Kumpirmadong muling magtatambal ang reel-and-real-life sweethearts na sina Jericho Rosales at Janine Gutierrez.
Isang teleserye na ipoprodyus ng Dreamscape at ABS-CBN Studios ang nakalinya nilang proyekto.
Sina Jericho at Janine ay nagkahulugan ng loob nang magkatrabaho sila sa Lavender Fields, ang prime-time series ng ABS-CBN Studios na umere noong September 2024-January 2025.
Ngayon pa lang ay excited na sila sa gagawing serye.
"Siyempre may ibang level kayo ng understanding. We both respect our craft," bungad ni Jericho sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Pagpapatuloy ni Jericho: "Siyempre, palagi kaming ganadung-ganado.
"Minsan nga natitigilan kami. Kasi minsan kaming dalawa na lang ang gising, kaming dalawa na lang ang nag-uusap tungkol sa eksenang gagawin naming dalawa.
"Parang ganun kasi, unang-una, mahal namin yung isa't isa.
"Siyempre I'm so excited kasi Lavender Fields was a really... parang testament on how well we work together, so excited ako na magkasama kami uling dalawa."
Sabi naman ni Janine, "Oo, pero anybody naman, I think, would be happy to work with Echo kasi magaling talaga siya.
"Of course, super excited kasi maganda talaga yung experience namin working together.
"Siyempre isa rin sa happy outcome ng Lavender Fields is nakilala ko siya. Looking forward to [when] we're doing work together."
Parehong bukas sa kanilang relasyon, ibinahagi nina Jericho at Janine na going strong sila.
"We're very, very happy. Things are going well. [We're] so grateful," ani Jericho.
Pagsang-ayon ni Janine, "Very grateful talaga and nagpapasalamat din talaga kami kasi sobra ang suporta ninyo all throughout, nung mga mahihirap na araw 'til now, so we're thankful."
Read: Matet de Leon hurt by insensitive comments during live selling
JERICHO ROSALES, JANINE GUTIERREZ ACTING AWARDS
Nakapanayam ng PEP ang couple sa 53rd Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation (GMMF), na ginanap sa RCBC Plaza noong June 29, 2025.
Parehong binigyan ng parangal sina Jericho at Janine dahil sa kanilang natatanging pagganap sa Lavender Fields.
Ipinagkaloob kay Jericho ang Primetime TV Drama Actor of The Year, at TV Supporting Actress of The Year naman si Janine.
Masayang reaksiyon ni Janine, "Happy, super grateful siyempre sa Dreamscape at sa ABS kasi nagkaroon kami ng ganitong karangalan dahil sa kanila."
Sa parte ni Jericho, bonus ang acting award para sa pagbabalik-teleserye niya sa Lavender Fields matapos ang limang taong nagpahinga siya sa paggawa ng TV shows.
"Feels so good! It's so nice kasi ang sarap bumalik tapos na-recognize ka.
"Ganito, bibigyan ka ng award, isang patunay na mahal mo ang trabaho mo, ginandahan mo, tapos magkasama pa kaming dalawa. Mas masaya."
Read: Gretchen Barretto, nasa listahan ng sangkot sa missing sabungero?
JANINE GUTIERREZ ON AWARDS FOR NORA, PILITA, RICKY
Sa kabilang banda, pinagkalooban din ng GMMF ng posthumous awards sina Nora Aunor, Pilita Corrales, at Ricky Davao para sa kontribusyon nila sa Philippine entertainment industry.
Si Nora ay adoptive mother ng ina ni Janine na si Lotlot de Leon. Si Pilita ay ina ng ama ni Janine na si Ramon Christopher de Leon. Si Ricky ay estranged husband ni Jackie Lou Blanco, na tiyahin naman ni Janine.
Pahayag ni Janine: "Siyempre, nagpapasalamat ang pamilya namin na patuloy na binibigyan ng parangal at pagmamahal ang mga kamag-anak namin.
"We're very grateful lang talaga sa lahat ng sumusuporta sa pamilya."
