Mainit na pinag-uusapan ngayon ang isyu ng online gambling at ang pagkalulong ng maraming Pilipino rito.
Ayon sa datos na inilahad ni Senator Win Gatchalian sa isang hearing sa Senado noong nakaraang linggo, lagpas na sa 32 milyong Pilipino ang naglalaro sa e-gambling platforms.
Ang bilang na ito ay halos kalahati na ng adult population sa bansa.
Read: Boxing gloves signed by General Torre up for auction at Boss Toyo’s shop
Dahil dito, iniutos ng Senado sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipatanggal sa e-wallet apps, tulad ng GCash at Maya, ang mga link nito patungo sa gambling apps upang hindi na raw maging madali ang pagtaya sa mga ito.
Matapos nito, bumaba raw ng kalahati ang mga transaksiyon sa online gambling, sabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ngunit hindi rito natatapos ang laban ng mga mambabatas laban sa online gambling.
Sa isang hearing sa mababang kapulungan noong Miyerkules, August 20, 2025, ibinulgar ng PAGCOR na mahigit sa 60 percent sa gambling sites na naa-aacess sa Pilipinas ay ilegal.
Ibig sabihin, ang mga ito ay hindi awtorisadong mag-operate sa bansa, kaya’t hindi makakakubra ang gobyerno ng buwis mula sa kanila.
Ayon kay Alejandro Tengco, chairman ng PAGCOR, marami sa mga ilegal na e-gambling platforms ay nakabase sa ibang bansa, tulad Russia, Singapore, at Cambodia.
Sinusubukan naman ng government agencies tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na i-block ang mga overseas e-gambling platforms ngunit nakakalusot pa rin ang mga ito.
Saad ni Tengco: “Marami na pong advances in technology. Yung tinatawag na mga VPN, hindi mo na po nakikita kung ano yung operations nila na nagmumula sa abroad.
"Virtual private network po yata yun. Definitely bina-block nila pero nakakalusot pa rin.”
Read: Judge Frank Caprio, world’s "kindest judge," dies at 88
E-GAMBLING DISGUISED AS LIVESTREAM PLATFORMS
Sa parehong hearing ay ibinulgar ng isang mambabatas na malaki ang nakukubra ng overseas gambling platforms mula sa mga Pilipinong tumataya rito.
Ayon kay FPJ Panday Bayanihan Party-List Representative Brian Poe, may walong illegal platforms na kumikita ng $50 million hanggang $70 million bawat buwan.
Ang walong ito ay Poppo Live, Awaz, Vone, BoloUP, Halla Live, Niki Live, Ximi Video Live, Gem Gala, Himme, at HiChat.
Pahayag ng congressman, hindi raw nakakakolekta ang gobyerno ng buwis mula sa bulto-bultong kita ng mga ilegal na online sugalan.
“If you combine that per annum, we’re looking at basically $1.4 billion, which could be revenue because of the 30% that we’re supposed to be getting. That’s equivalent to P82 billion a year, just from these eight companies alone,” saad ni Poe.
Bukod din dito ay pinansin ng mambabatas ang tila pambubudol ng mga nasabing app dahil nagpepresenta ang mga ito bilang ibang serbisyo.
“These companies continue to operate and target Filipinos. Let’s take, for example, Poppo Live, which continues to operate.
"What many people don’t know is that it operates under the guise of a normal gaming app on Google Play, but there is a sophisticated network of converting tokens into actual cash,” saad niya.
Kung titingnan nga naman ang opisyal na Facebook page ng Poppo Live ay nagpepresenta ito bilang isang livestream at chat app para sa mga Pilipino.
Ngunit kung sisiyasatin ang mga features ng naturang app na galing sa Singapore ay makikitang may mga sugal dito. Sa katunayan, may mga Facebook groups kung saan pinag-uusapan ng mga Pilipinong miyembro kung paano ang magsugal sa Poppo Live.
Dahil diyan, umapela si Poe sa mga ahensiya ng gobyerno na palakasin ng PAGCOR ang mga departamento nitong makakapagpabawal sa illegal overseas gambling platforms.
Si Congressman Brian Poe ay anak ni Senator Grace Poe, at apo ng yumaong King and Queen of Philippine Movies na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces.