PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Vico Sotto explains need to call out journalists on Discaya issue

Vico on fighting corruption: "Todo na 'to, kumbaga. Kailangan may managot."
by Rachelle Siazon
Published Aug 26, 2025
Pasig City Mayor Vico Sotto explains importance of confronting corruption issues
Pasig City Mayor Vico Sotto explains why he's so outspoken when it comes to the Discayas' alleged anomalies and why he criticizes journalists who interviewed the Discaya couple.
PHOTO/S: Rachelle Siazon

Nanindigan si Pasig City Mayor Vico Sotto na kinailangan niyang magpasaring sa sikat na journalists na maging responsable sa ipinapakalat na impormasyon sa taong-bayan.

Kontrobersiyal ang pagkuwestiyon ni Vico sa beteranong journalists na pumayag bigyan ng spotlight ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.

Si Sarah ay natalo ni Vico sa pagka-alkalde noong May 2025 elections.

Pag-aari ni Sarah at mister niyang si Curlee ang Pasig-based contracting company na St. Gerrard Construction.

May iba pang contracting companies ang Discaya couple na nauugnay ngayon sa mga diumano'y maanomalyang flood control projects na iniimbestigahan sa Senado, pati na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa Facebook post ni Vico noong August 21, may pasaring siyang hindi raw ba napaisip ang sikat na journalists kung bakit handang magbayad ang mga Discaya ng "P10M" kapalit ng interbyu.

Nadawit sa isyu ang veteran broadcast journalists na sina Julius Babao at Korina Sanchez.

Hindi sila direktang pinangalanan ni Vico, pero kalakip ng FB post ng alkalde ang screenshots ng hiwalay na interbyu nina Julius at Korina sa mag-asawang Discaya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Mariing pinabulaanan ni Julius at ng executive producers ng programa ni Korina ang pahiwatig na sila ay tumanggap na PHP10 million kapalit ng kani-kanilang interbyu sa mag-asawang Discaya.

Related articles:

MAYOR VICO SOTTO explains INTENTION OF HIS FACEBOOK POST

Eksklusibong nakapanayam si Mayor Vico sa Models of Manila vlog na in-upload sa YouTube noong August 25, 2025.

Hiningan ng pahayag ang alkalde ukol sa isyu, pero hindi siya nagbanggit ng mga pangalan ng journalists na nauugnay rito.

Saad ni Vico: "With regard to media or some media personalities or shows, sa akin, kung ano yung kinailangan ko sabihin tungkol sa topic na yan, nasabi ko na.

"Di naman ako gumagawa ng issue para magpasikat, e, but I believe that there are things that we need to talk about.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"And not only for media, but same, for us in government."

Sumang-ayon din si Vico na kasama ang vloggers sa dapat maging responsable sa pagpapakalat ng impormasyon.

"Pero ang point ko lang dito, kung gusto nating umayos ang Pilipinas, kahit hindi siya comfortable, kahit minsan parang awkward or nakakahiyang pag-usapan...

"Again, hindi tayo confrontational madalas, pero kung gusto nating umayos tayo, kung gusto nating mag-level up bilang isang bayan, kailangan simulan natin sa aaminin natin yung problema.

"Pag-usapan natin."

Hindi raw kasi maitatama kung hahayaan lang magpatuloy ang sistema, na kung hindi man illegal ay unethical.

Paliwanag niya: "At the very least, kailangan magsimula tayo sa ganun. Ta's next na yung accountability, di ba? Kailangan may managot. Yun na yung mga next steps.

"But paano ka makakarating sa punto na gumagawa ng tama ang lahat or hindi acceptable yung practices of corruption, kung ayaw man lang natin pag-usapan?"

Ang punto ni Vico, mahalaga ang mainstream media pagdating sa pagbabalita ng kung ano ang tama at mali sa isang kandidato.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Naungkat kasi ng vlogger ang bahagi ng FB post ni Vico na mabuti na lang at siya ang kumandidato sa Pasig dahil kung mahina-hina raw ang kandidato ay baka naluklok pa sa puwesto si Discaya.

