Isa si Judy Ann Santos sa unang nakatanggap ng librong 50 Years Metro Manila Film Festival, Limang Dekada: Sine Sigla sa Singkuwenta na inilunsad sa Manila International Book Fair sa SMX Convention Center, Pasay City, noong Biyernes, September 12, 2025.
Napabilang si Judy Ann sa Hall of Famers sa kategoryang Best Actress dahil tatlong MMFF best actress na ang napanalunan niya: Kasal, Kasali, Kasalo (2006), Mindanao (2019), at Espantaho (2024).
“Siyempre, not listening to instructions ako, di ba? Parang feeling ko, lima, or pag beteranang-beterana ka na talaga!” natatawang sabi ni Judy Ann nang nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos niyang mag-reading sa book launch ni Ricky Lee noong Biyernes din.
“So, parang hindi ako makapaniwala. Parang ilang beses pa ako nagtanong, 'Totoo ba talaga to?'
“Tapos, ang ano ko pa nga, 'Pag ako ba naging Hall of Famer, hindi na ako puwedeng mag-Best Actress sa susunod?'
“Kasi kung ganun yung mangyayari, tatanggapin ko na lang to pag mare-retire na ako!” natatawa niyang pahayag.
Read: Michael V., bentang-benta ang pagbabasa sa book launch ni Ricky Lee
Ipinaliwanag namin kay Judy Ann na mahigit tatlo ang napanalunan ng yumaong National Artist na si Nora Aunor, na may pinakamaraming best actress trophies mula sa MMFF.
Pagpapatuloy ni Judy Ann: “Pero, di ba? Yung mga ganun na ang sarap isipin na uuwi ako uli sa mga anak ko na may maipapakita akong recognition sa kanila na, 'Ito trabaho ni Mama. Nabigyan ako uli ng recognition.'
"And it’s always a good day kapag napapansin yung trabaho mo na ginawa mula pagkabata.
“And feeling ko, si Ryan [Agoncillo, her husband] talaga yung lucky charm ko. Dahil after nung nag-win ako sa KKK, every time na may entry ako sa MMFF, nagkakataon na nananalo tayo.
"So, it paved so much courage, yung nagkaroon ako ng tiwala sa sarili kong trabaho. Kasi for the longest time, malaki yung insecurity ko sa ginagawa ko.
“Nagkaroon lang talaga ako ng time na mas i-nourish pa kung ano yung nangyayari sa akin, na ang sarap na at least buhay pa ako.
"Dahil nakakaakyat pa ako sa stage na natatanggap ko ang mga ganitong parangal. So, I’m thankful,” saad ng premyadong aktres.
Read: Nora, Judy Ann, iba pang MMFF Hall of Famers, pinarangalan sa MMFF book launch

TAKING A BREAK FROM MMFF
Pagkatapos niyang manalo sa Espantaho sa MMFF 2024, ipinangako raw ni Judy Ann sa sarili na hindi muna siya sasali sa MMFF.
Aniya: “Ang ano ko nga, magpapahinga muna ako ngayong mga susunod sigurong taon sa MMFF.
"Parang ang laki kasi ng nawalang time sa akin with the kids nung December, and yun din kasi yung time na talagang busy kami sa Angrydobo. E, iba rin yung passion na binibigay ko sa Angrydobo.”
Ang Angrydobo ang pag-aaring restaurant nina Judy Ann at Ryan.
Nawalan daw talaga siya ng oras para sa kanyang pamilya nang naging abala siya sa promo ng pelikula niyang kalahok sa MMFF nung nakaraang taon.
“Pero of course, masaya din naman talaga. Kailangan mo lang i-prepare mo lang yung sarili mo sa pagod pagdating sa promo, sa parade, sa awards night.
"Kumbaga, hopefully, makagawa pa ako ng MMFF bago ako mag-singkuwenta,” nakangiting pahayag ng 47-year-old actress..
Sa ngayon ay may mga alok daw sa kanyang series at pelikula, pero dumating na raw siya sa puntong kailangan na niyang tumanggi.
Tapos na raw siya sa panahon nung kabataan niyang tanggap lang siya nang tanggap.
