Date to marry ang layunin ni Nasser Amparna sa oras na siya raw ay makipagrelasyon.
Kaya raw single pa kahit nasa 30s na ang teacher-singer na nakabase sa Singapore.
Si Nasser ay kilala bilang singer ng Asianovela theme songs sa GMA-7, tulad ng "Your Love" para sa Princess Hours, "Chasing Cars" para sa Are You Human?, at "You Were There" para sa My Love From Another Star.
Dati rin siyang miyembro ng Kapuso boyband na Down To Mars.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nasser via Zoom noong September 3, 2025.
Dito ibinahagi ni Nasser na traditional at romantic siya pagdating sa pag-ibig.
"Kasi ang idea ko kasi, it's always women are meant to be pursued. So yung mga lalaki, di ba, lagi kaming up on our feet.
"Na this girl is hurting. So our way to show love for that person is continue pursuing even we get rejected, even may mga difficult times tayo," paliwanag ng binata.
Intentional daw siya pag may nagugustuhang babae.
"Ako kasi, siguro dahil yung values ko kasi natutunan ko sa lola ko. I am an old soul. So very [traditional] ako.
"Kaya minsan nagugulat ako bakit ang bilis ng mga taong mag-commit in a relationship nang hindi dumadaan ng courtship.
"So na-naniniwala pa rin ako sa courtship. Naniniwala ako sa ligawan ng parents. Naniniwala pa rin ako sa ganun."
Iba raw iyong naipaparamdam sa babae ang sinserong layunin ng isang lalakeng nanliligaw.
Sabi pa ni Nasser: "And I don't want that to die. Kasi ngayon, iba na yung generation ngayon, e. Parang it's easy for you to commit in a relationship because social media exists.
"Ako kasi nasaksihan ko both and I can weigh na mas maganda yung panahon dati. Mas masarap ma-in love dati na sulatan ng letters. Alam mo yun yung parang ganun?
"Tas bibisita ka sa bahay nila, and then the parents will be there to see you.
"Parang yun yung inspiration ko about love. And that's why ang hirap niya hanapin ngayon kasi, you know, you are exposed to a lot of things."
Malaking kunsiderasyon daw niya ang values na kinalakhan.
Ani Nasser, "Marami opportunity, pero dahil bounded [ako] ng values na tinuro sa akin ng lola ko at saka ng values ni God... I'm a Christian kasi."
Kaya raw hindi siya basta-basta pumapasok sa relasyon.
"Kapag hindi ka handa, huwag. Pag nag-pursue ka ng relationship, you need to prepare yourself that you are at your best before you enter such a relationship.
"Kasi yung taong pinu-pursue mo, for sure naghahangad sila ng best na tao.
"And what if hindi ka pala best? So ano ka half-baked? So masisira lang.
"Parang ano, charge mo lang siya sa experience? Ako kasi, ayaw ko ng charge sa experience.
"Kumbaga sa akin, I want to experience things with you for the rest of my life."
Read: Vico Sotto explains need to call out journalists on Discaya issue
NASSER AMPARNA RELEASES "PASAYO"
Napag-usapan ang take ni Nasser sa pag-ibig dahil sa bago niyang single na "Pasayo.
Noong Agosto, nilunsad ang kanta niyang "Pasayo" na iprinodyus ng record label na Curve Entertainment.
Taong 2019 pa raw niya sinulat ang kanta, at personal ang hugot niya bilang OFW.
Kuwento ni Nasser sa PEP, "Kumbaga, when I am needed by my family, I will fly straight away. So lilipad ako papunta sa kanila—pa sa yo. So yun talaga yung konsepto ng 'Pasayo.'"
Pinabilis na pagwika ito ng phrase na "Papunta sa iyo."
Pero maituturing din daw na romantic love song ang "Pasayo," na mapapakinggan na sa Spotify, YouTube, at ibang streaming platforms.
Ayon kay Nasser, bawat stanza ng kanta ay inilalarawan ang kuwento ng pag-ibig sa pagitan ng taong "hindi marunong magmahal" at isang tao na "alam na kung paano magmahal.
"So if mapapansin mo sa first verse ko, 'Sinabi mo sakin / Di mo kayang magmahal. Tinanong kita bakit / Sagot mo, di mo alam.'
"So sometimes, di ba kapag nasasaktan tayo, ayaw na natin magmahal because we we were so heartbroken."
Sa POV ng nagmamahal, mararamdaman daw ang longing nito na maipadama ang nadarama sa taong minamahal nito.
"Pero of course, sinet niya pa rin yung distance nilang dalawa, yung boundary nila, kasi siyempre you have to respect that person is healing, that person is hurting.
"So hindi mo kailangang madaliin yung pagkakataon."
Sa pre-chorus ng "Pasayo" hanggang sa chorus, nais naman daw ipinahiwatig ni Nasser sa listeners na ang pag-ibig ay handang maghintay kahit "medyo delikado ka doon kasi pwede kang maging rebound."
Dagdag niya: "So the whole chorus is just like let's take this ride, but I won't rush you.
"Then sa second verse naman, this is where there's a sudden shift sa narrative ko kasi ang sabi doon, 'Lumipas ang araw / nagbalik ang iyong sigla / Tinanong kita bakit. Sagut mo alam ko na.'
"So, yung taong nasasaktan dati, yung taong hindi marunong magmahal dati, parang somehow naghi-heal na siya and nari-regain niya na yung strength niya, and ready na siya to open yung heart niya again.
"So andito na ako doon sa idea ng optimism, yung redemption ba, na nare-redeem na yung taong nasaktan yung sarili niya."
Read: Ara Mina on Cristine Reyes new BF: "Matagal ko nang kilala yun."
HAPPY ENDING OF "PASAYO"
Pagdating sa bridge, ipinahiwatig naman ni Nasser ang pangako ng isang taong nagmamahal.
"Yung bridge ko, simple ng words lang. 'Yakapin mo / Wag na wag bibitaw / Sa piling ko / Hindi ka mag-iisa. Pangako sa iyo mahal ko.'"
"So this is where we give assurance, we give certainty, and we give love kasi alam mong fragile yung tao and then she or he opened her or his heart to you."
Sa madaling salita, may happy ending ang kuwento ng kanyang kanta.
Sa huling chorus ng "Pasayo," ano naman ang nais ipahiwatig ni Nasser?
"Yung last part ng song ko, may part doon na medyo mataas yung line na 'Lilipad ako pasayo...'
"Kasi gusto ko maramdaman ng tao na pagdating kasi sa love, hindi siya monotonous. 'Lilipad' kasi yung love, it's a wonderful feeling. It's a gift from God.
"Na di mo ma-explain and you can only explore it with the other person kasi hindi ka pwedeng mag-love ng sarili mo [lang].
"You need to love somebody else in the same way as we love God, as we love Jesus Christ, right? And also as a family, so that's the whole story of 'Pasayo.'"