"Kumbaga, ito yung mga factors na nag-ano sa kanya, nagpalakas sa kanya...

"Yung parating ginagamit nila para yung mga corrupt na politiko, para they could stay in power o para yung iba, para pumasok sa politika," ani Vico.

Waring ipinupunto ni Vico na dahil puro positibo ang naha-highlight sa mga Discaya ay naisantabi ang mga mahalagang isyung dapat sana'y mas nakilatis ng mga botante.

Sa vlog ni Julius at sa programa ni Korina, ipinakita ang "rags-to-riches" na kuwento ng pinagmulan ng mag-asawang Sarah at Curlee.

Na-highlight na "inspirational" ang mag-asawa dahil naging "bilyonaryo" sila dahil sa kanilang "sipag" at "tiyaga" mula sa dati-rati'y "walang-wala."

"Lifestyle" ang anggulo ng interbyu, at walang banggit sa mga isyu sa negosyo ng mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi pa naisapubliko noong panahon ng eleksyon ang isyu sa flood control projects kaugnay ng mga kumpanya ng mag-asawang Discaya.

Pero sa interbyu kay Vico ng news reporters noong October 2024, isiniwalat niyang may mga isinasagawang imbestigasyon sa negosyo ng mga Discaya na may kaugnayan sa “fraud, misdeclarations, paggamit ng dummy, anomalies in different contracts" hindi lang daw sa Pasig kundi sa ibang parte ng bansa.

Balik sa latest interview kay Vico sa Models of Manila TV, idiniin ng alkalde na may responsibilidad ang mainstream media sa paggapi ng korapsyon.

"Kasi konektado lahat yun, e. Umiikot yung pera, umiikot yung... Isang malaking sistema yan, e, na unti-unti dapat nating binabasag."

Aminado si Vico na iba-iba ang reaksiyon sa nabuksan niyang isyu sa media ethics.

Dugtong niya: "At least, sa akin, agree ka sa akin o hindi, siyempre hopefully mas marami na agree, pero agree ka sa akin o hindi, at least mapag-usapan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Sa akin, panalo na yun. Mapag-usapan lang natin, that's a big win already."

Marami rin daw nakausap si Vico sa mundo ng pulitika at media na tutol sa mga unethical na sistema.

"And even in other fields. Gigil na gigil din sila, pero natatakot o nahiya silang magsalita.

"Siyempre, may kaibigan sila, may boss sila... So parang, ang dami nang nag-text sa akin sa totoo lang, e, without mentioning names, of course.

"'Salamat. Yun, gusto naming i-bring up talaga yan, kaso wala kaming magawa.'"

Nanindigan si Vico na hindi pulitika ang motibo niya.

"Kasi kung iisipin ko pulitika ko, hindi ako magsasalita. Kung iniisip ko lang self-preservation o para iangat yung [sarili ko], hindi ko gagawin yun sa totoo lang.

"Sa akin kasi, minsan yung ibang sinasabi ko rin o ibang ginagawa ko, parang para sa akin, sayang yung opportunity na ibinigay sa akin ng Diyos at ng tao kung magba-back away lang ako pag may mga ganung pagkakataon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Samantalahin ko na yung pagkakataon."

VICO SOTTO ON SPEAKING UP AGAINST DISCAYA "ANOMALIES"

Nanindigan din si Vico na hindi pamumulitika ang motibo niya sa paglantad ng mga diumano'y anomalyang kinasasangkutan ng negosyo ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.

Kung ang intensiyon niya raw ay siraan ang mga Discaya, sinabi na raw sana niya kung anuman ang nalalaman niya noong panahon ng kampanya.

"Dahil nga kalaban ko sa pulitika, medyo nag-ingat din ako," saad ni Vico.

