Naniniwala si Angeline Quinto na ang pagkakaiba ng propesyon nila ng asawang si Nonrev Daquina ay nakatulong nang malaki para maging maayos ang pagsasama nila.
Habang kilala ng publiko bilang sikat na singer at TV personality si Angeline, si Nonrev naman ay isang "digital producer / videographer" sa talent agency na KreativDen at "owner and CEO" ng clothing brand na Rendezvous o R /'ränd??vo?o/, ayon sa social media nito.
Dati rin itong nagtrabaho bilang casino dealer sa Okada Manila.

Sa ngayon ay may dalawa na silang anak, sina Sylvio at Azena Sylvia.

Para sa singer ang kanyang pamilya ang masasabi niyang nagpakumpleto ng kanyang pagiging tao at babae.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angeline sa nakaraang presscon ng Idol Kids Philippines na ginanap sa Dolphy Theater nung nakaraang June 19, 2025.
"Mas okey pag non-showbiz. Siyempre, pag nagkakaproblema ang isa, mas natutulungan namin ang isa't isa.
"Kasi, siyempre, sa industry natin, minsan talagang sobrang pagod natin. So, pag umuuwi ako, sila ang pahinga ko."
angeline has become a kinder person
Aminado si Angeline na malaki ang nangyaring pagbabago sa kanya mula nang siya'y maging isang ina. Naramdaman nga raw niya na mas naging mabuting tao siya dahil dito.
"Feeling ko mas bumait ako, feeling ko mas pinahalagahan ko yung time.
"Katulad ngayon pag nakikita ko si Sylvio... kasi three years old na si Sylvio, everytime pag nagpapalit kami ng diaper, parang...
"Dun ko nare-realize ang bilis lumaki ng mga bata. Ayokong maka-miss ng kahit na anong mga milestone na mangyayari kina Sylvio at Sylvia.
"Minsan dun lang ako nagi-guilty, mayroon akong mga di nawi-witness. Parang yun ang pinakamahirap na part."
Tinanong din ang Idol Kids Philippines judge kung may balak na ba silang sundan sina Sylvio at Sylvia lalo't mukhang nae-enjoy niya nang husto ang pagiging isang ina.
"Twelve po ang gusto ko, para isang team kami. Pag nagkaproblema ang tatlo may nine pa na sasalo.
"Gusto ko kasing kabugin ang BINI pero dahil CS ako, malabo yun. Puwede hanggang apat kung mamadaliin, ha-ha-ha-ha!"
CS o Caesarian Section ang paraan ng panganganak na isinailalim noon ni Angeline para sa kanyang mga anak.
happy life, happy career
Para nga kay Angeline masaya siya sa buhay na ipinagkaloob sa kanya, kung saan di lang siya kuntento sa kanyang buhay may-pamilya kundi maging sa kanyang showbiz career.
Kabilang si Angeline sa Kapamilya stars na hindi nawawalan ng trabaho.
"Masayang-masaya. Unang-una siyempre ang pamilya ko, basta ayos kami, and sa trabaho ko naman, wala akong maiisip.
Ang dami namang hindi ko dinasal, ang daming dumarating. So, sobrang thankful."
Kasama sina Regine Velasquez, JK Labajo, at Gary Valenciano, si Angeline ay tatayo bilang isa sa judges sa Idol Kids Phililpines.

Excited naman ang singer sa bagong trabaho na ipinagkatiwala sa kanya ng Kapamilya network.
"Actually nung natanggap ko yung balita na yun, nagulat din ako.
"As a judge, lalo na mga bata? Natakot ako nung una kasi mahirap mag-judge ng mga bata.
"Unang-una nagkaroon ako ng dalawang anak, paano ko sila kakausapin?
"Pero at the same time iniisip ko na lang ngayon, may bago na naman tayong pangarap na matutupad. Yun ang nagpalakas ng loob ko kapag nakilala na natin ang first Idol Kids Philippines.
"Lalo na nung nalaman ko si Sir Gary, 'tsaka si Ms. Regs, siyempre mga idol natin sila.
"Natutuwa ako na makatrabaho sila dito sa Idol Kids, lalo na si JK na first time kong maka-work.
"Nakakatuwa kasi ang daming naiambag ng bawat isa, kapag nagiging malungkot na o nagiging iyakan na ang eksena, ako talaga yung nagbabalanse."
Nagsimula nang mapanood ang Idol Kids Philipines kahapon, Sabado, June 28 at ngayong June 29, Linggo, 7:15-8:30 PM sa Kapamilya channel at A2Z.
Sa Kapamilya online live naman tuwing Sabado ng 8:00-9:15 PM at sa TV5, 8:15-9:30 PM tuwing Linggo.
