Ang mga pangalan nina Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, Senator Jinggoy Estrada, Senator Joel Villanueva, dating Senator Bong Revilla, at former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang mga binanggit ni dismissed DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee sa mga anomalya sa flood control projects ngayong Martes, Setyembre 23, 2025.
Ayon kay Alcantara, ang mga nabanggit na pangalan ay sangkot umano sa budget insertions at kickbacks sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bago binasa ni Alcantara ang kanyang sinumpaang salaysay ay nagbigay muna siya ng opening statement.
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
“Nitong mga nakaraang araw, ako po ay nakapag-isip-isip na tumulong na lamang po sa imbestigasyon na ito para po sa bayan.
“Narito po ako ngayon sa harapan ninyo upang tumulong nang buong puso at sa abot ng aking makakaya upang makapag-bigay linaw sa katanungan sa imbestigasyon na ito.
“Naiintindihan ko po na hindi lang mainit ang isyung aking kinakaharap sa kasalukuyan.
"Marami rin po ang galit sa aming mga kasama sa DPWH dahil sa mga nabanggit na katiwalian sa aming ahensya.
“Nangangamba po kasi ako sa seguridad ng pamilya ko.
"Ito pong aking salaysay ay marami pong mga tao na mababanggit at ako po ay humihingi ng tawad sa mga tao na ito, pero kailangan ko pong sabihin ang katotohanan.
“Hinihiling ko lang po sa ating butihing Chairman [Senator Panfilo Lacson], sa ating Justice secretary [Jesus Crispin Remulla] po na maproteksyunan ang pamilya ko.
"Medyo napakabigat po ng mga babanggitin ko dito,” naiiyak na saad ni Alcantara.
Read: Philippine Flood Control Corruption: A Timeline

FORMER SENATOR BONG REVILLA JR.
Kasunod nito ay binasa na ni Alcantara ang kanyang sinumpaang salaysay na tumagal ng labing-anim na minuto.
Ayon sa kanya, si DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang tumulong para ma-promote siyang district engineer ng Bulacan noong 2019, ang panahon ni Senator Mark Villar bilang DPWH secretary.
Bahagi ng salaysay ni Alcantara ang pagbanggit sa mga pangalan ng mga politikong tumanggap umano ng porsyento mula sa DPWH projects.
Ngunit nilinaw ni Alcantara na hindi niya direktang nakausap ang ilan sa mga binanggit niyang politiko, kundi binanggit lamang umano ni Bernardo ang mga pangalan ng mga ito sa kanya.
Isa sa mga binanggit ni Alcantara ay si former Senator Bong Revilla.
Lahad niya: "Sabi po niya [Bernardo] sa akin, PHP300 million na para kay Senator Bong Revilla na noon ay kumandidatong senador para sa 2025.
"Sinabihan ako ni Usec. Bernardo na, ‘Henry, kay Senator Bong yan. Baka gusto mong tumulong sa kanya. Dagdagan mo ang proponent. Ikaw na ang bahala.’
“Sinabi ko kay Usec. Bernardo na, ‘Sige po, Boss.'
"Kaya dun po sa 25 percent, naging 30 percent ang proponent dun po sa tatlong project na nakalagay.
“Ang total po ay PHP300 million. Yun po ay ayon kay Usec. Bernardo.
"Never ko pong nakakausap si Senator Bong Revilla. Never po.”
Muling tumakbong senador si Revilla noong May 2025 elections, ngunit nabigo siyang pumasok sa Top 12. Pumuwesto lamang siya sa No. 14.
Read: Curlee Discaya claims politicians, 120M Filipinos want them dead
SENATOR JOEL VILLANUEVA
Muli namang lumutang ang pangalan ni Senator Joel Villanueva sa testimonya ni Alcantara.
Ayon sa kanya, taong 2022 nang humiling si Villanueva ng proyekto na multi-purpose building na nagkakahalaga umano ng PHP1.5 billion.
Saad ni Alcantara: “Sa halagang PHP1.5 billion ay PHP600 million lamang ang napagbigyang pondo para sa multi-purpose building.
"Hindi po ito napagbigyan kaya napilitan kaming gumawa ng paraan.
“Hindi humingi ng partikular na proyekto o porsyento si Senator Joel, pero iniutos ni Usec. Bernardo na bigyan na lamang siya ng proyekto na may katumbas na PHP150 million na proponent.
“Hindi alam ni Senator Joel na flood control ang mga proyekto na nailaan sa kanya dahil ang aking pagkakaalam, ayaw po ni Senator Joel ang project na flood control.
