Masaya at kuntento si Coco Martin sa relasyon nila ng girlfriend na si Julia Montes.
Para kay Coco, ang mga intrigang pinagdaanan nila ang nagpatibay ng kanilang pagsasama.
"Siyempre, respeto, pagmamahal, pag-aalaga sa isa't isa, saka yung tahimik na buhay," paglalarawan ni Coco sa sikreto sa relasyon nila ni Julia.
"Sabi ko nga, maraming intriga noong araw, pero yun din ang nagpatibay sa amin, e.
"Kung anuman ang mayroon kami, kung anuman ang relasyon namin, sa aming dalawa na lang yun.
"Maraming, maraming salamat sa lahat ng mga taong umunawa, at sa lahat ng mga tao na nandiyan at sumusuporta."
Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung nagiging dahilan ng tampuhan nila ang selos, kumpiyansa ang sagot ni Coco.
"Wala, walang ganun. Di nga namin halos nadaanan," ani Coco.
Dagdag niya, "Sabi ko nga, yung respeto talaga ang pinakaunang sikreto sa isang matibay na relasyon."
Nakapanayam ng PEP si Coco sa 53rd Guillermo Box Office Entertainment Awards, na ginanap sa RCBC Plaza sa Makati City noong June 29, 2025.
Hiningan ng PEP ng reaksiyon si Coco sa pasasalamat sa kanya ng co-stars niya sa defunct serye na FPJ's Ang Probinsyano hanggang sa ongoing serye niya na FPJ's Batang Quiapo.
Marami kasing dating artista ang nabibigyan ng tsansa na maging aktibo sa showbiz dahil sa pagpasok ni Coco sa mga ito sa cast ng pinagbibidahan nitong shows.
"Kasi lagi ko namang sinasabi, dun rin kasi ako nagsimula. Alam mo, napakaraming tao ang nagtulung-tulong, nagbigay sa akin ng opportunity.
"At ngayon kahit papaano na nandito tayo, ako naman yung nagbabalik sa mga tao na dapat tulungan, sa mga taong nagii-struggle na maghanap-buhay," paliwanag ni Coco.
Peg ni Coco ang namayapang King of Philippine Cinema na si Fernando Poe Jr. o FPJ na hindi lang nakilala bilang magaling na action star, kundi naging producer at director din ng maraming pelikula.
"Maraming salamat. Nagpapasalamat ako kay FPJ, na sa pamamagitan niya hanggang ngayon nakakapagbigay tayo ng trabaho. Kami, nabibigyan kami ng trabaho.
"Napakalaki ng tulong niya sa industriya, at sa lahat ng mga Filipino na nabibigyan niya ng inspirasyon, na hanggang ngayon nasa puso at isipan namin siya at buhay na buhay."
Read: Coco Martin treats her like a queen, Julia Montes swoons
COCO MARTIN ON NEW AWARD FOR FPJ'S BATANG QUIAPO
Nagbubunga naman ang pinagpaguran ng cast at creators ng FPJ's Batang Quiapo dahil consistent na top-rater ito.
Hinirang din sa 53rd Guillermo Box Office Enteratainment Awards ang FPJ's Batang Quiapo bilang Popular TV Program sa Primetime Drama.
"Masarap. Sabi ko nga, napakaespesyal ng award na ito and talagang pinaghihirapan namin.
"Inaalay namin ito sa lahat ng mga Filipino, at siyempre sa ABS-CBN, at sa lahat ng bumubuo ng Batang Quiapo," ani Coco.
Hindi pa raw nasasanay si Coco sa pagdating sa pagtanggap ng awards.
"Hindi, ninenerbiyos nga, e. Pagdating namin sa stage, medyo nanginginig ang mga tuhod namin, nagba-buckle kami.
"Sabi ko nga kanina sa speech ko, before 7 P.M. nandito na kami. Sobrang excited kami talaga na matanggap ang award na ito, kasi talagang pinaghihirapan namin siya.
"Hindi natsambahan o sinusuwerte lang—talagang pawis at pagod ang pinupuhunan namin para mapaganda namin yung show gabi-gabi."
Read: Coco Martin opens up about relationship with Julia Montes
COCO MARTIN ON MCCOY DE LEON
Kamakailan ay trending ang pagkamatay ng karakter ni David, na ginampanan ni McCoy de Leon.
May mga nagsasabing sana ay di pa tinapos ang karakter ni David.
Sabi naman ni Coco, "Actually, overdue na nga, e. Pero sabi ko nga, lahat ng pagkakataon may tamang timing, tamang pagkakataon.
"Matagal na, honestly, niloloko nga namin lagi si McCoy, 'Alam mo McCoy may pagka sa pusa ka.'
"Kasi sa totoo niyan, sa pilot lang siya, tapos humaba na siya nang humaba.
"Sobrang galing, sobrang bait, sobrang professional ng batang yun kaya nakakatuwa talaga siya na bigyan ng suporta."
Siniguro ni Coco na marami pang inaabangang kapana-panabik na mga kaganapan sa serye.
"Well, sa lahat ng mga Filipino, sinabi ko na almost every day wala nang preno ito, talagang dire-diretso na ito.
"Pinaputok na namin yung sikreto, e. Kumbaga, sabi ko nga, wala ka namang ibibigay sa mga Filipino kundi mapaligaya sila at makapagbigay ng inspirasyon sa gabi-gabing pagsuporta at pagmamahal nila sa amin."
Read: Coco Martin and Julia Montes reel-to-real romance: A Timeline
COCO MARTIN ON ABS-CBN STATUS
Samantala, kamakailan ay nabalitang unti-unti nang nakakabawi ang ABS-CBN dahil lumiliit ang porsyento ng pagkakautang nito mula nang mawalan ng prankisa noong 2020.
Sa official statement ni ABS-CBN President Carlo Katigbak, sinabi nitong walang plano ang kumpanya na mag-apply muli ng broadcasting license sa ngayon.
Tuluy-tuloy lang daw ang partnership, digital content, at international expansion ng ABS-CBN, at inaasahang makakabawi ang kumpanya sa susunod na 18 months.
Nang tanungin ng PEP si Coco ukol dito, sabi niya, "Alam mo, mahirap mag-comment diyan kasi siyempre business side yan, e.
"Pero kami, kung anuman ang maging desisyon ng ABS-CBN, nandito kami.
"Mga sundalo kami. Gagawa at gagawa kami ng mga magagandang teleserye at pelikula at magtutulung-tulong para sa industriya natin sa buong Pilipinas, hindi lang sa ABS-CBN."
