Labinlimang taon na sa ere ang family sitcom ng GMA-7 na Pepito Manaloto, na pinagbibidahan nina Michael V at Manilyn Reynes.
Pahayag ni Michael V tungkol sa sikreto ng kanilang programa: "Palagay ko, ang sikreto ay yung pagmamahal sa show.
"Hindi lamang kasi ako, pati yung staff, yung group, yung creative, tsaka lahat ng cast, yung buong cast.
"Pare-pareho kaming mahal yung show, nagmamalasakit para sa show.
"Meron kaming passion doon sa ginagawa namin."
Dagdag pa niyang biro, "At meron kaming beauty tips, so may passion and beauty tips.
"Palagay ko, yun ang nag-contribute sa overall success namin."
Paano nag-jive ang cast sa set?
Kuwento ni Manilyn: "Yung ganito, masaya lang kami talaga, e, simula pa lang.
"Siyempre, habang tumatagal kayo, mas nakikilala nila ang isa't isa.
"Alam niyo na rin kung anong sa tingin niyo ay ayaw at hindi nila magugustuhan o hindi sila kumportable.
"Alam mo na rin kung ano yung kumportable na para sa yo.
"So, ang sarap lang na family na talaga yung lahat. So, sobrang nag-gel lahat."
INSPIRED BY JOHN EN MARSHA
Ibinahagi ni Michael na ang Pepito Manaloto ay halaw sa long-running family sitcom noon sa bansa na John en Marsha, na pinagbidahan nina King of Comedy Dolphy at veteran actress Nida Blanca.
Umere ang John en Marsha mula 1973 hanggang 1990 sa RPN-9.

Tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Yung family ba ni Pepito Manaloto, may inspiration ba ito o sa simpleng Pinoy lang na hinuhugot yung istorya?"
Saad ni Michael V: "I would say na ang pinaka-inspiration ay si John en Marsha.
"Kasi ang John en Marsha, ang premise ng John en Marsha, isang mahirap na individual si John [Dolphy], tapos nakapangasawa ng maykaya na babae, si Marsha [Nida].
"At yung struggles niya kung papaano imi-maintain o papaano to keep the family afloat.
"Ito [Pepito Manaloto], parang ang naging twist nito, suwerte. Suwerte si Pepito, e, siya, biglang yaman.
"Pero ang nagiging problema ng... according to survey.
"Ayon sa survey, marami sa mga Filipino yung mga biglang yaman tapos naghihirap din agad.
"So, eto yung gusto naming maging inspiration, yung show na ito.
"Para makatulong din sa mga tao na nagkakaroon ng suwerte, kung papaano mo aalagaan yung suwerte."
Nakausap ng media, kabilang na ang PEP.ph, sina Michael V, Manilyn, at iba pang cast ng Pepito Manaloto sa set ng show sa Fairview, Quezon City, noong Huwebes, May 29, 2025.

Read: Michael V. quashes rumored finale of Pepito Manaloto
QUIRKS OF PEPITO MANALOTO CAST
May mga pasaway ba sa cast ng Pepito Manaloto?
Sabi ni Michael V: "A, okay, sige. May kanya-kanyang quirks.
"May kanya-kanyang toyo ang bawat cast, myself included.
"Sige, ako yata yung pinakamaraming toyo.
"Pero hindi lang nakikita ng maraming tao, pero kapag sinabing trabaho, trabaho yang mga yan.
"So, pagkaano, pagka yung nagsimula na yung totoong trabaho, maaasahan mo lagi sila. Parang mga sundalo na pinasugod mo sa giyera."
Napansin naman ng media na kahit umaarte si Michael V ay tumutulong pa rin siya sa tamang anggulo at pagbato ng mga linya.

Gaano ba siya ka-involved sa production?
Sagot nito: "Ako kasi yung tumayong director after nung pandemic.
"Kaming dalawa ni Direk Armin [Collado], tapos sa second unit si Mark David.
"Si Direk Armin Collado, siya yung assistant director ni Direk Bert De Leon, bago ng pandemic.
"E, parang hindi namin makuha palitan si Direk Bert, so in-assign na lang ako as director.
"Pero technically, ano pa rin ako, parang mas artista.
"Kaya lang, kini-carry lang namin yung legacy na dinadala ni Direk."
Pumanaw si Direk Bert de Leon noong November 21, 2021.
Mapapanood ang Pepito Manaloto tuwing Sabado, 7:15 ng gabi sa GMA-7.
Read: Eat Bulaga! and Bubble Gang director Bert de Leon dies at 74