“Ang halagang PHP150 million, dinala ko po sa resthouse sa Barangay Igulot, Bocaue, Bulacan. Iniwan ko po sa tao niya na nagngangalan lang po na Peng.
"Sinabi ko kay Peng, 'Pakibigay na lang kay Boss. Tulong lamang yan para sa future na plano niya.'”
Read: Discayas name congressmen who allegedly took cuts from DPWH deals
SENATOR JINGGOY ESTRADA
Nabanggit din muli ang pangalan ni Senator Jinggoy Estrada.
Salaysay ni Alcantara: "Kay Senator Jinggoy po, sa pagkakatanda ko, nasa 2024 budget hearing kami sa Senado, kasama ko si Usec. Bernardo.
“Sa pagitan ng alas-nuebe hanggang alas-diyes ng gabi, habang kami ay naghihintay, tinanong ako ni Usec. Bernardo kung meron pa akong gustong lagyan at meron pang available na PHP355 million si SJE [Senator Jinggoy Estrada].
“Sabi ko po, ‘Boss, meron naman.’
“Sagot ni Usec. Bernardo sa akin ay ‘Ipasok ko agad sa kanyang listahan ng oras na yon.’
“Agad-agad po akong nagpagawa ng listahan sa staff ko, at sa loob ng 10 to 15 minutes, ipinasa ko na po ang listahan kay Usec. Bernardo.
“Ito po ay puro pumping stations with floodgates. Ito po ay pitong project.
"Meron pong tatlong PHP60 million, isang PHP45 million, isang PHP50 million, dalawang PHP40 million, na may kabuuang PHP355 million.
“Ang proponent po nito ay 25 percent at ibinigay ko kay Usec. Bernardo, kasama ang iba pang proponent ng mga pondong ibinaba niya sa akin para sa taong 2025.
“Wala po akong direktang transaksyon o direktang pakikipag-ugnayan kay Senator Jinggoy.”
Read: Curlee Discaya cited for contempt; Jinggoy Estrada "safe" again?
CONGRESSMAN RIZALDY CO
Sa mga binanggit na politiko ni Alcantara, si Congressman Zaldy Co raw ang direkta niyang nakausap noong simula.
Lahad ng dating DPWH official: "Noong September 2021, nagkakilala kami ni Congressman Zaldy Co sa isang pagtitipon, meeting sa Shangri-La BGC.
“Doon ay napag-usapan namin ang plano ni Congressman Zaldy na sumubok na magbaba ng pondo papunta sa aking distrito para sa iba’t ibang proyekto.
“Pagkalipas ng humigit-kumulang na isang buwan mula sa aming unang pagkikita, ako ay nagpasa sa kanya ng listahan ng mga proyektong may kaugnayan sa flood control.
“At ang mga proyektong ito ay lumabas sa General Appropriation Acts of 2022 na nagkakahalaga ng PHP519 million.
“Sa pagitan ng apat na taon, magmula 2022 hanggang 2025, naging tagapagtaguyod si Congressman Zaldy ng mga proyekto sa Bulacan First, mahigit-kumulang 426 na proyekto.
"Ang kabuuang halaga ng proyekto, ayon po sa nakalap kong record, ay hindi bababa sa PHP35.24 billion.
“Ang pag-abot ng porsyento para kay Cong. Zaldy sa bawat proyekto ay kadalasang hindi isang bagsakan. Ito rin ay nakadepende kung paano naipasok o na-insert."
Ayon kay Alcantara, hindi umano niya nakikita si Co kapag dinadala ang pera sa kongresista.
Idinetalye niya kung paano niya inaabot sa kongresista ang pera.
Saad ni Alcantara: “Ang pera na nakalaan para kay Cong. Zaldy ay dinadala sa akin, at ako naman po ang nagdadala o naghahatid sa iba’t ibang tao niya.
“Hindi ko po siya na-meet during pagdadala. Ang tao niya ay may alias na 'Paul' at 'Mark' dahil sila po yung nagme-message sa akin thru Viber. Disappearing message po yon.
“May isa o dalawang beses na dinala ko sa parking lot ng Shangri-La hotel sa Bonifacio Global City yung porsyento ni Cong. Zaldy.
“Paminsan-minsan naman ay inihahatid ko ito sa kanyang bahay sa Valle Verde, Pasig City."
Si Co ay nasa Amerika mula pa noong Hulyo 2025.
Nauna nang pinabulaanan nina Estrada, Villanueva, at Co ang pagdadawit sa kanilang mga pangalan sa maanomalyang flood control projects.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag si Revilla sa paratang laban sa kanya.
Related Stories: