"Ganito kagarapal ang sistema sa hatian ng isang maanomalyang proyekto."
Ito ang paglalarawan ni Senator Panfilo Lacson sa kanyang exposé sa diumano'y sabwatan ng mga aniya'y korap na pulitiko, mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at contractors.
Sa kanyang privilege speech sa Senado noong August 20, 2025, inilatag ni Lacson ang imbestigasyon ng kanyang team sa flood control projects na nabibigyan ng milyun-milyon, kundi man bilyun-bilyong pondo kada taon.
Ito ay kasunod ng pagsisiwalat ni President Ferdinand Marcos Jr. ng Top 15 contractors na hati-hating tumanggap ng 20 porsiyento mula sa PHP545 billion budget ng DPWH mula Hulyo 2022.
Sa detalyadong exposé ni Lacson, tinalakay niya ang "kalakaran ng mga kontratista at mga kasabwat sa gobyerno," "mga palpak na proyekto dahil sa substandard na materials," at "patunay na bilyun-bilyong congressional insertions."
Kasabay nito ay ipinakita rin niya ang "patuloy na pagbaha sa iba't ibang lugar na paulit-ulit na binubuhusan ng bilyun-bilyong pondo" at "mga tinatawag ng Pangulo na 'guni-guni' o ghost projects."
Nagpakita si Lacson ng datos na PHP1.9 trillion ang inilaang pondo ng DPWH para sa flood control projects mula 2011 hanggang 2025.
Mula sa pondong iyon, PHP1.001 trillion ang ibinuhos na pondo para lamang sa taong 2023-2025.
Ganoon kalaki ang inilobo ng budget.
Pero diin ni Lacson, sa kabila ng malaking pondo ay nananatiling malubha ang problema sa baha, na kitang-kita ng taong-bayan nito lamang nagdaang dalawang buwan kung saan humagupit ang sunud-sunod na bagyo sa bansa.
Related articles:
- Mayor Vico Sotto calls out broadcasters over Discaya interviews
- Korina Sanchez camp slams Mayor Vico Sotto's "slanderous" FB post
- Julius Babao, itinangging tumanggap ng P10M sa Discaya interview
SENATOR LACSON ON HOW PUBLIC FUNDS GETS "MASSACRED"
Inihalintulad pa ni Lacson sa "massacre, katay, at cake" ang aniya'y sistema ng paghahati-hati ng mga korap sa pondo para sa flood control projects.
Base sa datos na nakalap ng kanyang team, "swerte" pa raw kung umabot ng 40 porsiyento ng pondo ang mapunta sa mismong pagpapagawa ng istruktura.
Ipinaliwanag ni Lacson na kung halimbawa ay may PHP100 billion na pondo, ang lehitimong deductions ay mapupunta sa mga sumusunod: 5 percent sa VAT, 2 percent sa withholding tax, 1 percent sa bonds and insurance, 1 percent sa materials testing, at 8-10 percent para sa "allowable contractor's profit."
Pag naibawas na iyon, PHP82 billion ang matitira sa pondo.
Ang masaklap, ayon kay Lacson: "Kakatayin pa ang budget para sa mga lagay, commissions, SOPs [standard operating procedures], at iba-iba pang terminong binubuo para sa shares ng mga korap."
Napag-alaman daw ni Lacson ang "modus" sa hatian sa kickback.
May "8 to 10 percent" para raw sa mga "official ng DPWH" o "district engineer." Suwerte na raw kung papayag ang district engineer sa six percent na share nito.
May karagdagan pang "2 to 3 percent" share para sa district engineering's office "kung may sosobra sa contractor project."
Ang tawag daw dito ay "reseta" dahil "computed o nakareseta na" ng district engineering's office ang presyo na waring gamot "na lulunukin na lamang ng mga contractor."
May "5 to 6 percent" para sa bids o awards; "0.5 to 1 percent" para sa Commission on Audit (COA); at may "passing through o royalty o lagay" na "5 to 6 percent" para sa "politikong may kontrol sa distrito kung saan iimplementa o itatayo ang proyekto."
