Bakas ang saya ni Pasig City Mayor Vico Sotto na makapiling ang mga magulang na sina Vic Sotto at Coney Reyes sa oath-taking ceremony niya bilang reelectionist.
Ginanap ang event sa tent area ng temporary Pasig City Hall sa Bridgetown sa Rosario, Pasig City, ngayong Lunes ng umaga, June 30, 2025.
Eksaktong 6:55 A.M. nagsimula ang programa na dinaluhan ng Giting ng Pasig, ang team ni Vico na nagtamo ng landslide at straight victory noong May 2025 elections.
Kasama ni Vico na umakyat ng entablado sina Vic at Coney nang manumpa ang alkalde para sa ikatlo at huling termino niya sa kanyang posisyon.
Ginawaran ni Vico ng halik sina Coney at Vic matapos siyang manumpa at noong nagpakuha siya ng mga litrato sa mga ito.
Sa kanyang speech, hindi nakaligtaan ni Vico na pasalamatan ang mga magulang.
Aniya: "Siyempre, last but not the least, sa aking pamilya, lalo na sa aking mama at papa.
"Nakita niyo naman, walang hihigit pa sa suporta na pinakita nila, hindi lang sa akin, kundi sa ating lahat. Maraming salamat, Papa and Mama."
Kabilang sa Giting Ng Pasig sina Pasig City Representative Roman Romulo at Vice-Mayor Dodot Jaworski—na parehong reelectionists at special mention sa speech ni Vico.
Lahat ng konsehal sa una at ikalawang distrito, kabilang ang aktres na si Angelu de Leon, ay nanumpa rin bilang bagong-halal na opisyal sa oath-taking ceremony.
Read: Vic Sotto proud of son Vico being the standard of good governance
VICO SOTTO'S MESSAGE TO DETRACTORS
Sa kabilang banda, diretso ang mensahe ni Vico sa grupo ng mga di pinangalanang indibidwal na aniya'y "nanira" sa kanya sa kampanya noong 2025 elections.
Pinigilan daw niyang magbitiw ng salita laban sa mga ito noong eleksyon dahil ayaw niyang mabahiran ito ng pulitika.
Pero sa kanyang oath-taking speech, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang 36-anyos na alkalde.
"Meron din pong ikalawang grupo ng mga Pasigueño, hindi ko alam kung mas malaki o mas maliit ito doon sa unang grupo.
"Pero meron pong mga hindi sumuporta, sumuporta sa iba, kahit na alam nila ang totoo.
"Meron tayong mga nakita na alam nila yung kandidato nila kung paano yumaman.
"Okay lang na di nila alam, e," napakumpas pang sabi ni Vico.
Pagpapatuloy niya: "Alam nila kung papaano yung kalakaran na ginagawa para makakuha ng malalaking kontrata sa nasyonal ng pamahalaan.
"Na pinakita pa sa kanila yung mga sasakyan, na sinabihan sila na, 'Ito binibigay namin sa mga congressman ng ibang distrito at mga partylist!'
"Nakita nila, narinig nila sa sarili nilang mata at tainga kung magkano yung mga kickback na binibigay nila sa mga pulitiko. Pero yun yung pinili nilang suportahan.
"Muli po, kung hindi nila alam, okay lang po sana. Kaso ang problema, alam nila. And that says more about them than it does about me.
"Sa mga taong ito, hinihikayat ko po sila mag-isip-isip na po nang maigi. Baka hindi pa huli para sa kanila."
Read: Kathryn Bernardo at Alden Richards may hidwaan ba?
VICO SOTTO ON HIS OPPONENTS
Sa puntong ito, nagpasintabi si Vico sa mga opisyal at panauhin sa kanyang marubdob na mensahe sa oath-taking ceremony.
Paliwanag ni Vico: "Pasensya na po kung medyo seryoso ang ating mensahe ngayong umaga.
"Pero may mga bagay po na kailangan ko rin sabihin para na rin sa aking proteksiyon at sa proteksiyon ng ating lokal na pamahalaan sa lahat ng ating ginagawa.