"May mga bagay na gusto kong sabihin, kaso alam kong madi-dismiss as politics or political statement, sasabihin ng iba.

"Kung wala akong inside information, yun din yung iisipin ko. Sasabihin, 'Ay, kaya niya sinasabi yan kasi kalaban siya sa pulitika, e.'

"Yung sinasabi ko tungkol sa taxes nila na maraming kulang o misdeclarations — city level and BIR level — kung sinabi ko yun ng campaign period, iisipin ng iba political, e."

Hangga't maaari ay nagpokus daw si Vico sa plataporma niya para sa mga Pasigueño noong siya ay nangampanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagpapatuloy ni Vico: "Kaya nag-antay ako. Sabi ko, 'Sige, hindi, okay lang. Basta magsisipag ako sa campaign.'

"Siyempre, may di maiiwasan sa pulitika may konting jab-jab, kumbaga...

"Pero hindi ko ginamit sa totoo yung mga bala ko laban sa kanila noong campaign period."

Hanggang sa nahalal nga si Vico para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang Pasig City mayor.

Sa proklamasyon niya noong July 30, sinabi ni Vico na kailangang managot ang nakalaban sa pulitika na mayroon umanong "bilyun-bilyong piso ng buwis na utang" sa nasyonal at lokal na pamahalaan.

Dati nang nabanggit ng alkalde na namamangha siya na sa kabila ng malalaking proyekto ay may zero tax umano na isinumite ang di pinangalanang kompanya.

Read: Lacson, Magalong bare kickback scheme in anomalous DPWH deals

DISCAYA BUSINESSES LINKED TO ALLEGED ANOMALOUS PROJECTS

Ngayon ay nagsanga-sanga ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng negosyo ng mga Discaya.

Noong August 11, ipinost ni Vico sa kanyang Facebook page na pag-aari rin ng mga Discaya ang dalawa sa Top 15 contractors na sangkot sa mga kinukuwestiyong flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Top 2 ang Alpha and Omega General Contractor at Top 3 ang Timothy Construction Corp., base sa ulat mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noon ding August 11.

Sinundan ito ni Vico ng pag-repost ng pahayag ni Iloilo Mayor Raisa Treñas na ang kumpanya ng mga Discaya ang may hawak ng apat na flood control projects na "nasa P120-P150M" ang pondo kada proyekto at may total na pondo na "P570M."

Sa kanyang Facebook post noong August 12, saad ni Vico: "As per Mayor Treñas, 'These projects are either NON-FUNCTIONAL, have CAUSED FLOODING, or are, in some cases, practically NON-EXISTENT.'"

Sa hiwalay na episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong August 24, iniulat na ang St. Timothy Construction ang isa sa siyam na contractors na may hawak sa construction ng dike sa lugar.

PHP1.9B ang kabuuang pondo para sa siyam na dike, na kinukuwestiyon ngayon sa Senado dahil madali itong nasira ng bagyo dahil diumano'y sa "substandard" quality ng construction.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pinuntahan ng KMJS ang nakalistang address ng St. Timothy Construction, na natagpuan nila sa building ng St. Gerrard Construction.

Wala raw humarap sa KMJS para magbigay ng pahayag tungkol sa isyu.

Read: Mayor Vico Sotto's speech at proclamation ceremony

MAYOR VICO SOTTO ON filipinos shying away from confrontation

Para kay Vico, tama lang na malaman ng taong-bayan ang mga isyu ng korapsyon sa gobyerno.

"Pangulo na ang nagsalita, e. Kailangan samantalahin natin yung pagkakataon na habang Pangulo mismo ang nakatingin, i-expose na natin ito.

"Todo na 'to, kumbaga. Kailangan may managot."

Sa puntong ito, ipinaliwanag ni Vico na higit kailangan ngayon ang paninindigan sa tama.