Ang ikinalula pa raw ni Lacson, "20 to 25 percent" ang napupunta sa "funder o project proponent" o politikong naghanap ng pondo para sa proyekto.
Sa loob ng halos isang oras na talumpati ni Lacson, isa-isa nitong ipinakita ang "case studies" niya ng iba-ibang lugar sa bansa na binigyan ng daan-daang milyon, kundi man bilyon, na pondo para sa flood control projects.
Nakakapanlumo dahil maraming naipakitang lugar si Lacson na ginastusan nang husto, pero substandard ang proyekto kaya mabilis gumuho kahit na bagong tayo pa lamang.
Paano raw nangyari na taun-taon na lang ipinagkakatiwala sa iisang contractor ang rehabilitation o pagpapagawa ng flood control project sa isang lugar, pero laging pumapalpak ang ipinapatayong istruktura.

"SUBSTANDARD PROJECTS" IN ORIENTAL MINDORO
Nadiskubre raw ni Lacson at ng kanyang team ang "pattern" ng korapsyon dito.
Isa sa case studies ni Lacson ay ang bayan ng Naujan, Oriental Mindoro, na naulanan ng PHP19.2 billion na pondo para sa flood control projects mula 2022-2025.
Sa Barangay Tagumpay, nalaanan sila ng PHP2.55B na pondo mula 2023-2024 para sa sampung proyekto kaugnay ng paggawa ng Road Dike sa Mag-asawang Tubig at Bucayao River.
Napag-alaman ng team ni Lacson na dalawang beses na raw iyon nasira ngayong 2025.
Sa drone shots pa lamang na kuha ng team ni Lacson, makikita na raw na sa halip na graba ay buhangin ang ginagamit sa pagtayo ng dike. O kaya ay hindi raw malalim ang pundasyon ng istruktura kaya mabilis na gumuguho pagdating ng sakuna.
Binanggit din ni Lacson ang Barangay Inarawan, na isa raw sa naulanan ng PHP1.764B na pondo para sa flood control noong 2023-2024.
Gumuho rin ang bahagi ng river dike sa lugar, na gawa ng iisang contractor, na isa sa naiulat na Top 15 contractors na nabigyan ng malaking pondo para sa paggawa ng flood control projects sa bansa.
"GHOST PROJECTS" IN BULACAN
Higit pa roon, natukoy rin ni Lacson ang hindi bababa sa apat na lokasyon sa Bulacan na narehistro sa DPWH na "completed" ang status ng flood control projects noong 2023 at 2024.
Kabilang dito ang riverbank protection structures para sa Carillo, Abulalas, Barangay Iba, at Barangay San Nicolas sa Hagonoy, Bulacan.
Pare-parehong PHP77.199 million ang pondong inilaan kada proyekto.
Pero nang i-check ng team ni Lacson ay wala raw ni isa sa mga iyon ay naitayo.
"Nakikita niyo ba? Di niyo talaga makikita," sabi ni Lacson base pa rin sa kanyang presentation sa Senado.
Hindi raw "kababalaghan" kundi "well-orchestrated organized network of people who abuse their power" ang may kagagawan ng nabanggit na "guni-guni projects."
Tukoy pa ni Lacson sa pondong inilaan ng gobyerno sa mga ito:
"All these went straight to the pockets of the insatiably greedy, so vile, so greedy, and corrupt politicians, DPWH officials, and contractors conniving among themselves, unmindful of the lives lost and properties destroyed, all for the lust of money."
Binanggit din ni Lacson na isa pong modus ay ang mismong grupo ng district engineer ay natukoy niyang "sindikato" na sangkot sa "substandard at ghost projects."
Manghihiram daw ang mga ito ng lisensiya sa "suking contractors" at sila na ang mag-i-implement o magpro-process ng dokumento para lumabas na "completed" sa DPWH.
Handa raw si Lacson na isumite ang mga pangalan ng mga ito sakaling magkaroon ng pormal na imbestigasyon.
