bilang governor ng lalawigan ng Laguna. Kabilang sa tinalo niya ay ang aktor at incumbent congressman na si Dan Fernandez.
Bigo naman si Jorge Jerico Ejercito, anak ni ER Ejercito at ang pumanaw na si Maita Sanchez, sa kanyang pagtakbo bilang vice-governor ng Laguna. Ganundin ang dating TV personality na si Gem Castillo.
MAYORAL AND VICE-MAYORAL RACE
Mukhang mananaig si Isko Moreno sa mahigpit na labanan ng pagka-mayor sa lungsod ng Maynila.
Kabilang sa katunggali niya ay ang incumbent mayor na si Honey Lacuna, ang TV personality at businessman na si Sam Verzosa, at ang aktor na si Raymond Bagatsing.
Muling mahahalal bilang mayor ng Ormoc City, Leyte, si Lucy Torres-Gomez.
Nanalo rin ang dating PBA player na si Vergel Meneses sa Bulacan, Bulacan.
Bagamat mukhang mananalo si ER Ejercito bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna, hindi pa malinaw kung makakaupo siya dahil sa ipinataw sa kanyang guilty verdict ng Supreme Court sa kasong graft.
Read: ER Ejercito, naglabas ng saloobin sa hatol ng Supreme Court
Kahit hindi artista, maituturing na ring celebrity ang anak nina Vic Sotto at Coney Reyes na si Vico Sotto, na muling nahalal para sa kanyang ikatlong termino bilang mayor ng Pasig City.
Pare-pareho namang natalo sa kanilang pagtakbo bilang mayor ang mga aktor na sina Victor Neri (Makati), Emilio Garcia (Bay, Laguna), at DJ Durano (Sogod, Cebu); ang talent manager na si Arnold Vegafria (Olongapo, Zambales) at ang direktor na si Bobet Vidanes (Pililla, Rizal).
Ang running-mate ni Vico at dating PBA player na si Dodot Jaworski ay nanalo ring vice-mayor ng Pasig.
Ang pinsan ni Vico na si Gian Sotto ay muli namang nahalal bilang vice-mayor ng Quezon City.
Ang mister ni Alex Gonzaga na si Mikee Morada ay nanalong vice-mayor sa Lipa City.
Bigo sa kanilang reelection bid bilang vice-mayor ang aktor na si Yul Servo at ang dating PBA player na si Dondon Hontiveros (Cebu City). Natalo rin ang PBA legend na si Philip Cezar bilang vice-mayor ng San Juan.
Hindi rin pinalad sina Monsour del Rosario (Makati), Angelika dela Cruz (Malabon), at Anjo Yllana (Calamba, Laguna) sa kanilang pagtakbo bilang vice-mayor.
COUNCILOR
Para sa pagiging konsehal, muling nanguna sa second district ng Pasig City si Angelu de Leon; pangalawa naman ang dating Survivor Philippines castaway na si Kiko Rustia sa first district ng Pasig.
Pati na ang iba pa nilang mga kasamang konsehal sa Giting ng Pasig, ang partido ni Vico, ay nanalo rin.
Parehong panalo sina Aiko Melendez (No. 2) at Alfred Vargas (No. 3) sa fifth district ng Quezon City.
Ang anak ni Isko Moreno na si Joaquin Domagoso ang nanguna sa mga nanalong konsehal sa first district ng Manila; ganundin ang character actor na si Lou Veloso sa sixth district ng Manila.
Panalo ring konsehal sa San Juan ang dating PBA players na sina James Yap at Don Allado, at ang aktor na si Ervic Vijandre.
Lamang din bilang konsehal sa kani-kanilang mga lalawigan sina JC Parker (Angeles City, Pampanga), Maricel Morales (Angeles City, Pampanga), at Cai Cortez (Taytay, Rizal).
Samantala, kapwa talo sa kanilang kandidatura bilang konsehal sa Caloocan ang dating mag-asawang sina Marjorie Barretto (first district) at Dennis Padilla (second district).
Bigo rin sina Ara Mina (Pasig, second district), Shamcey Supsup (Pasig City, first district), Enzo Pineda (Quezon City, fifth district), Ali Forbes (Quezon City, fourth district), at Aljur Abrenica (Angeles City, Pampanga).
Ganundin sina Abby Viduya (Parañaque, first district), Ryan Yllana (Parañaque, second district), David Chua (Manila, second district), Bong Alvarez (Manila, third district), Mocha Uson (Manila, third district), at Neil Coleta (Dasmariñas, Cavite).
Read: Ara Mina running against fellow actress Angelu de Leon in Pasig
BOARD MEMBERS
Nagwagi naman bilang board members sina Jestoni Alarcon (Rizal, first district), Angelica Jones (Laguna, third district), Arron Villaflor (Tarlac, second district), at Jason Abalos (Nueva Ecija, second district).
Sa kabilang banda, natalo si Roi Vinzon sa first district ng Benguet.
Read: Your step-by-step guide to voting in May 12 Elections
THIS IS A DEVELOPING STORY.