"Minsan kasi, tayong mga Pilipino, it can be good or bad ano, pero minsan tayo, hindi tayo... mababait tayo, e.

"May aspeto din na hindi siya maganda kasi hindi tayo masyadong confrontational din, di ba?

"Pagka galit ka sa workmate mo, hindi mo naman siya kukomprontahin, e. Paparinig ka, sisiraan mo siya behind his back, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Hindi naman sa nilalahat natin, but aminin natin, di ba, may konting ganung tendency tayo. Hindi tayo confrontational."

Ang punto ni Vico, hindi raw dapat mangilag na magsalita kung nasa tama.

Patuloy niya: "Pero sa larangan ng governance, sa ating pamahalaan, ito na siguro yung tamang panahon na maging confrontational tayo.

"Hindi lang dahil gusto nating mag-ingay, hindi dahil gusto natin gumawa ng issue, hindi dahil sa ano pa man.

"Pero kailangan may managot para hindi na maulit.

"Kasi kung alam mo yung gumagawa ng hindi maganda, makakapal ang mukha... Baka ma-misinterpret yung sinasabi ko..."

Ang pagbabago na hiling ni Vico ay maaari raw simulan sa mga simpleng bagay.

Paliwanag pa niya: "Yung pagnanakaw kasi, yung corruption sa pamahalaan, nagsisimula yan sa maliit lang naman, e.

"Yung mga nakikita natin ngayon na may ghost project na worth billions, may substandard, yung kumi-kickback o nagbibigay ng kickback na umaabot sa million, billion, di naman yan nagsimula na may billion-peso project kaagad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Nagsimula yan, maliit. Baka kumukupit lang yan ng one hundred pesos kung saan. Wala naman malaki kaagad, e.

"E, lagi ko nga sinasabi, everything — good or bad — that is, big starts with something small. The big things of tomorrow start with little things today, good or bad.

"Kaya simulan na natin. Ayusin natin."

Kailangan din daw may consistency sa desisyon at aksyon.

Dagdag ni Vico: "Siguraduhin natin na may makakasuhan. Siguraduhin natin na kumpleto yung ebidensiya.

"Siguraduhin natin na may makukulong, may mananagot, nang sa gayon hindi na siya maulit."

Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman

VICO SOTTO ON ANOMALOUS DPWH PROJECTS

Nausisa rin si Vico tungkol sa nabanggit niyang "six stages of corruption" sa kanyang Facebook post noong August 11.

Kaugnay ito ng mga diumano'y maanomalyang flood control projects ng DPWH.

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang privilege speech ni Senator Ping Lacson, kunsaan inilantad niya ang diumano'y hatian ng mga politiko, opisyal ng DPWH, at contractors sa pondong nakalaan para sa flood control projects.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ano ang nalalaman ni Vico ukol dito?

Pahayag ng Pasig City mayor: "Yung detalye, di ko man kayang sagutin kung ano yung mga detalye sa ginagawa nila.

"Pero, well, nakakalungkot at nakakagalit, e. Alam naman natin yung kalakaran, e. Alam naman natin na may porsiyentuhan.

"Di ba, sa ibang larangan pag sinabi mo yung SOP, standard operating procedure, yan yung mga dapat mong sundin — step A, step B, step C, standard nga, e.

"Kung engineer ka, may SOP ka. Kung accountant ka, may SOP ka sa trabaho mo.

"Nakakalungkot na sa gobyerno, yung salitang SOP, yung standard, ay yung corruption. Yun na yung standard."

Sabay binanggit ni Vico ang exposé ni Senator Lacson, pati na rin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, pagdating sa sistema ng korapsyon.

Sabi ni Vico sa panayam ng vlogger: "The percentages, maganda yung breakdown ni Senator Ping Lacson. At si Mayor Magalong also.

"Mayor Magalong has been very vocal about it. I'm happy to be a member alongside him of M4GG [Mayors for Good Governance].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Malinaw naman yung mga percentages na sinasabi nila, di ba?"

