Treinta anyos na ang dating tinaguriang "Teen King" ng Kapamilya network na si Daniel Padilla.
Pero ang aktor na mismo ang nagsabing kumpara noong 20s niya, iba na ang kanyang perspektibo ngayong 30s era niya.
Kaya tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Daniel kung ano na ang mga pagbabago sa kanya at kung ano ang nilu-look forward niya ngayon.
"Siyempre, hindi ko naman maiisa-isa ang pagbabago," bungad ni Daniel.
Pagpapatuloy niya: "Parang hindi ko naman masasabi talaga. We just grow with all the experiences that we’ve been through.
"I could say na I have more wisdom and composure siguro."
Ang daming nakapansin na press at vloggers na mas gumuwapo at mas relaxed daw ang aura ni Daniel.
Sa comments section sa TikTok video ng PEP ay iyon din ang nasabi ng kanyang fans.
Mas gusto ba ni Daniel ang nakikita sa sarili niya ngayon? Mas masaya ba siya?
"To be happy is... very subjective iyon. Mas may purpose po ako ngayon sa buhay," maiksing saad niya.
Nakapanayam ng PEP si Daniel sa presscon ng contract renewal niya bilang ambassador ng Don Macchiatos coffee chain. Ginanap ang event sa Shangri-La The Fort sa BGC sa Taguig City noong Miyerkules, June 18, 2025.
Read: Cocoy Laurel's cause of death revealed
daniel padilla ON WORK-LIFE BALANCE
Kung may libreng oras ay nae-enjoy raw ni Daniel ang bonding kasama ng ilang malalapit na kaibigan sa loob at labas ng showbiz.
Masaya raw siya kapag nakakapag-camping, kumakain nang nakakamay at nag-iihaw, o kaya naman ay nagmo-motorbike at nakakapag-swimming tulad ng mga post niya sa IG.
"Yeah, tama yun, it’s just the balance. Number one yun para sa akin," pagsang-ayon ni Daniel nang tanungin kung mas may oras siya para sa pahinga.
"Pangalawa, I just think, it’s the timing. Kasi before, talagang sobrang busy, kinikilala mo pa ang sarili mo.
"And now, siguro mas kilala ko na ang sarili ko ngayon.
"Pangalawa, mas nababalanse ko na ang lahat ng mga bagay din."
Mas may direksiyon din daw siya ngayon.
Ani Daniel: "And again, araw-araw akong gumigising na may purpose ako. Araw-araw yun. Hindi ako naliligaw sa ano ang gusto kong mangyari sa akin."
Nang tanungin ng PEP kung ano ang sinasabi niyang purpose, natatawang sumagot agad siya: "Secret!"
Sabay seryoso niyang inihabol, "Panginoon lang. Panginoon lang."
Read: TV Ratings: Sang'gre, tumalab ba ang powers sa Batang Quiapo?
daniel padilla ON incognito and what he wants to do next
Isang bago para kay Daniel ay natuto siyang uminom ng kape dahil maaga ang call time sa Incognito, ang Kapamilya prime-time series kunsaan kasama niya sina Ian Veneracion, Richard Gutierrez, Anthony Jennings, Maris Racal, Baron Geisler, at Kaila Estrada.
"Kasi, nagsisimula kami, alas-kuwatro ng umaga na. Daig ko pa ang sundalo.
"Kapag ganun, hindi ako sanay noong una na matulog nang maaga at gumising din nang maaga.
"So, dahil ang mga kasama ko, lalo si Tito Ian, e, yun talaga coffee person yun.
"Tinuruan niya akong magkape, so yun, nakuha ko na. Pagkagising, kape, nakakakuha talaga ng energy."
Masaya si Daniel na naging bahagi siya ng papatapos nang action-drama series.
Wala pa raw nakalinyang partikular na TV project si Daniel, pero kung makakapili siya ay gusto raw niya ng action genre ulit.