"May mga bagay po na hindi ko puwede sabihin noong panahon ng pangangampanya kasi baka sabihin political motive.
"Kapag political season, mahirap magsalita kasi sasabihin, 'Pulitika lang yan.'"
Sabay inanunsiyo ni Vico na hindi siya tatakbo sa 2028 elections.
Ikatlo at huling termino niya ngayong 2025-2028 bilang Pasig City mayor.
"Ngayon, wala nang politika. 2028 hindi ako tatakbo. Ngayon pa lang sinasabi ko na sa inyo," pahayag niya.
"Kaya malaya akong gawin kung anong tingin ko ang tama.
"Hindi niyo masasabihan na may bahid ng politika.
"Ang hindi ko masabi nung campaign period, ngayon puwede ko na masabi.
"Sa lahat ng aming katunggali, we extend a hand of peace, we extend a hand of unity.
"Kung maaari, magtulungan tayo para sa ikagaganda ng ating lungsod."
Pero may iniwang kondisyon si Vico.
"Ngunit," mariing sabi ni Vico bago bahagyang huminto sa pagsasalita para bigyang-diin ang kanyang kasunod na mensahe.
Seryosong pahayag ni Vico: "Ngunit, kailangan may managot sa mga krimen na naganap.
"Una na po diyan yung viral building permit na yan. Pero hindi naman yan yung talagang problema.
"Yung bilyun-bilyong piso ng buwis na utang ninyo sa nasyonal at lokal na pamahalaan, bayaran ninyo!"
Nagpalakpakan ang audience habang sandaling napatigil si Vico.
Sabay hirit niya, "Hindi po ako galit. Nagpapaliwanag lang."
Patama pa rin ni Vico sa kanyang detractors: "Gagawin lang po natin kung anong tama.
"At handa po ako makipag-usap kahit kanino, kahit sa taong siniraan ako, kahit sa taong sinabotahe ako, kahit sa taong gumastos ng napakalaki upang sirain ang ginagawa natin sa lokal na pamahalaan.
"Anyway, sa dulo hindi naman sila nagtagumpay."
Sabi pa ni Vico: "Kaya handa po ako makipag-usap. Handa po ako makipagkasundo. Kaya natin makipagtrabaho kahit kanino.
"Tutulungan ko pa sila. Ayusin lang nila ang mga problema nila sa BIR at sa business taxes sa ating lokal na pamahalaan."
VICO SOTTO THANKS SUPPORTERS
Buong pasasalamat ding inihayag ni Vico na "90 percent" ng Pasigueño ay sumuporta sa kanya at sa buong kaalyado niya sa Giting ng Pasig.
"Sa mga Pasigueño na sumuporta, sa mga Pasigueño na naniniwala sa direksiyon na tinatahak natin ngayon bilang isang lungsod...
"Maraming-maraming salamat po."
Ayon kay Vico, marami ang sumubok na mawalan siya ng loob sa "malinis at tapat na pamamahala" na sinimulan niya noong 2019 at itinaguyod sa mga sumunod na taon.
May nagpayo raw sa kanyang "kailangan ituloy yung mga lumang kalakaran, kundi wala na susuporta sa iyo na pulitiko pagdating ng 2022."
"Sinasabihan tayo, ‘Hindi puwede yan.’ Kasi totoo yung pagbabago natin—malinis, maayos, tapat na pamamahala ang gusto natin…
"Ang puhunan po natin sa laban na ito—siguro konting galing, konting talino. Pero ang totoong puhunan natin dito: paninindigan, ang ating katapangan, ang ating tigas ng ulo."
Sa huli, idiniin ni Vico na kasama sa Giting ng Pasig ang bawat Pasigueño na "patuloy na lumalaban sa pagbabago at reporma ng ating bayan."
Kabilang sa mga nahalal na konsehal sa District 1 ng Pasig sina Simon Tantoco, Kiko Rustia, Pao Santiago, Volta delos Santos, Eric Gonzales, at Paul Senogat.
Sa District 2, ang mga nahalal ay sina Angelu de Leon, Maro Martires, Buboy Agustin, Warren Inocencio, Boyie Raymundo, at Ryan Enriquez.