Paliwanag ni Judy Ann: “Parang ano din… feeling ko, sa edad ko rin naman ngayon at sa dami ko na ring mga projects nagawa ko nung bata pa ako hanggang nagdalaga na.
“Hindi naman talaga ako mapili, kung ano ang ipagawa sa akin ni Tito Alfie [Lorenzo] sa akin, gagawin ko talaga yan.
"Kahit hindi ko gusto, gagawin ko, kasi masunurin ako."
Ang mahalaga raw sa kanya ngayon ay magampanan ang responsibilidad niya bilang isang asawa at nanay sa kanyang pamilya.
“Pero 20 years old pa lang ako, sinasabi ko sa sarili ko na pag dumating yung panahon na kaya nang pumili, siyempre pipili ka ng mga pelikula na hindi naman because dahil pihikan ako, hindi naman.
“Gusto ko lang din na nandun ako sa mga milestones ng buhay ng mga anak namin, sa mga importanteng okasyon sa buhay ng asawa ko.
“Kumbaga, naikasa ko na maaga pa lang, gusto ko habang tumatanda at nanay na ako, magawa ko pa rin yung passion ko bilang artista.
"Pero mas magawa ko sana yung responsibilidad ko bilang asawa at nanay,” saad ni Judy Ann.
Read: Vice Ganda praised for handling It's Showtime gaffes with poise
JUDY ANN ON CONSIDERATIONS IN DOING A TELESERYE
Bukas pa rin si Judy Ann sa posibilidad na gumawa ng isang teleserye dahil puwede na raw magserye ng lima hanggang anim na buwan lang.
Pero iba na raw ang gusto niyang gawin kung sakaling mag-teleserye siya.
Sabi ni Judy Ann: “Ang gusto ko kasing series talaga ngayong gawin yung may mga… magbibigay ka ng values sa mga bata.
“Parang rampant na ngayon ng bullying, rampant na yung patayan, rampant na yung agawan ng asawa, agawan ng anak.”
Hindi na yung mga de kahon na kuwento, kundi yung magbibigay inspirasyon sa mga manonood at may matututunan ang mga kabataan.
“Kumbaga, parang gusto ko sana ibalik yung wisdom sa mga bata, at yung hope sa mga tao. Kailangan natin ng hope ngayon.
“Kailangan natin ng encouragement sa mga tao na kaya natin to, e. Kaya nating bumangon, kaya nating magsama-sama at maging isa.
“Puro kasi… ang bigat sa puso ng mga napapanood natin. Pero kasi, yun ang kultura ng Pilipino.
"Gusto natin talaga yung nagbe-breakdown, gusto natin yung nagsasapakan, nagsasabunutan, nagsasampalan.
“Pero parang ako, gusto ko gumawa ng teleserye na mabuksan man lang yung mata ng mga tao na we were once compassionate. We were once human.
"Meron tayong pagkatao, meron tayong bait na binibigay sa mga tao.
"Para siyang nawala. Para tayong lahat, ang tapang natin,” seryoso niyang pahayag.
Read: Court junks criminal information vs. Tessa Prieto, Angel Chua
NO TO POLITICS
Ang isa pa sa hindi na raw puwedeng gawin ngayon ni Judy Ann ay sumali sa pulitika—mag-endorse ng pulitiko o anumang political party.
Minsan lang naman daw siya nakapag-endorse ng politiko noong bata pa siya.
“After nun, wala na akong in-endorse,” pakli ng aktres.
“Hindi naman ako na-trauma, nadala lang ako. Pero matagal yun, bata pa ako nun.
“Siyempre ginagawa ko lang naman ang sinasabi ng manager ko, di ba? Kung saan niya ako ibato, pupunta ako dun. But I should have known better.
“Looking back, I should have known better. I could have said no. I could have said yes.
“Ngayon kasi talaga, I cannot. I have to protect so many clients. I have to protect so many people.
“People would ask me, 'Bakit hindi ka nag-e-endorse ng ganito?' 'Hindi po pupuwede.'
"And I think that’s a blessing."
Read: Vilma Santos, may tatlong sinusunod upang labanan ang korapsyon