BENJAMIN MAGALONG on fight against corruption
Samantala, isa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga tumututok sa kontrobersiya sangkot ang diumano'y mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Nasa live audience ang alkalde nang i-deliver ni Senator Panfilo Lacson ang kanyang privilege speech sa Senado.
Naroon din sa Senado ang veteran broadcaster na si Jessica Soho para sa special report ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) na umere kagabi, August 24, 2025.

Eksklusibong nakapanayam ni Jessica si Magalong, na noon pang 2024 ay naging bukas sa nadiskubre nitong diumano'y sistema ng "overpricing" sa ilang DPWH projects sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Kumausap daw si Magalong ng supplier ng DPWH para makuha ang costing ng solar cat's eyes o reflective light na ginagamit sa mga daanan, at saka ikinumpara ito sa costing ng DPWH.
Napag-alaman daw ni Magalong na ang actual unit cost ng cat's eyes ay PHP1,350; pero ang nakalagay raw sa detailed unit price analysis ng DPWH ay PHP11,720.
Ibig sabihin, may overprice raw na PHP10,370 per unit.
Iyon namang yellow barrier per meter sa kalsada ay inilaanan umano ng PHP121,330 na pondo, pero ang actual price ay PHP20,000.
Iyong rock netting na ginagamit pampigil sa pag-erode ng lupa ay PHP25,000 per square meter daw ang nakalista umanong pondo sa DPWH, pero ang actual price raw nito ay PHP6,000 kada square meter lamang.
Napag-alaman daw ni Magalong na mula 2017 to 2023 ay may PHP43.57 billion na naitalang pondo ng DPWH sa CAR para lamang sa rock netting.
Tingin ni Magalong, PHP28 billion ang napunta umano sa kickback.
Nagsagawa raw si Magalong ng sariling imbestigasyon dahil bigo siyang makakuha ng lead mula sa DPWH.
Paliwanag ni Magalong sa KMJS: "Humihingi ako ng data sa DPWH. Pinapaikot ako.
"Minsan nga nag-request na ako through the regional council to compel DPWH to provide me with contracts.
"Ang sabi ng DPWH, 'Bibigyan ka na lang namin ng link.'
"Binuksan namin link, isang linggo na kami click nang click, wala kami makita."
Kaya humingi raw ng tulong si Magalong sa NEDA para magsagawa ng pag-aaral ukol dito.
"Dun namin nabisto. Ang tindi pala," ani Magalong.
Read: Korina Sanchez: "I'm not guilty of anything wrong."
BENJAMIN MAGALONG ON "COLLUSION" IN ANOMALOUS PROJECTS
May nakausap din daw si Magalong na contractor na nagbahagi ng sistema ng hatian sa proyekto ng mga magkasabwat na mambabatas, official ng DPWH, at contractor para makakulimbat umano ng pondo.
"Ta's nakausap ko isang contractor. Sabi, 'Pagod na kami kade-deliver sa kanila.' 'Magkano ba kinukuha sa yo?' 'Forty percent.'
"Tinanong ko sa kanya, 'Sino ba binibigyan mo?' Meron siyang mga binanggit sa akin na mambabatas.
"Tanong ko sa kanya, 'Ilan ba kayong contractor?' 'Sir, sa grupo namin, pito kami. Pero hindi ako ang contractor. Isang contractor lang po kami.'
"'Kaya nga, sinu-sino kayong named contractor?' 'Sila rin po.' Yung mga pulitiko rin. 'Sino ang supplier?' 'Sila rin po.' Triple whammy na."
Bilang lead convenor ng Mayors For Good Governance, desidido si Magalong na isulong ang pagkitil sa korapsyon.
Ayon kay Magalong, kakaunti lamang ang 202 current members ng grupo dahil marami ang natatakot mawalan ng pondo sa oras na magsalita ukol sa katiwalian sa gobyerno.
"Yan ang katotohanan. Yan na yung sistema. Good governance has become an exception rather than the norm," saad niya.
Pero tulad daw ng sinabi ni Lacson, diin ni Magalong, "Don't get frustrated."
Naniniwala si Magalong na dumarami ang handang labanan ang baluktot na sistema ng korapsyon.
