Absuwelto ang dating magkasintahang Tessa Prieto at Angel Chua sa kasong estafa na kinaharap ng mga ito.
Base ito sa resolusyon ng Makati Regional Trial Court (RTC), na may petsang August 28, 2025.
Ang nakasaad na complainant ay isang nagngangalang Salud Bautista, na kilalang presidente ng money remittance firm na Philrem Service Corporation.
Nakadetalye sa resolusyon ang pinag-ugatan ng kaso.
Diumano, nagsabwatan sina Prieto at Chua sa isang financial scheme para makunan ng pera si Bautista.
Inalok umano siyang mag-invest sa kumpanyang pag-aari ni Chua, ang Philippine Alliance Property Construction (PAPC).
Ang usapan umano nila ay popondohan ni Bautista ang PAPC, at pagkatapos ng isang buwan ay maibabalik sa kanya ang capital investment kasama ng interest rate na 12 percent.
Nagbigay raw si Bautista ng PHP5M sa dalawa noong April 2023, at nagpaluwal pa raw siya uli ng PHP10M noong May 2023.
Pero hindi umano tumupad sa usapan sina Prieto at Chua.
Nagbayad lang daw ng interes ang dalawa kay Bautista para mapaniwalang may kakayahan silang magbayad.
Pinabulaanan naman ni Prieto ang alegasyon ni Bautista.
Hindi raw totoong nakipagtransaksiyon siya kay Bautista para sa isang investment scheme.
Ang tanging transaksiyon niya raw kay Bautista ay ang personal loan na nagkakahalaga ng PHP5M.
Pero binayaran din daw ni Prieto si Bautista ng PHP5.05M noong May 2023.
Wala raw alam si Prieto sa sinasabi ni Bautista na nagdeposito ito ng PHP10M sa kanyang bank account bilang investment sa kumpanya ni Chua.
Sa parte ni Chua, sinabi nitong wala siyang anumang transaksiyon kay Bautista.
Wala raw ebidensiyang magpapatunay na hinikayat niya si Bautista na mag-invest sa PAPC, o na umakto si Prieto bilang representative ng PAPC para manghingi ng investment kay Bautista.
Read: Discayas name congressmen who allegedly took cuts from DPWH deals
COURT DECISION
Ayon sa resolusyon ng Makati RTC, hindi estafa ang isyu sa pagitan ng complainant na si Bautista at respondents na sina Prieto at Chua.
Maituturing daw na personal loan ang transaksiyon sa pagitan nina Prieto at Bautista.
Base raw ito sa informal exchange of text messages sa pagitan nina Prieto at Bautista, na makikita raw sa salaysay ni Bautista.
Sinabi ng korte na ang nature ng text messages ng dalawa ay para sa pagbabayad ng interes kasama ng principal loan.
Ipinunto ng korte na napatunayan ni Prieto na nagbayad ito ng PHP5.05M kay Bautista, sa pamamagitan ng isang post-dated check.
Ayon pa sa resolusyon, walang ebidensiyang magpapatunay sa sinasabi ni Bautista na PH10M na ibinigay niya sa umano'y financial scheme nina Prieto at Chua.
Wala raw naipakitang bank deposit slip na magpapatunay na nagbigay si Bautista ng pera kay Prieto, at wala rin naman daw naipakitang post-dated check na magpapatunay na may ganoong halagang ibinayad si Prieto kay Bautista.
Read: Joy Belmonte asks Arjo Atayde about flood control project in QC
THE PROMISSORY NOTES
Ipinaliwanag din ng Makati RTC ang iba pang dahilan kung bakit hindi nakitaan ng elements ng estafa ang kaso.
May naiprisinta sa korte na sinasabing promissory notes na inisyu ni Prieto kay Bautista. Nagkakahalaga ng PHP5M at PHP10M ang promissory notes.
Ayon sa korte, ang pag-isyu ng promissory notes ay nagpapakita na hindi criminal kundi civil ang isyu.
Sakop daw kasi ito ng contractual obligation sa pagitan ng involved parties.
Ang pag-isyu ng promissory notes ay maituturing din daw na "novation."
Ang novation, ayon sa investopedia, ay tumutukoy sa kasunduan para palitan ng bago ang naunang kasunduan para sa isang transaksiyon.
Balik sa resolusyon, nakasaad sa demand letter ni Bautista kay Prieto ang pagpapaalala nito tungkol sa promissory notes at ang obligasyon ni Prieto na bayaran ang pagkakautang na PHP5M.
Hindi naman malinaw kung bakit sinasabing may ibinigay na promissory notes si Prieto kay Bautista, gayong sinabi ni Prieto na ang tanging transaksiyon niya kay Bautista ay ang personal loan na PHP5M, na nabayaran naman na niya.
Sa huli, nakasaad na ibinasura ng Makati RTC ang criminal information for estafa laban kina Prieto at Chua.
Read: Arjo Atayde on Discayas: "I’ve never dealt with them."
complainant's MOTION FOR RECONSIDERATION
Umalma ang kampo ni Bautista.
Naghain ng motion for reconsideration si Bautista, at nanindigang niloko umano siya nina Prieto at Chua para sa isang "orchestrated financial scheme."
Nanindigan din si Bautista na nagpaluwal siya ng dagdag na PHP10M kasunod ng PHP5M na in-invest daw niya sa kumpanya ni Chua.
Hindi pa lang daw niya naiprodyus ang ebidensiya dahil hindi raw siya kasi nabigyan ng pagkakataon sa korte.
Kino-contest din ni Bautista ang tungkol sa promissory notes, at sinabing inisyu lamang daw ang mga ito ni Prieto noong lampas na ang due date ng nakatakdang schedule ng pagbabayad sa kanya.
Ang claim niya: hindi nabayaran ni Prieto ang halagang PHP15M na nakasaad sa kinukuwestiyong promissory notes.
Nananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
Read: Fernando Poe Jr.'s 2004 candidacy and untimely death: A lookback
