Pinasok na rin ng mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo ang pagtatayo at pagpapatakbo ng sariling record label company, ang G Music.
Read: Sarah Geronimo: Life Beyond the Spotlight
Tulad ng kanilang production company na G Productions at studio na G Studios, ang pangalan ng record label ay dala ang initial ng kanilang apelyidong Guidicelli at Geronimo.
"I am very good. We just launched our independent music label, G Music. We have our first single coming out soon," pagbabalita ni Matteo sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment reporters.
Pagpapatuloy niya: "We are in the advocacy of artists being also business savvy, not only in front of mic.
"Kumbaga, alam nila kung ano ang nangyayari sa likod. Transparency and collaboration is very important."
Tinanong din si Matteo kung hindi na ba sila bahagi ng Viva Artists Agency (VAA), ang talent management arm ng Viva Entertainment na pagmamay-ari ni Vic del Rosario.
Si Sarah ay prized star ng VAA mula nang siya ay magsimula sa showbiz, habang si Matteo ay naging Viva artist simula 2019.
"We're still in Viva. Viva is still our management," paglilinaw ni Matteo.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang PEP na mag-follow-up question kung bakit pinili nina Sarah at Matteo na magtayo ng sariling record label dahil mabilisan lang ang interbyu kay Matteo.
Ang Viva Entertainment ay mayroon ding film company arm, ang Viva Films, na siyang nag-produce ng mga pelikula ni Sarah na Miss Granny (2018) at Unforgettable (2019).
Ang kanila namang record label na Viva Records ay ang record label ni Sarah mula 2003. Mayroon siyang higit kumulang na 13 albums na Viva Records ang nagprodyus hanggang 2018.
Para sa mga bagong single ni Sarah noong 2022-2023, co-producers ang Viva Records at G Productions.
Hanggang sa nabuo na nga ang G Music ngayong taon.
Sa Instagram post ni Matteo noong July 26, 2025, inanunsiyo niya na ang G Music ang magiging bagong tahanan ng musika ni Sarah.
Bahagi ng pahayag ni Matteo: "For over 22 years, Sarah has poured her heart and soul into music. Today, she takes the next step: not just to be creatively empowered, but to own the music she creates - her work, her art, her legacy.
"We are deeply grateful to the mentors, management, and partners who have guided us through the years.
"Their support and wisdom have been invaluable. But we’ve also learned that true growth for an artist means understanding both the craft and the business, owning your creations, your voice, and your future."
Unang single sa ilalim ng G Music ang collab ni Sarah sa P-pop King na SB19, ang "Umaaligid," na nilunsad noong July 30.
Kasama sa credits ng music video ng "Umaaligid" ang Viva Artists Agency bilang manager ni Sarah.
Read: Rufa Mae Quinto's husband Trevor Magallanes dies
MATTEO GUIDICELLI ON STUDYING AT HARVARD
Seryoso si Matteo sa pag-aaral niya para sa pagpapaandar ng negosyo.
Noong Hunyo ay nag-aral siya ng Creating Brand Value, isa sa mga leadership programs sa Harvard Business School Executive Education sa Boston, Massachusetts.
Base sa official website ng Harvard, ang Creative Brand Value ay hindi full course kundi program na may modules. Apat na araw lamang ang required face-to-face classes para rito.
Ang tuition ay nagkakahalaga ng $11,750, kasama ang living arrangements.
Itinuturo raw dito ang best practices sa "designing, curating, and managing successful brands." May personal branding workshop din na kasama sa module.
Sa IG posts ni Matteo, makikitang nag-enrol siya sa program bilang founder ng G Productions, at ang iba niyang mga kaklase ay mga namumuno rin sa kani-kanilang kumpanya.
Kuwento ni Matteo: "This is my second course in Harvard. Very nice and enlightening. It's good to share with my company and my employees also."
Bakit niya naisip na mag-aral?
"Education is important. And always explore and expand what you know and share it with your people," sagot ni Matteo.
Late 2024 nang ibahagi niya ang pag-aaral niya ng Negotiation and Competitive Decision Making sa Harvard Business School Executive Education. Humigit kumulang four days ang required in-person classes.
Ang tuition ay nagkakahalaga ng $15,500, kasama ang living expenses, base pa rin sa official website ng unibersidad.
Read: Cristy Fermin charged with cyberlibel in Bea Alonzo case
EURO TOUR WITH SARAH GERONIMO
Samantala, nitong nakaraang buwan ng Hulyo ay nag-tour sa Europe ang mag-asawang Matteo at Sarah.
Doon na nagdiwang ng 37th birthday ang Popstar Royalty.
Sa magandang takbo ng kanilang pagsasama, marami pa rin ang nag-aabang kung may update na sa kanilang pagbuo ng pamilya.
"Baby? Wala pa nga," diretsong sagot ni Matteo.
Nakapanayam ng PEP si Matteo sa Easy Brand Food and Beverages Fair 2025 noong July 27, 2025, sa SMX Convention Center.
Guest of honor siya sa event, at bilang restaurant owner, mahalaga raw sa kanya na sumuporta ng local brands na nagagamit sa local businesses.
"This is the first time seeing this brand. I'd like to explore the brand more and what they are doing, and hopefully use it to my other businesses," pagtatapos ni Matteo.
(With additional text by Rachelle Siazon)