Sa paglalahad ni Lacson, 20 percent ang nakukubra ng proponent, funder, o politikong nangasiwa ng proyekto, at 8 to 10 percent sa district engineer o DPWH official, at extra pang 2-3 percent para sa district engineering office.

Hindi raw bababa sa 67 mambabatas ang sangkot sa kalakarang ito, ayon pa rin kay Lacson.

Sa paglalahad ni Magalong sa KMJS, sinabi niya na "40 percent" ang ibinibigay ng contractor sa kasabwat nitong mambabatas.

Pagpapatuloy ni Vico: "Although, I think an important point to make is that, of course, those differ. Nagba-vary. Hindi naman same ang breakdown.

"May magsasabing 30 percent yung ganito, 10 percent sa ganito. Pero, depende siguro yan sa level of greed, sabi nga ni Senator Ping.

"Kasi may nakita nga ang Pangulo, ghost na talaga."

Ang tinutukoy ni Vico ay si Pangulong Marcos Jr., na nagsabi sa SONA nito at sa mga panayam nito matapos ang inspeksyon sa ilang flood control control projects na may ibang "guni-guni" o ghost project talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"So, kung guni-guni lang yung project, ibig sabihin 100 percent pinaghahatian lang.

"Kung may nakita kang konti, ibig sabihin less than 100 percent yung pinaghahati-hatian nila.

"So, ganun. Wag na nating gawing komplikado, e. Ganun lang naman kasimple yan, e."

Read: Interview ni Korina Sanchez kay Sarah Discaya, burado na sa YT

VICO SOTTO ON REFORMS IN PROCUREMENT IN PASIG

Sa puntong ito, sinabi ni Vico na pagdating sa Pasig LGU ay kumpiyansa siyang hindi makakalusot ang korapsyon pagdating sa procurement ng government projects.

Lahad niya: "Yung malalaking forms of corruption talagang na-wipe out na, simply by following the law.

"So strictly speaking, minsan nga ang criticism na sa amin ng ibang contractor ngayon, masyadong mahigpit daw. Nadi-delay. Yun naman yung downside nun."

Hindi raw talaga madaling trabaho dahil inaayos yung proseso.

"Kumbaga, siguro may birthing pains or whatever you might want to call it.

"Mahirap talaga sa umpisa pero konting tiyaga lang, aayos at aayos din naman yan kung ginagawa mo yung tama."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Siniguro naman ni Vico na tutulong siya pagdating sa pagsugpo sa korapsyon sa national projects.

Iimbestigahan niya sa Pasig kung may maanomalyang flood control projects ang DPWH.

Nauna nang nag-post sa FB si Vico noong August 24 na magre-request ang kanyang staff sa DPWH ng relevant documents para raw masiyasat kung tugma nga o kung may mali sa nai-record na pondong ginasta sa proyekto.

Sa panayam ng Models of Manila TV, nabanggit ni Vico na isa sa problema ay hindi raw kasi talaga nako-coordinate sa Pasig LGU kung mayroon mang proyekto ang DPWH.

Nagpasintabi ang alkalde, saka niya sinabing, "Madalas nagugulat na lang kami, 'Ay, may project pala dito DPWH.'"

Sabi pa ni Vico: "Ang pinakakailangan natin bilang isang bayan para matigil 'to lahat, opinion ko lang 'to ha, pero para sa akin, kailangan wag natin siyang tanggapin. As simple as that.

"Wag natin siyang tanggapin. Maging kadiri siya sa mata ng tao. Hindi siya yung, 'Ay, hindi, ganoon naman talaga.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Diin ulit ni Vico, "Kailangan may managot."

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Pasig City Mayor Vico Sotto explains why he's so outspoken when it comes to the Discayas' alleged anomalies and why he criticizes journalists who interviewed the Discaya couple.
PHOTO/S: Rachelle Siazon
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results