Read: Benjamin Magalong, may sagot sa pasaring ni Richard Gomez

VICO SOTTO ON QUASHING CORRPUTION IN LGU-LEVEL
Isa rin si Pasig City Mayor Vico Sotto sa bukas sa pakikipaglaban sa korapsyon.
Sa kanyang Facebook post noong August 11, 2025, ikinatuwa ni Sotto ang paglantad ni President Marcos Jr. sa Top 15 contractors na sangkot sa diumano'y maanomalyang flood control projects sa bansa.
"Ngayon, unti-unti nang nalalaman ng taumbayan ang buong katotohanan.
"As the President told them during the SONA, 'MAHIYA NAMAN KAYO!'" ani Sotto.
May outline din si Sotto ng aniya'y "kalakaran" ng korapsyon sa procurement ng proyekto sa local government unit (LGU).
Open secret daw iyon sa gobyerno.
"Mga kapitan at politikong kasama rin naman nila ang unang nagkuwento sa akin kung pano ang ginagawa nila...
"THE 6 STAGES OF CORRUPTION:
"(1) Procurement/bidding pa lang maaaring may anomalya o collusion na;
"(2) Sa project implementation mismo, maaaring SUBSTANDARD, o gaya ng sabi ng Pangulo mismo nung SONA, 'yung iba ay GUNI-GUNI lang';
"(3) May mga SOP o porsyento na diumano'y umaabot sa mahigit kalahati ng project cost (Mayor Magalong and Sen. Lacson have both talked about this recently);
"(4) May corruption na mga sa proyekto, hindi pa nagbabayad ng tamang buwis sa BIR;
"(5) Kulang din ang binabayaran nilang business taxes sa LGU. Yung isang kompanya, top contractor, pero nagdeklara sa LGU ng ZERO gross revenue. Grabe, diba?;
"(6) Pag master na ang 1-5, papasok na rin sa politika. Yung 1% ng nakaw ibibigay sa tao bilang 'tulong' Para magmukha silang mabait
"..buti na lang puro talo kandidato nung taga-Pasig, pati sa Partylist."
Hiling ni Sotto, sana raw ay makibahagi ang mismong taong-bayan sa pagsugpo sa korapsyon.
Apela ng Pasig City mayor sa mga nasasakupan: "Pasigueños, it may be difficult and even dangerous, but let's do our part in exposing and ending these systemic practices of corruption.
"For the LGU's part, first, we will send to the President all of the information and red flags that we see.
"Second, we will continue the cases against these people so that we can collect the MILLIONS IF NOT BILLIONS OF PESOS that they owe the LGU in business taxes.
"Makolekta lang natin ang utang nilang Business Tax sa LGU, may pondo na ang Pasig para ipagawa ang Building para sa Judiciary at National Government Agencies nang wala nanamang binabawasan mula sa ibang programa!"
Desidido rin si Sotto na matuklasan kung mayroon man sa Pasig City na sangkot sa kontrobersyal na flood control projects.
Sa FB post niya kahapon, August 24, sinabi ni Sotto na pinaghahandaan na niya ang pagkalap ng datos para ma-check kung sinu-sino ang dapat managot.
PASIG CITY'S SAVINGS FRoM PROCUREMENT REFORMS
Noon pa man ay isinusulong na ni Sotto ang "transparent at honest governance."
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Sotto noong July 2025, ipinaliwanag niya na noon pang 2019 ay ipinatupad niya ang reporma sa sistema ng procurement ng proyekto.
Wala nang kickback. Wala nang SOP kung tawagin sa gobyerno.
"We saved PHP1 billion per year," pahayag ni Sotto.
At ngayong nanalo siya para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang mayor ng Pasig, inaasahan ni Sotto na may kabuuang PHP9B na maiipong pondo ang lungsod.
Iyon ang inilaan para sa pagpapatayo ng bagong Pasig City Hall, kasama ang mga kagamitan at gadgets para sa opisina ng mga empleyado, nang hindi binabawasan ang pondo para sa ibang programa ng lungsod.
